Chapter 27
"Ma, Pa, pasensya na po, ha," mahina kong sabi at nilingon ko sila. "Bumalik pa po tuloy tayo rito sa Nueva Ecija..."
Lumapit sa akin si Mama. "Ano ka ba naman, anak?" aniya. "Mas gusto namin dito, lalo na't marami tayong kapitbahay na para na rin nating pamilya."
"Ayaw ko na rin, anak, sa Maynila," sabad ni Papa. "Alam mo naman ang nangyari, parang hindi ko na kaya pang tumagal doon. Mas malaya ako rito..."
Napangiti ako at nilingon si Traver. Tahimik lang siyang nakaupo sa isang silya. Alam kong nagulat siya sa biglaan naming pagbalik dito sa Nueva Ecija. Nag-rent na lang ako ng van dahil ayaw kong makaabala na naman sa kaibigan ko.
Alam na ni Marah na bumalik na kaming pamilya sa lugar namin. Nalungkot ang kaibigan ko. Mahihirapan na raw siyang puntahan kami. Nasanay pa naman siya na palagi kaming nabibisita. Naiintindihan niya naman ang dahilan ko.
Hindi ko na kayang manatili roon sa Maynila. Wala nang dahilan pa. Mas pinili ni Kaius na ikasal kay Jasmine. Wala akong balak na pigilan siya. Desisyon niya iyon. Basta huwag na huwag siyang magpapakita sa akin, lalo na sa mga anak namin.
Pagod na pagod na akong masaktan nang dahil sa kanya. Ayaw ko ring sayangin ang luha ko sa taong wala namang pakialam sa akin.
Mahal niya ako, pero bakit ang hirap-hirap sa kanya na piliin ako? Mas pinili niyang talikuran kaming mag-iina niya. Kung ganoon palagi ang mangyayari, hindi namin siya kailangan.
"Sorry, anak," I mumbled. "Alam kong nagustuhan mo na sa Maynila, lalo na't pumapasok ka na sa school. Biglaan lang talaga ang desisyon ko..."
"Ayos lang po, Mom," tugon niya at ngumiti. "Mas gusto ko po rito, tahimik at palagi na po kitang makakasama. Hindi po katulad sa Maynila na palagi mo po kaming iniiwan..."
Nanikip ang dibdib ko. Nangako ako sa kanya na babawi ako noong nasa Maynila kami, pero hindi ko pa rin talaga nagawa. Mas pinili kong sumama palagi kay Kaius. Hindi niya naman kami nagawang piliin.
Hindi ko muna inayos ang mga gamit namin. Umalis ako para i-enroll si Traver sa dati niyang school. Marami ang nagulat sa biglaan naming pagbalik. Akala ko, kamumuhian nila si Papa pero nagkamali ako. Masaya pa sila na makitang nakalaya na si Papa.
May malapit-lapit naman sa lugar namin na ospital. Maghahanap ako ng bago kong OB-Gyn. Baka dito na rin ako manganak. Hindi ko na naisip pang bumalik sa Maynila. Habang tungkol naman sa bahay, patuloy pa rin ang pagbabayad ko roon buwan-buwan.
Lalo na't may contract na akong pinirmahan. Maghahanap na lang ako ng taong titira doon na magbabayad sa akin monthly. Baka may kakilala ako rito na nagbabalak na tumira sa Maynila. Pwede muna silang mag-stay sa bahay.
Lumipas ang mga araw na pinilit kong tatagan ang loob ko. Iniiwasan ko na ring isipin si Kaius. Wala akong balita sa kanya, at wala rin akong balak na alamin ang nangyayari sa buhay niya. Kung ikasal nga talaga siya kay Jasmine, tatanggapin ko. Basta huwag na huwag siyang magpapakita sa amin ng mga anak niya.
"Ma, ako na lang po d'yan," sabi ko kay Mama at inagaw ang dala-dala niyang bilao na puno ng mga gulay.
"Hindi na, anak, magpahinga ka na lang..." Pagtanggi niya. "Masama sa buntis ang nagpapagod..."
Umiling-iling ako. "Wala naman po akong gagawin, kaya ko naman po ito..."
Hindi na nagmatigas pa si Mama. Hinayaan niya akong buhatin ang bilao. Magbabahay-bahay kami para magtinda ng mga mga gulay. Mabuti na lang inalagaan ng kapitbahay namin ang mga tanim niya.
Kahit papaano ay may pagkakakitaan kami. Habang si Papa ay mas pinili na lang mag-ayos ng mga sasakyan. Nasa talyer siya ngayon ng kaibigan niya. Hindi talaga siya mapakali kapag walang ginagawa. Si Traver naman ay pumapasok na sa dati niyang school. Nasa private pa rin siya kaya kailangan ko talagang mas sipagan pa.