(Narrative)
TW: mentions of t*rture while in detention
Friday, July 15, 1977
"Mia, umuwi ka na."
"Ayoko pa. Gusto muna kitang samahan dito sa ospital."
"Wala naman kukuha sa akin dito. Di nila alam na nabuhay pa rin ako pagkatapos nila akong paulit-ulit na pahirapan at pahigain sa isang blokeng yelo pagkatapos. Akala nila ah," pabirong humalakhak si Ferdie.
"Huwag mo nang banggitin mga ginawa nila sa iyo. Tawa-tawa ka pa diyan."
Pabirong binatukan ni Mia si Ferdie, na kasalukuyang nakahiga ngayon sa kanyang kama sa ospital. Agad dinaop ni Ferdie ang kamay ng dalaga at hinalikan ang likuran nito. Pilit na ngumiti si Mia at hinimlay niya ang kanyang ulo sa malambot na higaan, malapit sa balikat ni Ferdie.
Pinagmasdan ni Mia ang nakaratay na nobyo. Bakas sa kanyang mukha, leeg, at mga braso ang mga sugat kung saan siya pinaso ng sigarilyo. Nakabukas din ang kanyang hospital gown at meron din mga sugat sa kanyang dibdib. Sa gitna ng kanyang paghihirap ay nagagawa pa rin nito na magbiro.
Kanina lang ay naabutan niya si Ferdie na sumisigaw habang natutulog. Ginising niya ito at dito sinabi ni Ferdie ang kanyang bangungot tungkol sa kanyang pinagdaanan sa Kampo Crame.
"Paano si Ranie? Labis ang aking pag-aalala para sa kanya. Hindi ko alam kung paano siya pakakalmahin ngayong wala si Bestre. Hindi tayo sigurado kung pinaslang siya o nawawala." Kinagat ni Mia ang kanyang labi para pigilan ang pagdaloy muli ng kanyang mga luha.
"Kahit ako, di ko rin alam ang gagawin. Mukhang dapat na nating tanggapin na malaki ang posibilidad na wala na ang ating kaibigan."
Narinig ni Mia ang paghikbi ni Ferdie sa kanyang tabi.
"Ayos lang na umiyak ka kasama ko." Yumuko si Mia at pumatak ang kanyang luha sa braso ng kasintahan.
Tumagilid si Ferdie at pinakawalan na niya ang isang malakas na hagulgol.
Maingat na yumakap si Mia dito at ibinaon ang kanyang mukha sa balikat ni Ferdie.Sapat na ang kanilang mga luha para ipahayag ang nais nilang iparating na di kailangan ng mga salita.
BINABASA MO ANG
Restless Hearts | Epistolary
Historical Fiction"Memoria" spin-off An epistolary set in a time with no social media Set in 1976, a lonely rich girl bored with her life is in for a surprise when she discovers a popular band in her university. She develops a crush on one of the band members and beg...