Chapter 19
Warning: R-18
"Oh, ba't gan'yan ang mukha mo? Para kang nakakita ng multo?" bungad ni Marah.
Hindi pa rin mawala ang kaba sa dibdib ko. Halos magkandadapa ako para lang habulin si Traver, tapos ang mabubungaran ko lang pala ay si Marah. Nababakas pa rin sa mukha ni Traver ang pagtataka dahil bigla ko siyang pinigilan.
Bubuksan na sana niya ang gate, pero mabilis ko siyang hinila palayo. Hindi ko na sana papansinin ang taong nasa labas, kung hindi ko lang narinig ang boses ni Marah.
"Anak, pumasok ka muna sa loob," sabi ko kay Traver.
Mabilis na pumasok si Traver sa loob. Habang lumabas ako ng gate at luminga-linga sa paligid. Sinabi ni Kaius na nasa labas na siya ng bahay. Mukhang naligaw siya at iba ang napuntahan niya.
Hindi na rin nakapagtataka, halos may pagkakatulad ang mga bahay dito sa lugar. Baka nga ibang bahay ang napuntahan ni Kaius. Mabuti na rin iyon, kahit papaano ay kumalma na ako.
"Nakita mo ba si Kaius?" tanong ko kay Marah.
Tumango si Marah. "Oo, nandito nga siya kanina sa tapat ng gate, eh."
Natigilan ako. "Seryoso? Nandito talaga siya kanina?"
"Oo nga," aniya at ibinigay sa akin ang bag ko. "Hihintayin ka sana ni Kaius, pero mukhang may emergency sa kanila. Kaya nakiusap siya na ibigay ko 'yan sa 'yo."
"Sinabi niya ba sa 'yo kung anong emergency 'yon?"
"Hindi," tugon niya. "Bigla na lang may tumawag kay Kaius. Nakita ko sa mukha niya ang pagkataranta, kaya agad siyang umalis pagkabigay ng bag mo sa 'kin..."
Pinapasok ko na si Marah sa loob ng bahay. Hinayaan kong mag-bonding silang mag-Ninang. Ilang beses kong tinawagan si Kaius pero hindi niya sinasagot ang tawag ko. Hindi na mawala-wala pa ang kaba sa dibdib ko.
Nakatulog ako na hindi nakakausap si Kaius. Hindi ko na siya matawagan, mukhang patay ang phone niya. Wala tuloy akong gana na pumasok sa work. Pero kailangan kong mag-trabaho. Hindi por que kami na ni Kaius ay pababayaan ko na ang trabaho ko.
Hindi pa rin mababago ang katotohanan na boss ko si Kaius. Pero sana naman, mag-message siya sa akin. Mukhang may nangyari talaga kaya hindi ko siya ma-contact. Sobrang pinag-aalala niya ako.
Kahit na wala ako sa huwisyo na umalis ng bahay, pinili ko pa rin na mag-trabaho. Mas naunang dumating si April. Naglilinis na siya nang makarating ako kaya wala ako gaanong ginawa. Hindi ko mabitiwan ang phone ko, nagbabakasakali akong magmemessage sa akin si Kaius.
"Uy, grabe! Kayo na pala ni Sir Kaius?" pang-aasar ni April. "Nakita ko sa post niya sa Instagram na kayo na. Boyfriend mo na ang boss natin."
"Oo nga, kami na ni Kaius," sabi ko at nag-iwas ng tingin. "Pero hindi na siya nagpaparamdam sa 'kin ngayon. Baka hindi niya naman talaga ako mahal."
Lumapit sa akin si April at hinaplos ang likuran ko. Hindi ko maintindihan pero naiiyak ako. Kaunting araw lang ba ang sayang naramdaman ko habang kasama si Kaius? Bakit bigla na lang siyang hindi nagparamdam?
Kung may emergency nga, sana man lang nagsabi siya sa akin na magiging busy siya. Para hindi ako nag-iisip nang ganito. Hindi ko nga alam kung anong posibleng pinagdaraanan niya ngayon. Kahit na matagal-tagal na kaming nagkakasama ni Kaius, parang hindi ko pa rin siya kilala.
"Baka naman, may mabigat lang na problema si Sir?" aniya. "Intindihin mo na lang, malay mo kaya ayaw niyang sabihin sa 'yo, dahil ayaw ka niyang mag-alala."
Hindi na ako umimik pa. Inabala ko na lang ang sarili ko sa mga dumarating na customer. Nang mag-time ng lunch ay hindi pa rin nagpaparamdam si Kaius. Kahit na nagtatampo ako sa kanya, mas nangingibabaw pa rin ang pag-aalala na nararamdaman ko para sa lalaki.