Prologue
"Ano? Sasama ka?"
Nilingon ko si Marah na kanina pang nakasimangot. Kinukulit niya akong sumama sa reunion naming college classmates noon. Maisip ko pa lang ang mga mangyayari, nanghihina na ako.
Lalo na't alam kong magpapayabangan sila ng narating nila sa buhay. Wala akong maipagmamalaki sa kanila. Hanggang ngayon, wala pa rin akong stable na trabaho. Palagi akong naaalis dahil sa kamalasan ko.
Hindi ko na alam kung ano'ng mangyayari sa buhay ko. Ginagawa ko naman ang lahat, pero talagang nakadikit sa akin ang kamalasan. Kung anu-ano na ang trabahong napasok ko, pero hindi ako tumatagal.
Ngayon, pinoproblema ko na naman kung ano'ng trabaho ang papasukin ko. Kailangan ko ng pera. Hindi kami mayaman. Nagtitinda lang ng mga gulay si Mama sa palengke, habang si Papa ay jeepney driver.
Nag-iisang anak nila ako, kaya ako lang ang maaasahan nila. Hindi ko sila pwedeng pabayaan. Kahit na hirap kami sa buhay, ginawa nila ang lahat para lang makapagtapos ako ng pag-aaral.
College graduate ako, pero palamunin pa rin ako ng mga magulang ko.
"Hindi ako sasama," umiiling-iling ako. "Wala akong maipagmamayabang sa kanila."
Marah sighed. "Ano naman? Magsasaya lang tayo ro'n, tsaka uuwi rin agad tayo."
"Ayaw ko pa rin," sumimangot ako. "Mabuti ka, nagtatrabaho sa bangko. Malaki na ang sahod mo, habang ako. Wala pa ring nararating sa buhay."
Tumayo na 'ko at niligpit ang hinigaan ko. Kinuha ko ang phone ko. Wala man lang nag-message sa 'kin. Tatlo ang ini-apply-an kong trabaho pero mukhang hindi ako nakapasok sa kanila. Maghahanap na naman ako ng pwede kong pag-apply-an.
"Hindi ba pwedeng samahan mo na lang ako? Gusto ko lang makita ang crush ko no'n! Baka may pag-asa na kami."
Hinarang ako ni Marah, naka-nguso siya na nagpapa-awa sa 'kin. High school pa no'ng naging magkaibigan kaming dalawa. Naging sandalan din namin ang isa't isa. Mukhang wala na 'kong magagawa kundi ang sumama sa kanya.
"May babayaran ba ro'n?" tanong ko.
"You mean?" gulat niyang tanong. "Sasama ka na sa 'kin?"
I nodded. "Ano pa ba'ng magagawa ko? Baka palitan mo pa 'ko at humanap ka ng ibang kaibigan kapag hindi ako sumama sa 'yo."
Niyakap niya 'ko. "Sabi na, magiging marupok ka rin sa 'kin."
"Basta tulungan mo uli ako sa paghahanap ng work, ubos na ang ipon ko."
"Of course!" sunod-sunod siyang tumango. "Basta ba, gagalingan mo na sa trabaho mo! Ikaw naman kasi, ang hilig mong sumagot sa boss mo. Iyan tuloy, naaalis ka sa trabaho."
Sumimangot ako. "Ano'ng mali ro'n? Hindi naman tamang sigaw-sigawan nila ako. Palagi akong nagkakamali, at inaamin ko 'yon. Pero hindi naman ako papayag na pati buong pagkatao ko'y husgahan nila."
Aaminin kong kasalanan ko rin kung ba't walang tumatagal na trabaho sa 'kin. Sa sobrang malas ko, sa marereklamong boss ako napupunta. Minsan nga ay binabastos pa 'ko kaya ako na mismo ang umaalis sa work.
Kinabukasan ay pumunta kami ng mall ni Marah. Inilibre niya 'ko ng susuotin ko. Simpleng floral dress lang. Hindi ako mahilig mag-ayos pero hindi ako magpapahuli sa araw ng reunion namin. Kailangan kong ipakita na maayos lang ang buhay ko para hindi nakakahiya sa kanila.
"Ano? Handa ka na mamaya?" salubong ni Marah pagkarating niya.
I nodded. "Ikaw ang bahala sa 'kin do'n."