61-Usapan

29 3 0
                                    

(Mia's diary entry 29)

Monday, February 21, 1977

Limang araw ang dumaan mula nang huli akong nakapagsulat dito.


Walang kakaibang nangyari sa unibersidad at sa aking mga kaibigan. Ngunit dito sa bahay ay mayroon.



Napadaan ako noong isang gabi sa kwarto ng aking mga magulang, at nagkataong nakabukas ang pintuan. Di ko sinasadya na marinig ang kanilang usapan, at tumigil muna ako sa gilid para mas mapakinggan pa ito.



May pagtatalo na nagaganap sa pagitan ng aking mga magulang. At ako ang paksa nito.



"Masyadong maluwag ang iyong pagpapalaki kay Mia," ika ng aking ina sa aking ama. "Bakit hinahayaan mo lang na magpunta ito kung saan-saan imbes na diretsong umuwi dito tuwing may pasok?"


"Aba, nagsalita ang may pakialaman," pambabara ng aking ama. Mas lalong tumalas ang aking pandinig at hinintay ang kanyang sasabihin:


"Kailan ka ba nagkaroon ng malasakit sa ating unica hija? Mula noon, kay Wency lang nakatuon ang atensyon at pagmamahal mo. Kahit naman ako, at ngayon ko lang aaminin na nagkamali ako sa ganitong pagpapalaki. Dati akong malapit sa anak kong si Mia, ngunit nang nagdadalaga ito, ay lumayo ang aking loob sa kanya. At pakiramdam ko ay ganoon din siya sa akin, kaya bumabawi ako sa kanya ngayon. Sana matuto mo rin na kilalanin ang ating dalaga, Laura."


(Si Wency o Wenceslao ang aking kuya na sampung taon ang tanda sa akin.)


Napakunot ako ng noo sa narinig. Mas lalo akong nagtaka at naguluhan sa tugon ng aking ina:


"Huwag mong ipilit sa akin ang batang iyan, Simon."


Naisipan ko nang umalis sa eksena. Buti ay hindi nila ako napansin.


Huwag mong ipilit sa akin ang batang iyan.


Bakit ganoon si Mama? Bakit parang hindi niya ako anak? Bakit mas paborito niya si Kuya Wency?


Ayos na sa akin na nakakasama ko na minsan si Papa na kumakain sa labas o nagpupunta sa grocery nitong nakaraang buwan. Pero mula pagkabata ay walang amor si Mama pagdating sa akin. Mas tinuring ko pang ina ang dati kong yaya na umalis na mula nang ako ay tumuntong sa kolehiyo.


May di ba sila sinasabi? Ano kaya ang kanilang lihim? Pakiramdam ko ay mayroon nga.


Makapagsigarilyo muna sa balkonahe.

Mia

Restless Hearts | EpistolaryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon