Chapter 24
"Bakit ang dali sa kanyang bitiwan ako?"
Pinipigilan kong umiyak. Halos isang linggo na akong nagmumukmok sa room ko. Hindi pa rin mawala sa isip ko ang mga salitang binitiwan ni Kaius. Umaasa ako na galit lang siya, na baka isang ayaw ay babawiin niya ang sinabi niya. Pero hindi na siya nagparamdam sa akin.
Hindi man lang niya inalala kung anong nararamdaman ko ngayon. Kung okay lang ba ako. Lalo na't nasa kulungan ngayon si Papa. Bawat araw na lang na hindi matahimik ang isip ko.
Nagawa akong bitiwan ng lalaking mahal ko. Lahat ng pangako niya, parang isang bula na biglang nawala. Hindi na niya kaya pang makasama ang isang tulad ko. Habang ako, umaasa na babalik ang dating kami.
Kahit na wala ako ganang kumilos, pinilit ko pa rin na maghanda ng kakainin namin. Dadalhan ko rin si Papa. Masakit pa rin sa akin sa tuwing nakikita ko siya sa loob ng kulungan. Sa tuwing kaharap ko siya, pinipilit kong magiging matatag. Para hindi siya mag-alala.
"Ma, sorry po, ha," sabi ko at hinawakan ang kamay ni Mama. "Wala akong magawa para maibalik sa atin si Papa."
"Ano ka ba naman, hija?" aniya. "Wala kang kasalanan. Hindi natin kayang labanan ang batas. Kahit na hindi ginusto ng Papa mo ang nangyari, alam kong handa siyang harapin ang nagawa niya."
Kahit na tanggap na ni Papa ang nangyari, hindi pa rin ako mapanatag. Gusto kong balikan ang pamilya ni Kaius at muling magmakaawa. Pero natatakot ako, lalo na sa posibleng gawin nila sa akin. Baka hindi na ako magawang ipagtanggol pa ni Kaius.
Pamilya niya ang pinili niya. Habang ako, bigla na lang niyang iniwan sa ere. Ilang beses pa naman sinabi ni Kaius na ako ang pipiliin niya kahit na anong mangyari. Sinabi niya lang pala 'yon, at wala siyang balak na gawin ang pangako niya.
"Dadalhan mo rin ba ng pagkain si Kaius?"
Natigilan ako sa tanong ni Mama. Wala siyang ideya sa nangyari sa amin ni Kaius. Hindi nga rin niya alam na Lola na Kaius ang nabangga ni Papa. Tanging ako at si Marah lang ang nakakaalam.
"Opo, Ma," tipid akong ngumiti. "Baka po namimiss na niya ang niluto ko."
Nalaman ko na bumalik na si Kaius sa work niya. Pinipilit niyang abalahin ang sarili para makalimutan ang nangyari. Kahit na tinapos na niya ang relasyon namin. Hindi pa rin ako susuko. Tatanggapin ko ang lahat ng galit niya, basta bumalik lang siya sa akin.
Nagtungo muna ako sa presinto para dalawin si Papa. Palagi niyang tinatanong kung maayos lang kami. Kung kumakain kami ng tatlong beses sa isang araw. Huwag daw kaming magkakasakit dahil wala siya sa tabi namin para alagaan kami. Kahit na siya ang nasa kulungan, kami pa rin ang inaalala niya.
Matapos kong bisitahin si Papa ay nagdiretso ako sa clinic ni Kaius. Maraming patient ang naghihintay sa labas. Kaya nakipila rin ako kahit na wala naman kaming appointment ni Kaius. Hanggang sa matapos na sila. Tatayo na sana ako nang biglang lumabas si Kaius.
Napansin kong natigilan si Kaius nang makita ako. Nilakasan ko ang loob ko na lapitan siya. Hawak-hawak ko ang paper bag kung saan nakalagay ang niluto ko para sa kanya. Hanggang sa dumako ang tingin ni Kaius sa suot kong singsing.
Wala akong balak na alisin iyon. Umaasa pa rin ako na tutuparin ni Kaius ang pangako niya na pakakasalan ako.
"Nagluto ako kanina," panimula ko at inilapit sa kanya ang hawak kong paper bag. "Dinalhan kita ng pagkain para may makain ka sa lunch."
"I told you... We're done," matigas niyang sambit. "Bakit ka pa pumunta rito?"
"Pumayag ba 'ko na makipaghiwalay sa 'yo?" I tried to smile. "Kahit na ayaw mo na sa 'kin, hindi pa rin kita susukuan."