Asawa
"Kailangan ka ng pamilya...lalo na sa mga panahong 'to," sabi pa ni Lolo sa akin.
Hindi ko alam kung anong dapat kong maramdaman. Gusto ko sanang matuwa dahil sa sinabi niya, pero parang mas nangibabaw sa akin ang labis na pagtataka. Mas madami na ding katanungan ang pumasok sa aking isipan.
Madami akong gustong ibatong tanong sa kanya, sa kanila ni Tatay, sa buong pamilya nila. Itinakwil na nila kami ngayon, anong nangyari't ngayon ay hinahabol habol pa nila kami? Ako?
May kailangan sila sa akin kaya kinikilala na nila ako. Hindi ba't nakaka-insulto 'yon na kaya ka lang kilala ay dahil may kailangan sa 'yo? Kung wala pala ay hindi pa din nila ako kikilalanin bilang apo nila.
"Bakit ngayon lang po?" seryosong tanong ko sa kanila.
Kaagad niyang ibinaba ang hawak na tasa ng kape, nilingon niya ako at tinitigan. Tumingin siya diretso sa aking mga mata kahit halatang hindi din siya makasagot kaagad.
"Itinakwil niyo na kami noon pa man," dugtong ko pa.
Hindi ko na ata mapipigilan ang boses ko, maraming salita ang gustong lumabas dito. Para bang wala akong ibang gustong mangyari ngayon kundi ipaalala sa kanilang lahat ang mga nangyari noon.
"Neil..." tawag niya sa akin. Halatang nahihirapan din, para bang may kung anong mabigat na bagay ang nakadagan din sa kanyang dibdib.
Marahan akong umiling. "Matagal na naming tinanggap na hindi kami parte ng pamilya niyo. Kaya naman nakakapagtaka na bigla niyo na lang po akong kilala ngayon."
"Hindi ka naman namin nakalimutan...hindi naman nawala sa isip naming apo ka namin," paliwanag niya.
Bigla akong nakaramdam ng inis, halos mag-flashback ang lahat ng mga nangyari noon, yung lahat ng hirap na pinagdaanan namin ni Nanay matapos kaming iwanan ni Tatay.
Iniwan kami ni Tatay dahil sa kanila, dahil hindi nila kami matanggap, dahil para sa kanila, nasira ang buhay ni Tatay dahil pinili niya kami.
"Hindi naman po talaga ako mawawala sa isip niyo, hindi din possible na makalimutan niyo ako...kami ni Nanay. Dahil tumatak na sa isip niyong kami ang dahilan kung bakit nasira ang buhay ni Tatay...hindi po ba?"
Sa dami ng sinabi ko sa kanya ay wala na siyang iba pang nagawa kundi ang matahimik. Bumaba ang tingin sa tasa ng kape sa kanyang harapan. Hindi makahanap ng salitang sasabihin niya.
"Hindi naman sa ganoon..." paliwanag pa sana niya.
Pero kahit anong sabihin niya ay hindi maaalis non ang katotohanang itinakwil nila kami, pinabayaan, at ikinahiya pa.
"Hindi ko po kailangan ng mana. Kuntento na po ako sa kung anong meron kami ni Nanay ngayon," pinal na sabi ko sa kanya.
Handa na sana akong umalis at iwanan siya pero mukha hindi nagbibiro si Lolo dahil may baon siyang isang bagay na pwedeng maging dahilan para magdalawang isip ako.
"Balita ko ay nobya mo si Ericka San Miguel. Kilala ko si Estel..."
Hindi ko na siya pinatapos, ako na mismo ang tatapos sa gusto niyang sabihin dahil alam na alam ko ang bagay na 'yon.
"Hindi sila tatanggap ng kung sino lang para sa anak nila. Alam ko po 'yon, dahil pare-pareho lang naman kayong mababa ang tingin sa mga taong hindi ninyo kapantay..."
Hindi ko na napigilan pa ang mga salitang 'yon na lumabas sa aking bibig. Ayokong maging bastos sa ibang tao, lalo na sa mga matatanda, at higit sa lahat ay Lolo ko pa din siya.
BINABASA MO ANG
She's my Uptown Girl (Stand Alone #2)
RomanceAng sabi nila, ang mayaman ay para lang sa mga mayayaman. Bago ka pa ipinanganak dito sa mundo ay nakasulat na ang kapalaran mo. Kung ipinanganak kang mahirap ay mamamatay kang mahirap. Iyan ang mga bagay na hindi ko pinaniniwalaan, hindi din naman...