Chapter 19
Madaling araw na pero gising pa rin ang diwa ni Jose. Kahit sabihin pikit ang kanyang mga mata ay hindi pa rin siya nakakaramdam ng antok.
Gustuhin man niyang matulog, pero pasaway ang kanyang nararamdaman. Bagay na ngayon lang niya narasanasa ang hindi agad makatulog, matapos mahiga.
Kinapa niya ang cellphone na nakapatong sa isang maliit na mesa doon.
"Ala una na ng madaling araw, pero hindi pa ako nakakatulog." aniya.
Napangiti naman siya ng maramdaman ang mainit na yakap ni Neri. Pero bigla ding nawala ang kanyang ngiti ng maramdamang kakaiba ang init nito.
Kinapa ni Jose ang noo ni Neri at doon niya napagtantong inaapoy ng lagnat ang dalaga.
"Ano ka ba namang bata ka. Akala ko ba ayos ka lang kanina. Bakit ka naman nilagnat ngayon?" nag-aalala niyang wika ng muling salatin ang noo ni Neri.
Mataas talaga ang lagnat nito sa pakiramdam niya. Akala niya ay nagbibiro lang ito sa sobrang lamig na sinasabi nito kanina kaya nagbalot ng kumot sa katawan iyon naman pala ay nilalagnat na ito.
Babangon sana si Jose ng humigpit ang yakap ni Neri.
"Love, don't go please. Don't leave me." anito na may pagsinghot pa. Sa tingin niya ay nananaginip ito at mukhang maiiyak na.
"L-love. Please stay w-with m-me!" sigaw pa ni Neri at tuluyan ng umiyak.
Hindi naman malaman ni Jose ang gagawin. Gigisingin ba niya ni Neri, o ano. Dahil na rin siguro sa lagnat nito kaya pati pagsasalita ng tulog ay nagagawa nito..
"L-love," humihikbi pa nitong wika ng yakapin ito ni Jose ng mahigpit.
"Nandito lang ako Neri. Hindi naman ako aalis at hindi naman ako mawawala sayo. Tahan na, tulog ka lang." ani Jose at hinalikan pa ang noo ng dalaga.
Nawala naman ang paghikbi ni Neri. Mas naramdaman ni Jose na nakatulog na ulit ito ng maayos. Dahan-dahan namang inalis ni Jose ang kamay niya mula sa pagkakayakap sa dalaga at unti-unting bumaba sa kama.
Inayos din muna ni Jose ang pagkakakumot dito at nilagyan pa ng unan ang tabihan nito.
Hindi na ganoong kalakas ang hangin at ulan. Pero ramdam pa rin ang bagsik ng bagyo. Gamit ang ilaw cellphone ay nagtungo si Jose sa kusina. Kinuha niya ang kandila na inihahanda talaga niya sa panahong katulad ngayon. Ang mawalan ng kuryente ng hindi inaasahan.
Matapos makapagsindi ng kandila ay hinanap niya ang kanyang mga natatagong luya.
"Alam ko bumili ako noong nakaraan eh." pagkausap pa niya sa sarili habang hinahanap sa kanyang lalagyan ang mga luya. "Ayon," masaya niyang wika ng makita niya.
Kumuha siya ng sariwang luya at hinugasan. Hindi na niya iyon binalatan. Mahalaga lang naman ay malinis ito ng mabuti.
Matapos linisan ang mga luya ay pinitpit naman niya iyon para lumabas ang katas. Kumuha din siya ng isang kaldero na siya talagang pinaglalagaan niya ng luya para maging salabat.
Ilang minuto pa lang ang nakakalipas ng bigla niyang marinig ang sigaw ni Neri.
"L-love!" malakas nitong tawag sa pangalan niya kaya naman mabilis siyang napatakbo sa kwarto.
"Anong nangyari?"
"L-love, akala ko iniwan mo na ako. Akala ko ako na lang mag-isa sa madilim na lugar na ito. Love natatakot ako." umiiyak na wika ni Neri ng lapitan ito ni Jose at yakapin.
"Wag ka ng umiyak. Tahan na. Paano kita iiwan kung bahay ko ito." ani Jose ng mapatigil sa pag-iyak si Neri.
Napangiti naman si Jose sa naging reaksyon ng dalaga sa sinabi niya.
BINABASA MO ANG
Poorman Series: Joselito Dimaano
RomanceBlurb Joselito Dimaano, tahimik. As in tahimik. One word man kung ituring ng dalawang kaibigan. Kargador sa palengke ng San Lazaro ang trabaho niya. Kasama din niya doon ang dalawa. Neri Dedace, madaldal na babae na parang hindi nauubusan ng salita...