'Ingatan Mo Ako'
Pagsusumamo ng pangunahing tauhan sa kanyang May Akda sa kwentong "Voz De La Verdad."
Sa Punto de vista ni William Louise Morse.
Sa loob ko ay tila may tabak na lumalansag.
Sa loob ko ay may parang kamatayan. Dahil sa mga bagay na ito ay umiiyak ako.Ang mata ko, ang mata ko ay dinadaluyan ng luha.
Namamanglaw ang aking puso, ako'y lubhang nahahapis.Ako'y nakakita ng pangitain na walang kabuluhan, at kamangmangan.
Sila'y nagsisisutsot, at iginagalaw ang kanilang mga ulo, at ibinubukang maluwag ng lahat kong kaaway ang kanilang mga labi laban sa akin.
Kanilang inihasa ang kanilang dila na parang ahas. Kamandag ng mga ahas ay nasa kani-kanilang mga labi, sapagka't ang bibig nilang masama at ang bibig nilang magdaraya ay ibinuka nila laban sa akin na silang may sinungaling na dila.
Kanilang kinulong ako sa palibot ng mga salitang pagtatanim,
at nagsilaban sa akin ng walang kadahilanan.Dahil sa aking katotohanan ay naging kaaway ko sila.
Dahil sa aking pag-ibig ay naging kaaway ko sila.
Kanila akong hinawakan at ikinubli sa liwanag.
Ang mata ko'y dumadaloy ng mga ilog ng tubig dahil sa pagkahamak.
Ang mata ko'y dinadaluyan at hindi naglilikat.Kanilang akong inihagis sa bilangguan, at doon iginapos nila ang aking leeg ng tanikala na parang asong nauulol,
at sa kagutom ay kumain ako ng lupa.Ilang araw akong naghirap at sa makalawa'y inihagis ako sa nagniningas na apoy sa ilalim ng matinding sikat ng araw. At sa aking leeg, ibinitay ang manipis na karatulang naghahayag na isa akong makasalanang hindi dapat tularan.
Dinumihan nila ang aking pangalan.
Sa harap ng mga tao, ako'y naging kakutyaan, napupuno ng pagtawa ang kanilang bibig.
Niwalang-kabuluhan nila ang aking pag-ibig, at ang kanilang mga mata ay natitinging laban sa akin.Ako'y lubos na kinasusuklaman ng kanilang mga kaluluwa.
Tunay na niwalang saysay nila ang aking pag-ibig, at kasamaan ang iginanti nila sa akin.Ang liwanag ay biglang natakpan ng alapaap, na anopa't pati ang aking panalangin ay naharangan.
Ni wala ring dumidinig sa aking tinig, at ang mga tao'y ikinubli na rin ang kanilang pakinig sa aking hingal at sa aking daing.Ang aking puso ay tuluyan ng inalisan ng pag-asa.
Habang sumisigaw sa sakit, ang aking mga kaaway ay minamasdan ako, at ang kanilang mga bibig din ay napupuno ng pagtawa at kasiyahan sa kanilang mga mata.
Naging kakutyaan ako sa aking buong bayan, naging bantog ang aking pangalan sa kanila bilang isang makasalanan, at ako ang kanilang awit buong araw.
Tumingin ako sa mga langit, saan nga ba magmumula ang aking saklolo?
Ang aking hininga ay unti-unti ng pumapanaw, na tila nanunumbalik sa kanyang pagkalupa, at dahan-dahang nawawala ang aking pag-iisip.
Ang aking takot ay bumubugsong parang tubig.
Araw at gabi ay hindi na ako nagpapahinga dahil sa kapangi-pangilabot na aking nakikita. Ni hindi ko na hinahayaang maglikat ang itim ng aking mga mata dahil sa takot.
Ako'y pinangingilabutan, ako'y hindi tiwasay, ni ako man ay tahimik kundi kabagabagan ang dumarating sa akin. Takot ay tunay na dumarating sa akin, at panginginig, na nagpapanginig ng aking mga buto.
Sagipin mo ako!
Iyong nakikilala ang aking pagtindig at ang aking pag-upo.
Iyong nauunawa ang aking pag-iisip sa malayo.
Iyong sinisiyasat ang aking landas, at iyong kilala ang lahat kong mga lakad.
Iyong natatalastas ang aking buong salita na hindi pa lumabas sa aking dila.
Itinatatag mo ang aking hakbang sa pamamagitan ng iyong salita,
gayon na rin ang patibayan ng aking tahanan.Ang tali ng aking kamatayan ay pumupulupot sa iyong mga kamay. Malibang ikaw ang magtayo ng tanggulan walang kabuluhan ang nagsisigawa, at nagtatayo niyaon.
Malibang ingatan mo ang aking buhay walang kabuluhan ang bawat nagtatangka sa akin ng kamatayan. Lahat ng aking lakad ay nasa harap mo, maging ang aking buhay.
Kaya naman sagipin mo ako, iligtas mo ako.
Tumingin ka sa aking kanan at kaliwa, kanlungan ay wala ako, walang taong lilingap sa akin.
Kaya naman iligtas mo ako sa mga magsisiusig sa akin. Iligtas mo ako sa masamang tao. Ingatan mo ako sa marahas na tao na nag-aakala ng kasamaan sa kanilang mga puso.
Huwag mong ipagkaloob ang nasa ng masama, huwag mong papangyarihin ang kanilang masasamang haka.
Ako'y nagsusumamo sa iyo, iligtas mo ako, ingatan mo ako. Iurong mo ang kapahamakang nagmamadaling pumaroon sa akin.
BINABASA MO ANG
Love's Tapestry: Weaving Words of Romance
شِعرThis is a collection of poems written by Jcena Mortiff that revolves around various forms of love. These words long to break free, the letters yearn for liberation, all gathered from the depths of the author's heart and mind. They are assembled here...