(Mia's diary entry 24)
Monday, January 10, 1977
Nakabalik na sila Ferdie at Bestre sa unibersidad ngayong araw. Nakita ko sila sa may lagoon kasama si Jepoy. Akmang lalapitan ko na sila ngunit nakita ko na may kausap silang dalawang babae.
Mukhang nadawit si Bestre sa isang argumento. Mula sa pinagtataguan ko sa likod ng isang puno, may kaaway ito na dalaga habang nakatayo ang kasama nitong babae sa likuran, na balisa at palinga-linga sa paligid. Nagulat na lang ako na si Bestre ay biglang binuhusan ng softdrinks sa ulo ng babaeng umaaway sa kanya.
Saktong nakita kong dumating si Alma, na kasintahan ni Jepoy, at sinubukan silang awatin. Mas lalong nairita ang babaeng nagbuhos ng softdrinks, na bakas sa kanyang aburidong mukha kahit nakatingin ako sa malayo. Umalis ang nasabing babaeng ito habang nakasunod sa kanya ang isa pa niyang kasama.
Ito na ang senyales na lapitan sila. Tinanong ko si Alma kung ano ang nangyari habang nakatingin kay Bestre, na basa ang ulo at naghuhurumentado.
"Ah, nagparinig kasi itong si Bestre doon sa anak ng may-ari ng Luxuriant Department Store, yung kinukwento ko sa iyo dati, si Ranie Miranda. Tapos nagalit itong kaibigan ni Ranie, kaya binuhusan niya ng softdrinks si Bestre," paliwanag ni Alma.
Napatitig ako kay Ferdie, na pigil ang pagtawa. Si Jepoy naman ay kabaligtaran, na hinihimatay na sa kakatawa.
"Tumigil ka nga diyan!" Umirap si Bestre sa kanya at naglakad tuloy papalayo dahil sa inis.
Nang mawala na sa aming paningin si Bestre, nagbuntong-hininga si Ferdie.
"Mula nang makita niya ngayong araw iyan si Miss Miranda, na bad-trip na at nasiraan na ng bait! Disyembre pa siya ganyan, nabasa lang sa pahayagan ang tungkol sa Pamilya Miranda, naging paksa niya lagi yung anak nilang dalaga. Minsan, iniisip ko baka kursunada ito ng ating kaibigan."
Nagpakawala ng halakhak itong si Ferdie. Pinisil ko ang braso niya at napaaray naman ito.
"Nag-alala ako sa iyo! Nakabalik ka lang, napa-trobol na kayo! Halika, ilibre mo nga ako ng merienda!"
Hinatak ko na si Ferdie para makalayo na kami. Nagpaalam siya kina Alma at Jepoy at kumapit na siya sa braso ko habang kami ay naglalakad patungo sa Lucky's Canteen.
Habang kumakain ng merienda, nagkwento si Ferdie na maayos naman sila sa underground movement, ngunit may iniwan siyang babala.
"Mukhang may nagtitiktik sa amin dito sa unibersidad. May kahilingan ako, maari bang di muna tayo palaging magkita? Para lang ito sa iyong kapakanan."
Napakunot ang aking noo. "Paano mo nasabi na may sumusunod sa inyo? Sa pagkakaalam ko, di basta-basta makakapasok dito ang mga hindi estudyante."
"Akala mo lang iyon, pero maraming lusutan dito at meron din silang mga binabayarang military na pwedeng magpanggap bilang estudyante. Nito lang, may nahuli silang mga nagba-vandalize sa pader ng mga kataga na laban sa gobyerno, kaya dapat muna tayong mag-ingat," kwento ng aking nobyo. "Mainit ang mga mata nila ngayon sa mga aktibistang estudyante gaya namin ni Bestre."
Nanahimik ako. "Paano tayo mag-uusap kung lie-low muna?"
"Papadalhan kita ng mga liham na ipapaabot ko kay Alma," ika ni Ferdie. "Huwag muna tayong pahalata na magkasintahan tayo. Alam kong may kaya rin ang iyong pamilya at baka sabihin nila ito sa iyong ama."
Wala na akong nasabi pa at pumayag na lang ako sa kanyang kagustuhan.
Naghiwalay kami ng landas at tanging isang mahigpit na yakap lang ang aming paalamanan.
Mia
A/N: contains minimal spoilers for Memoria. If you like, you can also read this together with Restless Hearts. Same universe lang din under ERA series. Thank you. ❤️
BINABASA MO ANG
Restless Hearts | Epistolary
Ficção Histórica"Memoria" spin-off An epistolary set in a time with no social media Set in 1976, a lonely rich girl bored with her life is in for a surprise when she discovers a popular band in her university. She develops a crush on one of the band members and beg...