Grandson
Halos pumuti na ang mukha ni Isaac, naubusan ata ng dugo sa mukha. Kahit papaano ay nakaramdam din siguro ng kahihiyan at nabawasan ang kanyang kayabangan.
"Alam mo naman pala, e. Bakit lapit ka pa rin ng lapit sa anak ko?" galit na tanong ni Madam Estel sa akin.
'Yon lang ang lamang ni Isaac sa akin, gusto siya ni Madam Estel para sa kanyang anak. Mahirap talagang kalabanin ang gusto ng mga magulang para sa kanilang anak, alam kong kapakanan lang ni Ericka ang iniisip ng kanyang ina. Pero sigurado naman ako sa nararamdaman ko, alam kong kaya kong panindigan ang nobya ko.
"Mahal ko po ang anak niyo," diretsahang sabi ko sa kanya.
Sandali siyang natigilan, matapos no'n ay nilingon niya ang nakakabawi na ngayong si Isaac.
Sabay nila akong tinawanan na para bang isang malaking biro ang sinabi ko.
"Kulang ba sa nutrisyon ang utak mo?" nakangising tanong ni Isaac sa akin.
Tiningnan ko lamang siya, tahimik lang din si Madam Estel. Kung may kulang man sa nutrisyon ang utak, si Isaac 'yon at hindi ako.
"Pero hindi puro yabang ang laman ng utak ko...ikaw, sobra-sobra."
Muli siyang na-inis, magaling siyang makipag-asaran. Pero kung babatuhan mo na ng katotohanan ay galit na galit siya.
"Pinupuno mo na ko..."
Muli sana siyang aamba ng suntok ng humarang na ang inis na inis na si Madam Estel.
"Oh my goodness. Stop with your petty fights, para kayong mga batang handang magbasag ulo sa kalsada. I don't want something like this for my daughter," madiing sabi niya sa amin.
Para bang sumuko na din siya, hindi siya sanay sa mga ganitong tagpo kaya naman tinalikuran na niya kami at bumalik sa may dulo ng hallway kung nasaan ang iba pa nilang kasama.
Kahit may kalayuan sa akin ay nakita ko pa din ang pag-aalala sa mukha ni Ericka. Marahan akong tumango sa kanya, senyales na ayos lang ako at wag na siyang magpumilit pa na lapitan ako. Baka lalo lang magalit si Madam Estel at pati sa kanya ay magalit din.
"Alis na," pagtataboy ni Isaac sa akin.
Nagawa niya pa akong hawakan para itulak. Bumaba ang tingin ko sa parte ng dibdib kong tinulak niya.
Nang bumalik ang tingin ko sa kanya ay nakita ko kung paanong napatingin din siya sa kanyang kamay na para bang bigla siyang nagsisi dahil hinawakan niya ako.
"Hindi ako sanay humawak sa maduduming bagay..." pagbibida niya sa akin.
Tumango ako, tama siya. Silang mayayaman ay hindi sanay sa mga maduduming bagay, pero ibahin mo 'tong pinsan ko kuno.
"Putik...basura," nandidiri pang sabi niya.
"Alam ko kung ano yung basura? Yung utak mo...'yan ang basura," pagpapa-intindi ko sa kanya.
"Tarantado ka talaga Neil!" asik niya.
Pumagitna na ang mga bodyguard nila kaya naman iniwan kong nagwawala doon si Isaac. Pinili kong lumabas na lang muna sandali para pahupain ang galit.
Nag-iwan na din ako ng mensahe kay Nanay na medyo gagabihin ako sa pag-uwi. Kinamusta ko na din siya, nasabi niyang nasa isang kaibigan siya at ayos lang daw naman. Mukhang hindi pa niya nababalitaan ang nangyaring kaguluhan kanina.
Kung nabalitaan man niya, hindi siguro niya alam na isa si Tatay sa mga tinamaan. Ayoko sanang malaman pa niya 'yon at mag-alala siya. Sa tinagal tagal ng panahon, sa lumipas na mga taon...sa dami ng mga nangyari at pinagdaanan naming dalawa na, alam ko, ramdam ko...na mahal na mahal pa din niya si Tatay.
BINABASA MO ANG
She's my Uptown Girl (Stand Alone #2)
RomanceAng sabi nila, ang mayaman ay para lang sa mga mayayaman. Bago ka pa ipinanganak dito sa mundo ay nakasulat na ang kapalaran mo. Kung ipinanganak kang mahirap ay mamamatay kang mahirap. Iyan ang mga bagay na hindi ko pinaniniwalaan, hindi din naman...