Chapter 32
"Bakit hindi kaya bumalik na lang kayo sa Maynila?" biglang tanong ni Mama. "Buo na kayong pamilya. Maganda kung magsasama na kayo…"
Natigilan ako sa sinabi ni Mama. Napansin ko ang pagtitig sa akin ni Kaius. Hanggang ngayon, pinag-iisipan pa rin namin ang pagbalik sa Maynila. Nagawa kong iwanan sina Mama at Papa rito na sila lang, kasama ang kanilang apo.
Kapag umalis kami at isinama si Traver, siguradong malulungkot sila. Nasanay sila na nasa tabi nila ang kanilang apo. Hindi naman namin pwedeng iwanan dito si Traver. Hindi rin siya papayag na malayo sa amin.
"Ipinagtutulakan n'yo na po ba kami, Ma?" Hindi ko napigilang tanong.
"Hindi naman sa ganoon," tugon ni Mama. "Pero mabuti kung magsasama na kayong pamilya, na nasa iisang lugar lang kayo. Pwede namang bumisita na lang kayo rito kapag walang ginagawa…"
Dumako ang tingin ko kay Papa. Mukhang payag din siya sa sinabi ni Mama. Matatanda na sila. Baka isang araw lang, mahirapan na silang kumilos. Hindi rin ako mapapakali kapag malayo sa akin ang mga magulang ko.
"Sumama na lang po kayo sa amin," sabi ni Kaius. "Walang problema po sa 'kin…"
"Hindi na, hijo," tugon ni Papa. "Magiging pabigat lang kami sa inyo."
"Pa naman!" Pagmamaktol ko. "Ikaw din, Ma! Kahit kailan, hindi kayo naging pabigat sa 'kin. Para sa inyo naman lahat ang ginagawa ko…"
Hinawakan ni Mama ang kamay ko. "Naiintindihan naman namin, anak," aniya. "Pero mas panatag kami kung magsasama na kayong pamilya. Tinuruan mo na naman akong gumamit ng phone. Pwede tayong magtawagan doon."
Sa halip na sagutin si Mama, mas pinili kong umalis sa lugar na iyon. Hindi ko maintindihan kung bakit ipinagtutulakan niya kami palayo. Naiintindihan ko na gusto na niya kaming mabuong pamilya, pero huwag naman sanang iparamdam nina Mama at Papa na hindi na nila kami kailangan ng apo nila.
"Dito na lang tayo," sabi ni Kaius na hindi ko napansing sumunod na pala sa akin. "Nagugustuhan ko na rin ang lugar na 'to…"
"Pipilitin ko sina Mama at Papa na sumama sa 'ton," tugon ko. "Kahit na anong mangyari, isasama natin ang mga magulang ko…"
Marahang hinaplos ni Kaius ang balikat ko. Naramdaman ko ang pagsipa ni baby, para bang dinadamayan niya ako sa nararamdaman ko sa oras na ito. Malapit na naming malaman ang gender ni baby. Kinukulit lagi ako ni Marah, siguraduhin ko raw na babae ang ipinagbubuntis ko.
Ngayong buwan na manganganak si Marah. Gusto kong lumuwas sa Maynila para bisitahin ang kaibigan ko. Kahit saglit lang kami roon ni Kaius, basta mapuntahan ko lang si Marah. Baka magtampo siya kapag hindi ko siya nabisita.
"Pwede bang tabi uli tayo matulog?" tanong ni Kaius.
I rolled my eyes. "Tapos, pupuyatin mo na naman ako?"
"Hindi, ah," he chuckled. "Manlalambing lang ako sa 'yo…"
Mahina ko siyang hinampas. "Ibang lambing ang alam mo…"
"Promise, lambing lang talaga," aniya. "Iyon lang ang gagawin natin…"
Nagpaalam ako kay Traver na magkasama kami ni Kaius ngayong gabi. Hindi naman umangal si Traver. Baka sa isang araw lang, mas piliin na niyang matulog mag-isa. Ang bilis ng panahon. Baka hindi ko mamalayan na binata na ang anak ko at nanliligaw na sa babaeng nagugustuhan niya.
"Nasaan si Sayara?" tanong ko kay Kaius dahil hindi ko nakita ang alaga niyang aso.
Nagising na lang si Kaius na may white puppy sa labas ng bahay niya. Babae ito kaya pinangalanan niyang Sayara. Inaalagaan na ni Kaius ang puppy, na habol na sa kanya. Bumibili pa siya ng dog food na pagkain nito.