CHAPTER 001 - Angel From Hell

851 14 0
                                    


TATLONG MINUTO.

Tatlong minuto raw ang kailangang hintayin bago lumabas ang resulta mula sa hawak niyang pregnancy test kit. Iyon ang sabi ng nakasulat sa likod ng pakete.

Tatlong minuto...

Iyon na yata ang pinaka-mahabang tatlong minuto ng buhay niya. Pakiramdam niya'y hindi siya makahinga sa paghihintay. Pakiramdam niya'y tatakasan siya ng ulirat habang pinagmamasdan ang maliit na parihabang device na siyang magko-kompirma ng tadhana niya.

Itinaas niya ang kamay at gamit ang palad ay pinunasan niya ang pawis sa noo. Hindi niya namalayang sa labis na pangamba ay pinagpapawisan na siya nang malapot. Napaatras siya at sumandal sa pader ng banyo na nakatapat sa salaming nasa ibabaw ng lababo. Niyakap niya ang sarili saka muling itinaas ang isang kamay saka inumpisahang kagatin ang kuko sa hinlalaki.

Ramdam niya ang malakas na pagkabog ng kaniyang puso. Ramdam niya ang bawat pagpitik ng ugat mula roon. Tila may kung anong mabigat sa kaniyang dibdib na hindi niya mawari. Parang may sasabog mula sa kaloob-looban niya anumang sandali.

Mariin niyang ipinikit ang mga mata.

Hindi pa siya handang maging ina. At sa tingin niya ay kailanman, hindi siya magiging handa para sa ganoon ka-laking responsibilidad.

Hindi para sa kaniya ang pagkakaroon ng anak. Hindi para sa kaniya ang magkaroon ng ganoong buhay.

Hindi nga niya kayang buhayin at ipagtanggol ang sarili niya, ang magiging anak pa kaya niya?

Nakadepende lang din siya kay Dexter, at kung wala ito ay baka sa kalsada siya pupulutin.

Kung ang resulta ng test ay positibo, kailangan niyang mag-desisyon kaagad bago pa unang maka-gawa ng desisyon si Dexter. Hindi niya pwedeng hayaan na ito ang magpasiya para sa magiging anak niya kung saka-sakali. Hindi niya alam ang takbo ng isip nito. Ang alam lang niya ay walang mahalaga rito kung hindi ang kapakanan at kaligayahan nito. Hindi ito papayag na magbuntis siya. Wala siyang pakinabang rito kung magdadalangtao siya.

Oh, lalo siyang nangamba.

Paano kung sabihin ni Dexter na ipalaglag niya ang bata? Kaya ba niyang pumatay? Kaya ba niyang pumatay ng sarili niyang dugo't laman?

Hindi. Hindi niya pwedeng gawin iyon.

Kung positibo man ang maging resulta ay kokombinsihin niya si Dexter na pagbigyan siyang isilang ang bata, at kapag nakapanganak na siya ay iiwan niya ang sanggol sa bahay-ampunan. Kailangan lang na habang hindi pa malaki ang tiyan niya'y makahanap sila ng sunod na target na gagatasan nila para mabuhay sila sa loob ng ilang buwan.

Tutal, hindi niya kayang maging ina at bumuhay ng sanggol, mas maiging sa bahay-ampunan ito mapadpad kaysa ang magdusa kasama siya.

Ipinanganak na siyang malas. Habangbuhay siyang magiging malas. Kung saka-sakaling positibo ang resulta ng pregnancy test, hindi niya idadamay ang magiging anak niya sa kamalasan ng buhay niya, kaya nararapat lang na sa bahay-amponan ito lumaki.

Siyempre, kahit pa hindi niya gusto ang pagbubuntis na iyon at hindi niya mahal ang lalaking nakabuntis sa kaniya, ay may pakialam pa rin siya sa magiging anak niya.

"Raya, ano ba?! Kanina ka pa r'yan sa loob ng banyo!"

Napa-igtad siya sabay lingon sa pintong gawa sa plywood nang marinig ang sunud-sunod na pagkatok ni Dexter mula sa labas. Naka-lock ang barrel bolt mula sa loob kaya hindi iyon magawang buksan ng nasa labas.

"M-Malapit na," sagot niya sa nanginginig na tinig. Boses pa lang ni Dexter ay natataranta na siya.

Si Dexter ay alam ang dahilan kung bakit naroon siya sa banyo at nagkukulong.

WATCH ME FALL (Ariston Ghold Zodiac)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon