Day 601.1

1.7K 155 63
                                    

(Sulat ni Chacha kay Silas)

Silas,

Para quits at para may babalikan ka, sasagutin ko ang sulat mo. Una, dahil may mga bagay na gusto kong malinaw sa ating dalawa; at ikalawa, dahil ayokong magpatuloy sa isip mo yung ibang isinulat mo. 

Mahal kita, Silas. 

Hindi ko alam kung kailan ako nagsimulang mahulog sayo. Kung nung magkaklase ba tayo sa mga major subjects at nakakagrupo kita, o kung nung nakikita na kitang nag-e-effort kay Alice (ayoko rin siyang isama rito sa letter, pero parte siya ng kuwento natin at tanggap ko naman yun). Basta isang araw nung college, napapangiti ako kapag nakangiti ka, masaya ako kapag masaya ka (kahit hindi dahil sakin o kahit dahil kay Alice), at nasasaktan ako kapag nasasaktan ka at nagdududa sa sarili mo. Nung una, akala ko, special ka lang sa akin pero hindi bilang lalaki. Akala ko, mahal kita bilang kaibigan at bilang tao. Akala ko, nasasaktan ako para sayo kasi nakikita ko lahat ng effort mo at nakikisimpatya ako sayo. Pero isang araw pa, nakita kong hinalikan mo si Alice. Nabasag yung puso ko. As in ganun yung pakiramdam. Na parang may nabasag sa dibdib ko na hindi na babalik kahit na anong iyak ang ginawa ko nang gabing yun. Tapos noon ko na-realize na... ah, hindi ka special friend ko lang. Hindi ako nakikisimpatya lang sayo. Hindi kita hinahangaan lang bilang tao. Mahal kita bilang lalaki. Mahal ko lang din si Alice kaya hindi ko naisip o na-imagine man lang na agawin yung puwesto niya. 

At walang halong kaplastikan, nung masaya kayong dalawa noon, masaya rin ako para sa inyo. Sumuko ako sa nararamdaman ko para sayo... kasi nakita ko kung gano nyo kamahal ang isa't isa. Understatement pala. Hindi nyo mahal lang ang isa't isa, kundi baliw kayo sa isa't isa. Gustong-gusto ko kayong maging masaya, kahit masakit sakin. Kahit napapaisip na ko nun na baka tumanda akong dalaga.

Bakit ko kinukuwento to sayo? Syempre, para konsensyahin ka. Charot. Haha. Siyempre, hindi yun. Sinasabi ko sayo to para alam mo na kahit noon, nung masaya kayo ni Alice at mukhang magkakatuluyan kayo, hindi ko naging option na magmahal ng iba. Ewan ko rin kung bakit. Naisip ko minsan, kung pano kaya kung mahulog ako sa iba. Pero hanggang dun lang--naisip ko lang. Hindi ko pinlano at hindi ko sinubukan. Naniniwala kasi ako noon, na kung talagang mahuhulog ako sa iba, mangyayari na lang kahit hindi ko planuhin gaya ng pagkahulog ko sayo. 

Kahit nung nagkakalabuan na kayo ni Alice at ginawa mong kabit ang sarili mo kahit na ikaw naman talaga yung boyfriend, hindi ko naisip na hindi ka na mahalin. Mas naiisip ko pa nun na sana, mawala na ang nararamdaman mo kay Alice... hindi dahil sa gusto kong may maramdaman ka sakin... kundi dahil ayoko nang masaktan ka pa. Kasi tanga ka eh. Kasi buhos kang magmahal. Kasi hindi mo iniisip kung dehado ka sa sitwasyon. 

Mula noon hanggang ngayon, mahal kita, ayaw kitang masaktan, at gusto kitang masaya. Walang option para sakin na hindi ka mahalin... kasi lagi kitang mahal. Walang option para sa akin sa iba... kasi walang iba. Wala akong kailangang pag-isipan... kasi ikaw lang mula noon. 

Ang gold mo, di ba? Haha. Kaya kahit nung nagde-date kami ni Mateo, naiyak ako. Kasi pakiramdam ko, sinasayang ko ang oras niya kahit na alam ko naman sa sarili ko na ikaw lang talaga. Saka kahit wala namang tayo, pakiramdam ko, nagche-cheat ako sayo. Nung nagpunta kami sa bahay nyo para kay Tita tapos nakatingin ka, guilty na guilty ako kahit na hindi naman ako nagche-cheat kasi wala namang tayo... at technically, sinabi mo rin naman talaga sakin na makipag-date sa iba. Kaya nag-alangan din akong malaman mo na binasted ko si Mateo. Ayokong maisip mo na hindi ko man lang sinubukan. Hindi ko rin naman maipaliliwanag basta sayo na kahit subukan ko pa, walang mangyayari. 

