(Mia's diary entry 21)
Christmas break na ngayon, sayang at di ako agad nakapagsulat dito ng mga kaganapan. Kay daming nangyari at kailangan kong huminga nang malalim para unawain ang lahat ng ito.
Umalis na si Ferdie kasama si Bestre para magtago sa mga kabundukan sa probinsya ng Rizal. Doon muna sila mamamalagi hanggang sa maimprenta ang kanilang diyaro at ipapakalat nila ito sa buong Kamaynilaan.
Natuloy rin ang lunch date kasama ang aking mga magulang. Nakipagkita kami sa kaibigang doktor ni Papa, na may binatang anak.
Carlos Gorospe ang pangalan ng nasabing binata. Bente-nueve anyos na ito at isa siyang opthalmologist sa kanilang eye clinic na matatagpuan sa Quiapo. Guwapo at mestisuhin ang nasabing binata. Mabait siya at malumanay ang pananalita. Agad niya akong inaya sa isang date at pumayag ako, kahit labag ito sa aking kalooban.
Sa sumunod na Linggo, sumakay ako sa kotse ni Dr. Gorospe at kumain kami sa isang American-style diner sa Makati. Halos hindi kami nag-uusap habang kumakain, kaya ako ang bumasag sa aming nakakailang na katahimikan.
Tinanong ko siya tungkol sa pagiging opthalmologist nito at ang kanyang pamumuhay. Ngumiti ito sa akin at magalang na sumagot. Mahirap at naninibago siya, ngunit nakakaya niya ito.
Buti ay nakuha ko agad ang kanyang kalooban. Kaya itinuloy ko ang aming usapan.
"Marami bang nagpupunta sa inyong klinika sa Quiapo?"
"May araw na maraming pasyente, kapag Sabado at Linggo. Ngunit kapag Lunes hanggang Biyernes, di gaano. Karamihan ay nagpapagawa ng salamin sa mata at kinukuha nila ito pagkatapos ng ilang araw," sagot ni Doktor Gorospe.
"Wala kang araw ng pahinga?" Napakunot tuloy ako ng noo.
"Kapag Lunes at Martes," ngumiti ang mabuting Doktor. "Nagpupunta ako sa golf course kasama si Papa, o kaya ay nagpapahinga lang sa aming bahay."
"Ah," tumango ako.
"Ano palang kukunin mo na kurso pagkatapos ng iyong pre-med?" Tanong niya sa akin.
"Siguro, pediatrics or internal medicine. Pero di pa ako sigurado kung ano talaga ang gusto kong kunin," matipid akong ngumiti.
"May nais akong sabihin, Miss Fortes," wika ni Doktor Gorospe.
"Ano iyon?" Napatigil ako sa pagsimsim ng aking lemonade at napatingin sa hamburger na kalahati ko nang nakain.
"Alam kong nais ng ating mga magulang na magkamabutihan tayo. Ngunit tutol ako sa kanilang kagustuhan. Hindi sa ayaw ko sa iyo. Maganda ka at mabait, ngunit napakabata mo pa para isipin ang buhay may-asawa," pahayag ni Doktor Gorospe. "Ayokong ikulong ka sa isang buhay na di mo gusto dahil lang sa ating mga magulang."
Halos mapanganga ako sa aking narinig. Nananaginip ba ako?
"Sumunod lang ako sa kanilang kagustuhan," aking tugon. "Pero tama ka nga, nineteen lang ako at di ko pa nga iniisip ang kanilang gustong mangyari."
"Ayokong ipilit ang aking sarili sa iyo, Miss Fortes," pagpapatuloy ni Doktor Gorospe. "Sasabihin ko sa aking mga magulang na ito na ang huli nating pagkikita. Kung ako ang tatanungin, mas nanaisin ko na makasama ang isang babae na halos ka-edad ko na."
"Nauunawaan ko," tumango ako.
Tinapos na namin ang aming merienda. Inihatid ako ni Dokor Gorospe sa amin at bago ako bumaba ng kotse ay nagkamayan kami.
"Salamat sa pagiging honest. Kasi ayoko rin ng ganito," wika ko.
"Naiilang ako sa totoo lang," tawa nito. "Ang bata mo pa para sa akin."
"Kung kailangan ko ng salamin sa mata, pupunta na lang ako sa klinika mo. I have your calling card," ngiti ko.
"Until then, Miss Mia Fortes."
"Thank you for treating me out, Doktor Carlos Gorospe."
Pumasok ako sa aming tahanan at nakahinga na nang maluwag sa loob ng aking kwarto.
Agad din itong nalaman ng aking mga magulang ngunit di sila nagalit sa akin. Buti sumang-ayon si Papa sa dahilan ni Carlos, na naikwento sa kanya ng ama nito.
Siya nga pala, malapit na ang Bagong Taon. Ni sulat o tawag mula kay Ferdie ay wala akong natatanggap.
Nabawasan ang isa kong alalahanin ngunit nadagdagan naman ng panibago.
Sana makabalik siya.
Mia
BINABASA MO ANG
Restless Hearts | Epistolary
Historical Fiction"Memoria" spin-off An epistolary set in a time with no social media Set in 1976, a lonely rich girl bored with her life is in for a surprise when she discovers a popular band in her university. She develops a crush on one of the band members and beg...