Chapter 22
"Maganda ba?"
Umikot sa harap ko si Marah. Napangiti ako habang pinagmamasdan ang kaibigan ko. Hindi na mapapantayan pa ang sayang nararamdaman ko para sa kanya. Kasiyahan lang naman ang hangad ko para kay Marah, ngayon ay nakamtan na niya iyon kasama ang lalaking mahal niya.
Magkakaroon na rin sila ng pamilya. Natutupad na talaga ang pangarap ni Marah na ikasal sa lalaking matagal na niyang gusto. Noong college ay hibang na hibang na siya kay Harren. Kaunting araw na lang ay haharap na sila sa altar.
"Ikaw na ang pinaka-magandang bride na nakita ko."
Ngumiti si Marah at humarap sa salamin. Lumapit ako sa kaibigan ko at marahang hinaplos ang likuran niya. Nakita kong naiiyak na siya.
"Grabe, hindi pa rin ako makapaniwala," she sobbed. "Ikakasal na talaga 'ko kay Harren?"
Tumango ako. "Oo, kaya huwag ka nang umiyak d'yan. May ilang araw pa para mapaghandaan mo ang kasal n'yo."
"Subukan lang naman ni Harren na hindi sumipot, hinding-hindi ko talaga siya mapapatawad."
"Gaga," sabi ko saka humalakhak. "Alam na nga niya na buntis ka, kaya hindi ka magagawang iwan ni Harren."
"Ewan ko sa lalaking 'yon, ang bilis makaramdam. Noong una pa lang na naghahanap ako ng pagkain, may ideya na agad siya na buntis ako. Hindi niya lang sinasabi sa 'kin."
Mas lalong napalapit ang araw ng kasal nila ni Harren. Noong una pa lang ay may ideya na pala ang lalaki na buntis ang kaibigan ko. Balak pa naman sanang sorpresahin ni Marah ang lalaki, pero siya pa ang na-sorpresa nang malaman na alam na ni Harren ang totoo.
Nasa Canada ang parents ni Marah. Uuwi sila bago ang araw ng kasal ng anak nila. Ako ang kasa-kasama ni Marah sa lahat. Sa paghahanap ng venue ng celebration ng kasal, sa pagpili ng wedding dress, at kung anu-ano pa.
Gusto siyang tulungan ni Harren, pero hindi pumayag si Marah. Gusto ng kaibigan ko na siya ang masunod sa lahat. Na matupad ang dream niyang kasal kaya siya ang naghihirap ngayon. Idinadamay niya pa ako. Wala naman akong magawa dahil hindi ko rin siya kayang pabayaan.
"Kayo ba ni Kaius? May balak na kayo sa kasal n'yo?"
Umiling ako. "Wala pa, hindi pa namin napag-uusapan kung kailan."
"Really? Wala pa talaga kayong plano?"
"Napag-uusapan na namin minsan ni Kaius, pero sinabi ko na huwag muna kaming magmadali. Ikakasal ka pa, saka na ako."
Tumango-tango si Marah. "Basta tutulungan kita, sabihin mo lang sa 'kin..."
Umupo ako sa couch habang si Marah ay nagpapalit na ng suot. Sinukat niya lang talaga ang wedding dress. Mahirap na at baka hindi pa magkasya sa kanya. Isa sa dahilan kung bakit napabilis ang kasal nila nang dahil sa pagbubuntis ni Marah. Hinahabol niya na maliit pa ang tiyan para hindi siya mahirapan.
Habang naghihintay kay Marah ay naramdaman kong nag-vibrate ang phone ko. Napangiti ako nang makita ang pangalan ni Kaius.
Dr. Kaius:
Where are you, baby?
Miss na agad kita :(((
Xyleenah:
Kasama ko po si Marah, tinutulungan ko lang siya sa nalalapit na kasal nila
I MISS YOU MORE SO MUCH VERY MUCH DUNKIN DOC 😘
Dr. Kaius:
Ingat kayooo
See you later 🫶
Lumapit na sa akin si Marah kaya hindi ko na na-reply-an pa si Kaius. Nagtungo naman kami sa isang restaurant para mag-food tasting. Nagugulat na lang ako sa bawat presyo ng mga nakahain sa amin. Marami ang hindi nagustuhan si Marah.