Chapter 23
Kanina pa akong tulala. Hindi ko alam ang gagawin ko nang makumpirmang ang Lola nga ni Kaius ang taong nabangga ni Papa. Hindi ko magawang bumalik sa kulungan para bisitahin si Papa nang malaman ang totoo. Alam kong hindi niya sinasadya ang nangyari.
Sana mapatawad ni Kaius si Papa. Hindi pa rin ako mawawalan ng pag-asa na bibigyan niya ng chance na makalaya ang isa sa pinaka-mahalagang tao sa buhay ko. Hindi ko kakayanin na tumayo lang na walang ginagawa.
Kahit lumuhod pa ako sa harap ng pamilya ni Kaius, gagawin ko. Palayain lang nila ang Papa ko. Hindi ko na iisipin pa ang dignidad ko, gagawin ko ang lahat para makasama namin uli ang taong walang ginawa kung hindi ang mahalin at protektahan kami.
"Saan ka pupunta?" pagpigil sa akin ni Marah. "Sa tingin mo makakaalis ka ng gan'yan ang kalagayan mo?"
Inalis ko ang pagkakahawak sa akin ni Marah. Sa sobrang panghihina ko kanina, muli ko na namang inabala ang kaibigan ko para sunduin ako sa ospital. Hindi ko kayang harapin si Kaius ng time na iyon. Dumating din ang mga magulang niya na sobrang nasaktan sa nangyari.
"K-kailangan kong makausap si Kaius, b-baka matulungan niya 'ko..." I sobbed. "M-mahal niya 'ko, a-alam kong hindi niya pababayaan si Papa. H-hihingi ako ng tulong sa kanya."
Lumapit sa akin si Marah at niyakap ako. Kanina pa akong iyak nang iyak. Mabuti na lang dito sa condo niya ako dinala. Hindi ko kayang makita nina Traver at Mama ang kalagayan ko. Siguradong hindi na rin mapakali si Mama sa oras na ito.
Alam kong kailangan ako ni Mama, pero hindi ko kayang maging matatag sa harap niya. Ayaw kong pati siya ay mag-alala sa akin. Nasasaktan na nga siya sa nangyari kay Papa, ayaw ko nang dagdagan pa ang pasanin niya.
"Sigurado ka ba?" Marah cupped my face. "Paano kung ipagtubayan ka ni Kaius? Hindi natin masasabi kung anong reaction niya sa nangyari..."
"A-alam kong haharapin niya 'ko. Hindi niya ako matitiis..."
"Mahal ka ni Kaius, pero baka mag-iba ang tingin niya sa 'yo nang dahil sa nangyari. Lola niya ang nawala, na sobrang halaga sa kanya. Mabigat 'yon para kay Kaius. Baka ipagtulakan ka niya palayo..."
Umiling-iling ako. "H-hindi... H-hindi niya magagawa sa 'kin 'yon, mahal niya 'ko, eh. B-bakit niya ako ipagtatabuyan? A-alam kong dadamayan niya 'ko..."
Wala nang nagawa si Marah kung hindi ang hayaan akong umalis. Madilim-dilim na at matatapos na ang araw ng birthday ko. Hindi ko man lang nagawang maging masaya. Akala ko, ito na ang pinaka-masayang araw dahil mabubuo na kaming pamilya. Hindi pa rin pala.
Para bang may dumaang buhawi na sinira ang lahat ng pangarap ko. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Natatakot din ako na baka kamuhian ako ni Kaius. Hindi ko ginusto ang nangyari sa Lola niya. Kung ano man ang maging trato niya sa akin ngayon, tatanggapin ko. Basta huwag niya lang akong iwan.
Sinubukan ko siyang tawagan, pero patay ang phone niya. Nag-taxi na lang ako papunta sa condo niya. Alam kong imposible na umuwi siya, pero umaasa pa rin ako. Kahit gaano katagal, hihintayin ko siya.
Pagkarating ko sa condo niya ay hindi ko inaasahan na mabubungaran ko si Kaius. Busy siya sa paglalagay ng mga gamit niya sa loob ng malaking bag. Saglit lang siyang sumulyap sa akin bago muling ipagpatuloy ang ginagawa niya.
May mga dugo-dugo pa sa suot niyang polo nang dahil sa Lola niya. Malakas ang kutob kong alam na niya na si Papa ang nakabangga sa pinaka-mahalagang babae sa buhay niya. Alam ko kung gaano niya kamahal ang Lola niya. Sobra siyang nasasaktan sa nangyari.
Hindi pa rin mawala sa isip ko ang nasaksihan ko kanina. Ilang beses siyang nagmakaawa sa Doctor na ibalik ang buhay ng Lola niya, na imposible talagang nangyari. Nabagok ang ulo ng Lola niya sa semento. Marami rin ang dugong nawala rito, kaya hindi niya nagawang makaligtas.