CHAPTER 13- ILLEGAL FACILITY
"Anong kinalaman ng nakaraan mo sa Saint Angel Orphanage?" tanong ni Gray.
Kasalukuyan kaming nasa sala at pinag-uusapan ang pulang box. Pati na ang lalaking nakita ko kanina.
"Noong namatay ang parents namin sa aksidente ay napunta kami ni Kuya Racerze sa SAO pero kalauna'y nagkahiwalay din kami."
"Hindi ko na meet ang brother mo."
"Hiwalay na tayo nang nahanap ako ni Kuya Race."
"Gaano mo kasigurado na siya nga ang kapatid mo?"
"Alam ko. Naramdaman ko iyon. Nakikilala ko ang kapatid ko kahit nakapikit pa ako."
Lukso ng dugo. Iyon ang koneksyon naming magkapatid kahit na ilang ulit pa kaming paghiwalayin ng tadhana.
"Paano ka napunta kila Tita Zsaxia?"
Natigilan naman ako sa tanong na iyon. Naramdaman ko na naman ang kirot sa aking dibdib. Pinigilan ko rin ang aking luhang nagbabadyang mamuo sa aking mga mata. Ito yata ang kauna-unahang pagkakataon na babalikan ko ang aking nakaraan.
"Ang SAO ay isang illegal children facility. Inaampon nila ang mga batang ulila at pinapaniwalang magkakaroon sila ng magandang kinabukasan. Ngunit lingid sa kaalaman ng lahat ay ibinibenta nila ang mga bata sa ibang bansa para sa organ transplantation."
Isang nakakabinging katahimikan ang namayani sa pagitan namin. Tumayo siya at pumunta ng kusina. Pagkabalik ay may bitbit na siyang tubig.
"Drink and calm yourself down."
Saka ko pa lang napansin na kakaiba na pala ang paraan ng aking paghinga. Pumasok ako ng kuwarto at kumuha ng gamot. Bumalik ako ng sala at ininom iyon.
"Okay ka na?"
"Yes."
"Alam kong hindi ka komportableng pag-usapan ito pero kailangan, Lesia. Kung tama ang nasa ala-ala mo na nakita mo sa SAO ang pulang box na iyon ay malaki ang posibilidad na konektado ang lahat ng nangyayari sa 'yo ngayon sa nakaraan mo."
Napatango naman ako. May punto naman ito at isa pa ay napaalalahanan na rin naman ako ni Lynn. Mas naniniwala na ako ngayon sa abilidad na mayroon si Lynn.
Wala nga namang imposible sa mundong ito. Talo ang hindi kayang maniwala sa mga imposibleng bagay.
"Paano kayo nakatakas sa SAO?"
"Nalaman nila Kuya Racerze ang totoong layunin ng SAO team. Kasama ang iba pang kaedadan niya ay plinano nila ang pagtakas namin."
Napaiwas ako ng tingin at tuluyang namasa ang mga mata. Ang nakaraang mayroon kami ang dahilan kung bakit hindi ko magawang kamuhian ang kapatid ko kahit na siya pa ang pinakamakasalanang tao sa mundo.
"Isang gabi ay sinubukan naming tumakas pero siyempre nabigo kami. Lahat kaming mga nahuli ay minaltrato nila. Alam mo ang tungkol sa peklat ko sa aking likuran, 'di ba? Doon ko nakuha ito. Doon din mas na trigger ang psychological problem ng kapatid ko."
Tuluyang nagsilaglagan ang aking mga luha. Hindi man gano'n kalinaw ang ala-ala ko dahil masyado pa akong bata pero alam na alam ko ang sakripisyo na ginawa ni Kuya Race para sa akin.
"Alam kong nandito pa kayo! Lumabas na kayo sa pinagtataguan ninyo habang may natitira pa sa pasensiya ko!"
"K-Kuya.."
"Shhh, huwag kang maingay, Lesia," bulong ni Kuya sa akin habang hawak ang nanginginig kong mga kamay. "Nakikita mo ba ang butas sa pader na iyon?"
BINABASA MO ANG
Murder Case #210 (Murder Case Series #2)
Misteri / Thriller|••PUBLISHED UNDER KPUB PH••| BITE YOUR TONGUE. DON'T SCREAM OR ELSE... The detective is shrouded in a veil of mystery due to her enigmatic past. While she had previously maneuvered her life's trajectory to change her fate for the better, an unfore...