63. Every Breat You Take (Mart Laurence Kasfer)

91 14 0
                                    

'Karangyaan at Kayamanan'

Sa punto de vista ni Mart Laurence Kasfer sa kwentong pinagamagatan: 'Every Breath You Take'

Ako'y nagagayakan ng marilag na kasuotan. Bagaman nakakailangan, pinilit ko pa rin na gumalaw ng naaayon sa aking matayog na kasuotan.

Ang aking buhok ay nalalangisan, nakahipid ng maayos sa aking ulo, at ang aking damit ay napapabanguhan ng mamahaling pabangong nardo.

Ngayong gabi, isa akong tulisan na nagpapanggap na marangal. Ako'y waring langaw na nasa loob ng mamahaling unguento.

Kadalasan, sa aming mga ninanakawan, sa ibang daan kami dumadaan sapagkat ganoon naman talaga ang magnanakaw at tulisan: ang tinatakpan lamang ay ang kanyang mukha ngunit hindi ikinukubli ang kanyang katawan. Na nagagayakan na parang mabangis na lobo, na ang layunin lamang ay magnakaw ng mga tupa at puminsala.

Kami'y parang mga lobo na tumatalon sa trangkahan, at kung hindi naman, ay sa nakasaradong durungawan.

Ngunit ngayong gabi, ako'y daraan sa pintuang daan upang hindi mabatid ng mga bantay na ako'y magnanakaw, at ang aking tudlaan ay ang nag-iisang anak na dalaga ni Don Bernave Gustafson, na si Ehsher Gustafson.

At sa aking pagpasok, nakita ko kung anong ganap sa looban.

Ang mga tao ay nagkakatipon sa bulwagan. Bawat isa sa kanila ay napapalibutan ng mga mamahaling bato, pilak, at ginto sa kanilang katawan at kasuotan. Napakarilag ng kanilang pananalita, maging ng kanilang paggalaw, at sumisilang sa kanilang mga mukha na sila ay nagmula sa marangyang buhay.

Inilibot ko pa ang aking paningin at pinagmasdan ang kabuuan ng looban.

Ganito pala nagdiriwang ang mga mayayaman: masyado silang magastos sa kalayawan. May mga musikero at mang-aawit na tumutugtog sa iba't ibang instrumento at umaawit sa iba't ibang tono; bawat sentro ay may pigingan, bawat sentro ay napapalibutan ng mamahaling alak at malagintong sisidlan.

Sa bagay, walang mas mabuti para sa tao kundi kumain, uminom, at magalak sa lahat ng kanyang gawa sa ilalim ng araw, sapagkat iyon ang kanyang pinakabahagi. Wala nang mas maiging gawin ang tao kundi magpakabusog at magpakalango sa lahat ng araw ng kanyang buhay at gamitin ang kanyang salapi sa lahat ng bagay na layon ng kanyang puso't isipan.

Magpakagalak sa kanyang pinakapag-aari at kunin ang lahat ng kanyang nais habang siya'y nabubuhay, sapagkat iyon ang kanyang pinakabahagi. Humiga nang may kasiyahan sa kanyang mga pinagpagalan.

Sa kanilang mararangyang kagayakan, nakikita ko ang aking karalitaan at kadustahan. Bagaman ako man ay nagagayakan ng marangal na kasuotan, ngunit sa akin, ito ay isang pansamantalang palamuti lamang na aking huhubarin pagkatapos nitong araw.

Bakit nga ba hindi ipinagkaloob sa akin ng buhay na ito ang karangyaan at kayamanan?

Bakit ipinagkait sa akin ng buhay na ito ang karangyaan at kayamanan?

Bakit maraming pinagkalooban ngunit sa kanila'y bakit hindi ako nabilang?

Sa matandang kasabihan, naniniwala sila na ang maginhawang buhay ay maaaring maranasan ng bawat tao sa mundo; ngunit, bakit kami ay pinagkaitan nito?

At sa paniniwala naman ng iba, kailangang tanggapin ang kahirapan habang nabubuhay upang matamasa ang kaginhawaan sa kabilang buhay; ngunit, sino nga ba ang makapagpapatunay na may kabilang buhay at kaginhawaan sa kabilang buhay?

Sapagka't kung ang isang tao ay mamatay, mabubuhay pa ba siya?

Kung ang tao ay mamatay, may makapagbabalik ba sa kanya upang makita ang mangyayari pagkamatay niya? At sa gayon rin naman, sinong magbabalik sa patay upang saysayin ang nangyari pagkatapos niyang mamatay?

Mayroon na bang makapagpapatunay sa kabilang buhay?

May tao na bang namatay at pagkatapos ay nabuhay na nagsasaysay sa nakita niya sa kabilang buhay?

Kapag ang tao ay nabuwal, ay siya'y hindi na makakabangon pa hanggang sa ang langit ay mawala; sila'y hindi na magsisibangon pa, ni mangagigising man sa kanilang pagkakahimlay.

Nguni't, bakit ko nga ba pinag-aaksayahan ng panahon ang pag-isipan ang mga bagay na yaon?

Ako'y naparito upang kumitil ng buhay, at hindi upang sumakabilang buhay!

Isa lang ang aking pakay, upang maranasan ko ang tunay na kasiyahan sa lupang ibabaw.

Nasaan ka na, Ehsher Gustafson?

Nakahanda ka na ba na salubungin ang kamatayan patungo sa kabilang buhay?

Love's Tapestry: Weaving Words of RomanceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon