Chapter 1

146K 4.2K 1.1K
                                    

Simula...


"JILL, GISING NA."


Tatlong katok at malumanay na boses ng nakatatanda kong kapatid na si Kuya Jordan ang gumising sa akin.


Kinapa ko ang aking phone sa bedside table. Napaungol ako nang makita ang oras sa screen nito. 4:59 AM pa lang. 5:00 AM pa ang tunog ng alarm ko, pero nauna na si Kuya Jordan sa paggising sa akin ng isang minuto.


First day of school year. Grade 11 na ako at ang nag-iisa kong kapatid na si Kuya Jordan ay Grade 12. Sa science class siya habang ako naman ay napunta sa regular Section 3. 


"Jill..." Muli ay ang malumanay na boses ni Kuya Jordan mula sa labas ng pinto ng kuwarto ko.


Bago tumunog ang alarm ay dinisable ko na agad ito. "Oo, kuya! Gising na ako!" sigaw ko.


Tumayo na ako. Kinuha ko ang robe at tuwalya na naka-hanger sa may pinto ng aking closet. Lumabas na ako ng kuwarto para tumungo sa banyo na nasa may bandang kusina ng bungalow naming bahay.


Nadatnan ko si Kuya Jordan na nakaharap sa tapat ng kalan. Nagsasangag siya ng kanin sa kawali. Naka-slacks school pants na siya, may suot ng belt, pero walang pang kahit anong pang-itaas. Magulo pa rin ang basa niyang buhok na halatang bagong ligo lang.


"Maligo ka na, Jill," sabi niya sa akin. "Sabay-sabay tayong mag-almusal pagkagising nina Mommy at Daddy."


Inilapag niya ang bandehado ng sinangag na kanin sa mesa kasama ng pritong itlog at ham. Mukhang kanina pa siya naggising. Bago naligo ay nagluto na siya at naghanda ng hapag-kainan. Papasok na ako sa banyo nang mapatingin ako sa mesa. Bukod sa nakahandang almusal ay naroon na rin ang apat na baunan na may lamang kanin na at tig iisang pritong manok.


"Kuya, ako ang naka-assign sa mga baunan, di ba?" mahinang sabi ko. Toka ko iyon kaya dapat ako ang gagawa.


Dinampot ni Kuya Jordan ang mga baunan at inilagay sa apat na paper bag. Nilagyan niya ang mga iyon ng tig-iisang saging at tumbler na may lamang mineral water. Ang isa sa mga baunan na iyon ay para sa kanya, ang isa naman ay para sa akin at ang natirang dalawa ay para kina Mommy at Daddy.


Tumingin siya sa akin at ngumiti. "It's okay, Jill."


"Pero, kuya..."


"It's okay. Maligo ka na. Ako nang bahala rito." Nakangiti pa rin siya. Ngiti na mabait, ngiti ng isang mapagmahal, at perpektong nakatatandang kapatid.


Yumuko ako at tahimik na pumasok na sa banyo. Pagpasok sa loob ay nagpakawala ako ng buntong-hininga. Isasabit ko na ang tuwalya at robe sa towel holder nang mapatingin ako sa lalagyanan ko ng toiletries. Napakunot ang aking noo nang makitang may refill na ang body soap ko.


Napakalinis na rin ng banyo kahit hindi ko naman ito nalinis kagabi. Ako ang nakatoka rito pero may gumawa na sa toka ko. Pati ang basura sa trash bin ay naitapon na rin. Wala na akong gagawin.

South Boys #4: TroublemakerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon