Chapter 8
"Oh, ba't gan'yan ang mukha mo?" tanong ni Marah pagkaupo ko sa upuan. "Kagigising mo lang, para ka nang pinagbaksakan ng langit at lupa?"
Nasapo ko ang mukha ko. Hindi mawala sa isip ko ang sinabi ni Kaius. Kung alam ko lang na may iba siyang pakay, hindi na sana ako sumama pa sa kanya. Hindi ko akalain na ganoon na siya ka-clingy sa akin para mag-desisyon na magsama kaming dalawa.
"Sa tingin mo ba, na easy-to-get ako?" Nilingon ko si Marah na busy sa paghigop ng kape.
"Oo," simpleng sagot niya.
"Grabe ka naman! Gano'n na lang ba ang tingin mo sa 'kin?"
"Bakit, hindi ba? Eh, halatang bigay na bigay ka na kay Kaius. Noong nalaman ko nga na magkasama kayo dito sa apartment, halos atakihin na ako sa puso sa sobrang gulat. Alam kong gusto mong iwasan ang lalaki, pero pinayagan mong magsama kayo sa iisang lugar."
Nag-iwas ako ng tingin. Kahit ako rin, hindi makapaniwala sa sarili ko. Sa loob ng maraming taon na nawala sa landas ko si Kaius, ni minsan ay hindi siya nawala sa isip ko.
Kung kumusta na ba siya? May sarili na ba siyang pamilya? O, kung minsan ba ay hinanap niya ako?
Si Kaius din ang dahilan kung bakit hindi ko nagawang makipag-relasyon sa ibang lalaki. Para bang hawak niya ang buhay ko kaya ayaw kong magpatali sa iba. Hindi ko alam kung may pagmamahal pa ba akong nararamdaman sa kanya.
O, pangungulila na lang dahil matagal kaming hindi nagkita ng ama ng anak ko.
"Niyaya niya ako," huminto ako saglit at sinapo ang mukha ko. "Na magsama kaming dalawa sa condo niya..."
Biglang naibuga ni Marah ang iniinom niya. Hinawakan niya pa ang braso ko para lang iharap ako sa kanya. Nababakas sa mukha niya ang gulat.
"Totoo?" gulat niyang tanong. "Pumayag ka na magsama kayo ni Kaius?"
I sighed. "Syempre..."
Inis niyang hinila ang buhok ko. "Gaga ka! Ikaw pala 'tong mang-iiwan! Nakakainis ka!" singhal niya.
"Syempre hindi..." pagpapatuloy ko. "Hindi ako pumayag sa gusto niya."
Tumayo na ako at hinaplos ang buhok ko. Sobrang sakit ng anit ko sa ginawa ni Marah. Hindi niya muna ako pinatapos sa pagsasalita. Inaasahan niya siguro na pumayag ako na magsama kami ni Kaius.
Hindi ako pumayag sa gusto ni Kaius. Isa pa sa ipinagpapasalamat ko na hindi na nagtanong pa ang lalaki kung anong dahilan. Tinuruan niya na lang ako na gawin iyong bagong flavor ng milktea na isasama sa menu ng business niya.
Pagkarating sa room ko ay nagkulong agad ako. Dapat ay nag-iintindi na akong pumasok sa trabaho ko, pero wala ako sa mood. Balak kong um-absent kahit ngayong araw lang. Isa rin sa dahilan ay ayaw kong makita si Kaius.
Xyleenah:
Boss, absent ako todayyyy
Masakit puson ko
Humilata ako sa kama at tumitig sa kisame. Hindi totoong masakit ang puson ko. Wala akong maisip na dahilan. Hindi ko pwedeng sabihin kay Kaius na kaya ayaw kong pumasok sa work nang dahil sa kanya.
Napahawak ako sa dibdib ko nang biglang tumunog ang phone ko. Tumatawag si Kaius. Hindi ko alam kung sasagutin ko iyon. Sa huli ay pinatay ko ang tawag niya. Kahit boses niya ay ayaw kong marinig.
Xyleenah:
Sa message na lang, wala ako sa mood umimik 😥