Warning: This might contain words, settings, and content not suitable for everyone. Read at your own risk.
___________
Trip
Natahimik si Nanay matapos kong mabanggit ang tungkol kay Tatay. Kaagad ko 'yong pinagsisihan, nakita ko kung paanong kaagad na nagbago ang timpla ng kanyang mukha.
Kung kanina mukhang siya matamis na 3in1 coffee ay mukha na siyang kapeng barako ngayon. Seryoso, matapang at kayang kaya kang ipaglaban.
Bumawi naman kaagad ako kay Nanay kinabukasan. Alam ko kasing kahit papaano ay napabigat ko ang loob at dibdib niya dahil sa pagbanggit ko kay Tatay. Ni hindi na nga ako nag-abala pang i-kwento sa kanya ang naging pagkikita namin.
Hindi din naman kasi 'yon maganda, lalo na't ang lakas maka-panira nung pamangkin niyang si Isaac. Mukha lang mabait pag narinig mo yung pangalan, pero ang panget naman ng ugali.
Pag narinig mo ang pangalanag Junie, alam mo kaagad na cute. Pero pag nakita mo na ako sa personal ay mapapatunayan mong hindi ako cute dahil gwapo ako.
"Umagang umaga ngumingiti ka mag-isa," puna ng kagigising lang na si Nanay.
Nagulat pa ako at kaagad na napaayos ng tayo. Ni hindi ko na namalayan ang paggising niya. Masyado akong natatawa sa kalokohang naiisip ko.
"Magandang umaga po, Nay. Pero syempre mas maganda ka sa umaga."
Dahil sa sinabi ko ay napangiti siya. Pabiro pa niya akong hinampas sa braso.
Pinaghila ko si Nanay ng upuan, hand ana din ang almusal sa hapag. Sandali akong umalis para ipagtimpla siya ng kape.
"Anong oras ka nagising?" tanong niya sa akin.
"Ganoon pa din po, Nay...maga-alas kwatro po," sagot ko sa kanya.
Nasanay na ata talaga ako na magising ng ganoong oras. Kahit minsan ay gusto ko pang matulog ay hindi na nangyayari, kahit ano kasing pilit kong bumalik sa tulog ay wala na talaga. Para bang buhay na buhay na ang katawang lupa ko pag ganoong oras at naghahanap na kaagad ng pwede kong gawin.
Itlog na may sibuyas, sardinas, at sinangag ang almusal namin ni Nanay. May saging din na nakuha ko sa puso ng saging na nadaanan ko habang pauwi ako sa amin.
Matapos kong maghugas ng kamay ay kumain na din ako kasama si Nanay. Masarap ang itlog na maraming sibuyas lalo na kung may kasamang ma-anghang na suka.
Pinaghatian namin ni Nanay ang isang latang sardinas. Hindi naman ako malakas sa ulam, naranasan ko nga noon na mag-ulam ng toyo sa tuwing nasa trabaho pa si Nanay para makabili kami ng pagkain, tapos ay gutom na ako.
"Bukas ng gabi ay sa aalis kami ng mga kaibigan ko, baka doon na kami magpapalipas ng buong gabi," sabi ni Nanay sa akin sa kalagitnaan ng aming pagkain.
"Wow, mago-overnight po kayo, Nay?" tanong ko sa kanya.
Nakita ko kung paano kumunot ang noo niya dahil sa naging tanong ko sa kanya.
"Anong overnight?"
Noo ko naman ang kumunot ngayon.
"E, saan po ba kayo pupunta ng mga kaibigan niyo?" tanong ko.
"Makikilamay sa kabilang bayan," sagot niya sa akin.
Kaagad ako nasamid sa aking kinakain. Panay ang ubo ko, pero ako pa ang napagalitan ni Nanay.
BINABASA MO ANG
She's my Uptown Girl (Stand Alone #2)
RomanceAng sabi nila, ang mayaman ay para lang sa mga mayayaman. Bago ka pa ipinanganak dito sa mundo ay nakasulat na ang kapalaran mo. Kung ipinanganak kang mahirap ay mamamatay kang mahirap. Iyan ang mga bagay na hindi ko pinaniniwalaan, hindi din naman...