Mahal kita nung hindi mo pa alam. At mas mahal kita nung nasabi ko na sayo. 

Mahal kita hindi dahil lang sa puwede o kaya kong mahalin ka. Mahal kita hindi dahil lang sa hindi ko kasi nakita yung mga option ko. Mahal kita hindi dahil lang sa nasanay ako. 

Mahal kita kasi mahal kita. Noon at ngayon, walang iisang rason kung bakit kita mahal. Noon at ngayon, walang iisang rason kung bakit hindi ko kayang magmahal ng iba. 

Sa loob ng ilang taon na supportive ako sa inyo ni Alice, oo, nasasaktan ako, pero dahil yun sa mahal kita. Nasasaktan ako, pero hindi ibig sabihin nun ay hindi ko ginusto na maging masaya kayo. Kasi, kapag masaya ka at okay ka, masaya at okay rin ako. Sa bawat pag-inom mo dahil sa kanya na ako ang dina-drunk call mo, masaya ako nun. Kasi nalalaman ko ang iniisip mo at nakakahati ako kahit pano sa sakit na nararamdaman mo. Nung hiniwalayan ka ni Alice tapos pinuntahan kita, sinadya ko yun. Dahil alam kong hindi ka aalis dun sa meeting place nyo, maliban kung balikan ka niya. Hindi yun pagpapakamartir sa part ko. Mahal lang kita, at gusto kong gawin yung makabubuti para sayo. 

Kaya kahit magpakatanga ako sayo, masaktan at madurog, gagawin ko yun nang masaya at walang pag-aalinlangan. Hindi ako magsisisi at hindi ako manghihinayang kasi parte yun ng pagmamahal ko sayo. Kahit kailan, kahit nung hindi mo pa ako mahal, hindi ko naisip na maling desisyon ka. Kasi hindi ka desisyon lang para sa akin. Ikaw ang kaisa-isang pagmamahal na alam ko. Hindi ka magiging isang bagay na sisira at mananakit sakin, dahil alam kong kahit nung hindi mo ko mahal, hindi mo yun kayang gawin. Hindi ikaw yung tipo na mananakit at magsasamantala sa isang taong nagmamahal sayo. Hindi ikaw yung tipong magpapakatarantado dahil lang nasasaktan. 

Salamat sa pagpipigil sa sarili mo na gamitin ako para makalimot. See? Hindi talaga ikaw yung tipo na gagamitin ang ibang tao para sa sarili mo. Matagal nang walang tsansa ang ibang tao sakin, kaya late na yung concerns mo. Matagal na kong walang nakikitang option kaya late na yung concerns mo. Kilala ko at alam ko lahat ng may gusto sakin dahil daldalera si Pretty. Kaya nga ako laging may dalang dos por dos, para makita kung sino ang matapang na humarap sa dos por dos ko. So far, ikaw pa lang. Ang OA nung may pila para maging boyfriend ko. At ang corny nito pero nakapila ako sayo. Gold mo diyan. Haha. 

Mula noon hanggang ngayon, ikaw ang nag-iisa para sakin. Kaya wag kang mag-alala. Kahit na hirap pa akong unawain na mahal mo ko, at kahit posibleng may mga araw na mapapaisip ako kung totoo ngang mahal mo ko, ako mismo ang gagawa ng paraan para maalala ko kung ano ang totoo. Baka may araw na magdadalawang-isip ako, pero gagawin ko ang lahat para maalagaan ang sinisimulan natin. I'll love you and I'll enjoy your love and attention. I'll take you in your bad days, in your good days, in your confusing days. I'll take your best and your worst. I'll love your good and your bad. Paano ka man lumapit sakin at paano mo man ibigay ang pagmamahal mo sakin, aangkinin ko lahat. Mahal ko ang lahat sayo, mula noon hanggang ngayon--kasama ang katangahan at ang kakulitan mo. 

Masaya akong simulan ang taon bilang girlfriend mo. Hindi ko pa alam kung ano ang pagkakaiba ngayong mahal mo ko at hindi ko pa alam kung paano kikilos bilang girlfriend mo, pero mabilis naman akong matuto. Gusto kong malaman ang lahat sayo at maranasan ang lahat kasama mo. 

Yung araw na akala kong hindi na darating, dumating pa rin. Dumayo ka pa para sabihin sakin. Thank you. 

Mahal kita, Silas Montecristo. 


- Chacha Andrade

P.S. Hindi rin ako lasing nung sinulat ko to. Haha. 

Hashtag Boys Series 2: #StupidLove (Silas)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon