SIMULA

2.6K 22 3
                                    

SIMULA

EREM BLYTHE VALDERAMA’S POV

Growing up, I only have one big dream and that is to have a happy and complete family na kahit minsan ay hindi ko naranasan, kaya hanggang ngayon na nasa hustong gulang na ako ay bitbit ko pa rin ang pangarap na iyon.

Lumaki akong walang ama at kahit anong pagkakakilalan tungkol sa kaniya ay wala ako. Kung bakit ay hindi ko alam dahil sa tuwing magtatanong ako aking ina tungkol dito ay palaging bulyaw lang ang nakukuha kong sagot mula sa kaniya.

“Erem, ang tagal mo namang ihanda ang agahan! Ang kupad-kupad mo talaga kahit kailan!” galit at pasigaw na sabi ni Tiyo Robert, kinakasama ng nanay ko na halos walang ginawa sa buhay kung hindi ang tumambay at makipag-inuman.

Isa na naman ito sa mga araw ng buhay ko kung saan gumising akong pagod at walang gana sa buhay, pero dahil alam kong mauuwi lang sa pagtatalo namin ni Mama kapag hindi ako kumilos ay naghanda pa rin ako ng pagkain para sa kanila.

Walang kibo kong inilapag ang niluto kong sinangag na kanin at pritong itlog sa hapag kung saan nakaabang ang lalaki.

“Itlog na naman, Erem?! Lintik na buhay naman ito, oo! Ada, wala bang pera itong anak mo at palaging pritong itlog ang ipinapakain sa atin?” reklamo ulit ng lalaki  ngayo’y sinabi gamit ang mas galit na tono na siya namang naging dahilan para tingnan ako nang masama ni Mama nang makalapit siya sa hapag.

“Tinitipid mo ba kami, Erem?!” iritadong sabi niya nang magkatapat kaming dalawa.

Paano ko sila titipirin gayong wala rin naman akong pera na ilalaan para sa pagkain nilang dalawa, lalo na sa pagkain ng asawa niya na ayaw magtrabaho? Sa sarili ko nga ay wala akong mailaan! Kulang na kulang ang kinikita ko bilang student assistant para sa pag-aaral ko, dahil sa totoo lang ay halos wala namang napupunta sa akin. Tuwing araw ng sahod ko kasi ay kinukuha lahat ni Mama ang pera.

“Ma, wala akong pera at alam mo iyan,” tanging tugon ko matapos siyang ipagtimpla ng kape,

“At anong gusto mong palabasing bata ka? Na ginasta ko ang pera mo kaya itlog lang ang agahan ngayon?!” galit na naman niyang sabi habang nagsasandok ng pagkain.

“Wala akong ibang ibig sabihin sa sinabi ko, Ma. Ang sa akin lang po, alam mong wala akong pera dahil kinuha mo ulit lahat ng sahod ko,” walang emosyon kong sabi at akmang uupo na rin sana para kumain ngunit bigla akong pinigilan ni Tiyo Robert.

“Huwag ka nang kumain dahil sapat lang sa amin ng mama mo ang hinanda mo,” naka-ismid niyang sabi sabay higop sa kapeng hinanda ko para kay Mama. Magpoprotesta pa sana ako pero ultimo si Mama ay sinabihan akong umalis na dahil nasisira ko lang daw ang umaga niya.

Nasa kolehiyo pa lang ako pero ako na halos ang gumagawa ng paraan para mabuhay at makakain ang aking ina at ang asawa niya. Lahat ng trabaho ay pinapasok ko makapag-uwi lang ng pera sa bahay. Nahihirapan na ako sa totoo lang, pero wala akong magagawa kung hindi ang ibigay lahat kay Mama kahit pa ayaw ko dahil kung hindi ay pagbubuhatan niya ako ng kamay.

Wala na naman akong pagpipilian kung hindi ang umalis ng bahay at pumasok nang walang laman ang sikmura. Mabuti na lang talaga ay may nakatabi pa akong singkwenta pesos sa wallet ko para pamasahe papasok sa University. Mukhang makikikain na naman ulit ako ngayong araw kay Julie.

Napabuntong-hininga na lang ako nang malalim bago tuluyang umalis sa bahay namin. Mabigat man sa loob ko na halos walang pagbabago sa buhay ko araw-araw ay wala akong magagawa kung hindi tanggapin ang buhay na mayroon ako.

Nasanay na lang ako sa sitwasyon na wala naman akong ibang pagpipilian at tila natutuhan ko na lang na magsinungaling sa sarili ko na balang araw ay aayon din ang buhay sa akin, magiging maayos din ang lahat at pinakamahalaga ay matutupad ko rin lahat ng mga pangarap ko. Kasama sa mga pangarap na iyon ang pagbuo ko ng isang masaya at buong pamilya kasama ng taong mamahalin ko habang buhay.

Hindi katulad ng inaasahan ko ang nangyari sa buong araw ko sa University dahil absent si Julie, block mate ko. Buong araw tuloy akong nagtiis ng gutom dahil wala ang kaibigan ko na palaging bumibili ng pagkain para sa akin.

Hindi madali ang maging isang kolehiyo lalo na kung salat ka sa pera, masuwerte na lang talaga ako dahil sa scholarship na mayroon ako. Nakakapag-aral ako ng kursong gusto ko nang libre, at higit sa lahat ay wala akong iniisip na kahit anong bayarin.

Third year college na ako sa kursong BS Management Major in Human Resources sa isang maganda at kilalang unibersidad sa bansa kaya mahirap makibagay at maki-ayon sa mga taong nakakasalamuha ko araw-araw pero sinisikap kong makisama dahil bukod sa mahirap lang ako ay wala naman akong ibang ipagmamalaki sa buhay.

Nahihirapan ako sa totoo lang pero dahil nasanay na akong magsinungaling sa sarili ko, palagi kong sinasabing ayos lang at kaya ko kahit ang totoo ay nagsasawa na akong paniwalain ang sarili ko.

Wala akong trabahong gagawin ngayon sa guidance office kaya naman makauuwi ako nang maaga, pero dahil malas ako ay naabutan pa ako ng malakas ulan kung kailan pauwi na ako. Napilitan tuloy akong magpatila sa waiting shed hindi kalayuan sa gate ng University. Hindi naman ako nag-iisa roon, bagay na ipinagpasalamat ko dahil ayokong naiiwang mag-isa sa pampublikong lugar.

Nakasiksik lang ako sa pinakasulok kung saan sapat na para hindi ako mabasa ng ulan nang mapansin ko ang isang matangkad, maputi at guwapong lalaki na katabi ko na may suot ng unipormeng katulad sa akin.

Mukha siyang seryoso kaya naman inalis ko ang mga tingin ko sa kaniya.

Habang tumatagal ay mas lumakas pa ang ulan at kasabay ng pagbuhos ng ulan ay ang pagkulo ng sikmura ko dahil sa gutom.  Napahimas na lang ako sa tiyan ko dahil talaga namang nag-aalburoto na ang mga alaga ko sa tiyan.

“Nagagalit na iyong mga alaga mo ah,” dinig kong sabi ng lalaking katabi ko kaya naman napaangat ako ng tingin sa kaniya.

“Huwag kang mag-alala, mas galit ako dahil nag-aalburoto sila,” natatawa kong tugon sa kaniya habang nakatitig sa guwapo niyang mukha.

“Kainin mo ng manahimik na mga alaga mo,” natatawa niyang sabi sabay abot sa akin ng isang burger na mukhang binili sa isang kilalang fast food restaurant.

Kahit may hiya akong nararamdaman ay nilunok ko.

“Hindi ako tatanggi dahil nagugutom talaga ako. Salamat,” nakangiti ko namang saad sa kaniya matapos kong tanggapin ang pagkain na binigay niya.

Agad ko itong kinagat at kinain.

“I’m Lucas Sandoval,” pakilala niya habang natatawang pinanonood akong kainin ang binigay niya.

“Erem… Erem Blythe Valderama, twenty years old, third year BS Management student, “ sunod-sunod kong sabi sabay lahad sa kaniya ng kamay ko para makipag-shake hands. Agad din naman niyang tinanggap kahit na halatang natatawa ito sa itsura ko.

Hindi mahirap pakisamahan si Lucas, hindi kagaya ng ibang kapuwa ko estudyante sa University. Katulad siya ni Julie na kahit mayaman ay tanggap ako bilang isang kaibigan.

Mula ng araw na iyon, naging magkaibigan na kaming dalawa. Hanggang sa hindi ko namalayan… nahulog na pala ang loob ko sa kaibigan ko.

Pilit kong iniwasan ko at patuloy kong gagawin dahil alam kong kaibigan lang ang tingin niya sa katulad ko. Bukod pa roon, nasanay na rin naman akong magsinungaling para itago ang tunay kong nararamdaman. Pinaniwala ko ang sarili kong guni-guni lang ang lahat ng nararamdaman ko para kay Lucas Sandoval.

Oppressed Wife's Runaway Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon