Chapter 29

135 1 0
                                    

Chapter 29

Mabilis na tinakbo ni Cy at Igo ang patungo sa likod bahay sa takot sa pwedeng gawin ni Jose sa sarili. Halos pangapusan pa sila ng hininga dahil sa sobrang kaba ng makita nila ang kalagayan nito.

"Jose!" sabay nilang sigaw ng makita si Jose na nakahandusay sa lupa sa gitna ng dalawang matayog na puno ng mangga.

"Jose! Ayos ka lang? Ano bang ginagawa mo sa sarili mo?" nag-aalalang tanong ni Cy.

"Jose naman, wag mo naman kaming takutin. Hindi mo alam ang takot namin ni Cy sa sobrang pagaalala sayo." Nanginginig pang boses ni Igo ng makalapit sila kay Jose.

Napangiwi naman si Igo at Cy ng makita ang kalagayan ni Jose na nakahiga sa lupa habang hawak ang noo at namimilipit sa sakit.

"Anong ginagawa mo sa sarili mo Jose? Bakit naman hindi mo sinasagot ang tawag ko. Tapos sabi ni Bernie bumili ka pa ng lubid. Anong gusto mong gawin sa sarili mo? Wag mong sirain ng ganoon na lang ang buhay mo Jose. Nandito kami para sayo," wika pa ni Cy.

Hindi maipinta ang mukha ni Jose ng tumingin sa kanilang dalawa. At sila pa talaga ni Cy ang kinunutan nito ng noo.

Inalalayan naman nila si Jose mula sa pagkakasalampak sa lupa para makatayo. Napansin pa nila na kinapa ni Jose ang noo niya. Napabuntong hininga na lang si Jose ng maramdaman ang malaking bukol doon bago bumalik sa upuan na nasa tabi ng isang maliit na lamesa na nandoon.

Ayaw mang magsalita ni Jose, pero curious siya sa dalawang kaibigan. Kung bakit nandito ang mga ito ngayon sa bahay niya at nambubulabog. Sobrang aga pa para iwan ng dalawa ang asawa ng mga ito. At hindi din naman siguro siya pinuntahan ng dalawa para sa trabaho, lalo na at nagpaalam siya kay Bernie.

"Anong ginagawa ninyo dito?" malamig na tanong ni Jose na halos ikayakap ni Cy at Igo sa sarili nila.

"Tahimik ka na nga ang lamig mo pang magsalita," reklamo ni Cy.

"Nasa bahay si Neri, at nag-iiyak. Naikwento din niya sa amin ang lahat. Nasa bahay pa rin nila ang mag-asawa na nagki-claim na lolo at lola mo. Alam naming mahal mo si Neri at umamin din siya sa amin na magkasintahan kayo. Kaya naman nalulungkot kami sa nalaman namin. Nag-aalala kami sayo Jose. Kaya naman pwede mo kaming lapitan sa lahat ng oras. Malalampasan din ninyo ang pagsubok na ito at hindi pagpapakamatay ang solusyon sa problema Jose. Hindi dahil nalaman ninyong magpinsan kayo. End of the world na. Malay mo may plano ang Panginoon para sa inyong dalawa. Pero Jose naman, hindi pagpapakamatay ang solusyon sa lahat ng problema," mahabang paliwanag ni Igo na mas lalong ikinakunot noo ni Jose kahit malamig ang pagtitig nito sa kanila.

"Sinong magpapakamatay?" nagtatakang tanong ni Jose dahil hindi niya maunawaan ang sinasabi ng dalawang kaibigan.

"Ikaw! Bumili ka pa nga ng lubid doon sa magtitinda ng lubid sabi ni Bernie," ani Cy na tinatantiya ang isasagot ni Jose.

"Hindi ako pumasok sa trabaho, kasi gusto ko ng peace of mind. Alam na pala ninyo ang kwento kaya naman sa totoo lang gusto kong mapag-isa. Isa pa iyong lubid, iyan ang dahilan," sabay turo sa isang duyan na nakatali sa sanga ng dalawang puno ng mangga. Kung saan sa ilalim noon nila natagpuan na nakahandusay si Jose.

Napanganga naman si Igo at Cy sa sinabi ni Jose. Hindi nila napansin ang duyan na iyon kanina dahil na rin siguro sa taranta.

"Ay ano ang biro mo kay Bernie na isasabit mo ang sarili mo?" tanong ni Igo.

"Nakakita na ba kayo ng nagduduyan na nakalapat sa lupa?"

Napakamot na lang ng ulo ang dalawa. Sabagay may punto si Jose sa sinasabi nito.

"Ano iyong lagabog na narinig namin kanina?"

"Malamang nahulog ako sa duyan at tumama ang noo ko sa mahabang upuan. Nakatulog na kasi ako kanina. Bakit kasi tawag kayo ng tawag daig pa ninyo ang namatayan?" sagot na lang ni Jose na ngayon ay tumayo sa silya at dinampot ang tasa na nasa lupa pa rin ng mga oras na iyon.

Poorman Series: Joselito Dimaano Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon