Priorities
Nanatili ang tingin ko sa mga babaeng nag-uusap sa aking harapan. Kahit may parte sa akin na alam na ako 'yong tinutukoy nila ay wala naman akong iba pang naramdaman. Hindi ko kasi kailanman naramdaman na isa akong Villaverde, o anak ako ni Nigel.
Marahil ay isa 'yon sa dahilan kung bakit walang epekto sa akin ang katotohanang may karapatan din naman talagang makilala ako bilang parte ng kanilang pamilya.
"Wala namang magiging tagapagmana kundi 'yon. Depende na lang kung may ibang anak pa si Nigel..." dugtong pa ng isa bago sila nagtawanan.
Hindi na din nagtagal ang pakikinig ko sa kanila. Matapos 'yon ay umalis na din kaagad ako. Naging interisado ako sa nalaman kong trabaho bilang taga bigay ng flyers, taga-kabit ng poster, at kasama para sa mga kampanya.
"Sigurado ka ba diyan?" tanong ni Boss Eroz sa akin.
Kailangan kong sabihin 'yon sa kanya dahil sa aking gagawin ay ilang araw akong kailangang lumiban sa trabaho.
Alam kong nakakatawang pakinggan ng aking gagawin, pero masyado na akong desperado. Kakasimula pa lang ng kampanya para sa darating na eleksyon, matagal pa bago maging normal ang lahat. Matagal pa bago ulit kami magkita at magkasama ni Ericka.
Marahang tango ang ginawa ko, gusto kong ipakita na seryoso talaga ako sa gagawin kong desisyon.
Sandali pang nagtagal ang tingin niya sa akin bago tumaas ang kanyang kilay. Para bang pinagaaralan pa niyang mabuti ang ekspresyon ng aking mukha.
"Wala namang problema sa akin kung 'yan ang magiging desisyon mo. Ang sa akin lang, safe ba 'yan?" tanong niya.
Walang pagdadalawang isip akong tumango. Alam ko ang gagawin ko, hindi ko din naman hahayaan na makilala ako ni Tatay, lalong lalo na ang Isaac na 'yon.
Sinabi ko kay Boss Eroz ang buo kong plano. Alam kong matutulungan din niya ako kung sakaling may makaligtaan ako.
"Basta ay siguraduhin mong hindi na mauulit yung nangyari sa'yo," banta niya sa akin tukoy sa pagkakabugbog sa akin.
Sa tono ng kanyang pananalita ay para bang mas tatamaan pa ako sa kanya kung sa kaling ma-ulit 'yon kesa sa bubogbog sa akin.
Tumayo ako, itinaas pa ang kamay ko para mag-thumbs up.
"Siguradong sigurado ako."
Naghanda ako sa ilang araw na pagliban sa trabaho. Hindi ko na 'yon sinabi pa kay Nanay dahil ayoko naman na maging kumplekado pa ang lahat.
"Bakit tanghali ka na ata ngayon sa factory?" tanong ni Nanay sa akin sa unang araw kong pagliban sa trabaho.
"Mamayang hapon pa po kami magd-delivery ng mga bigas, Nay."
Hindi ko gustong magsinungaling kay Nanay. Pero 'yon lang ang nakikita kong dahilan para maging mapayapa ang planong gusto kong gawin. Mas kaunti ang nakakaalam mas magiging tahimik at maayos.
"Hindi na ata nagpupunta dito si Ericka. May problema ba kayo?" tanong niya sa akin.
'Yon ang tanong na pilit kong iniiwasan kahit na kanino. Sa mga nakakakilala sa amin at lalong lalo na kay Nanay. Mahirap kasing ipaliwanag, mahirap ipaliwanag sa kanila na may mga bagay na sa tingin nila ay hindi tama pero para sa aming dalawa ni Ericka ay ayos lang, dahil nagkaka-intindihan kami.
"Wala pong problema, Nay. Medyo busy lang po talaga si Ericka sa pamilya niya ngayon," sagot ko.
Hindi naman nagsalita si Nanay, tumango lang siya bilang sagot at pinagpatuloy ang ginagawa niya.
BINABASA MO ANG
She's my Uptown Girl (Stand Alone #2)
RomanceAng sabi nila, ang mayaman ay para lang sa mga mayayaman. Bago ka pa ipinanganak dito sa mundo ay nakasulat na ang kapalaran mo. Kung ipinanganak kang mahirap ay mamamatay kang mahirap. Iyan ang mga bagay na hindi ko pinaniniwalaan, hindi din naman...