"Gwapo ng junior ko di ba pre? Tangos ng ilong oh." pagmamalaki ng ama habang pinagmamasdan ang bunso."Oo nga, kaso ambantot na nga ng pangalan mo, dinamay mo pa anak mo?"
"Gagu, alam mong nuon ko pa pangarap magka-junior eh. Si Elsa na nga nagpangalan kay Kyle kaya sabi ko nun, kung sakaling maka-lalaki ulit, isusunod ko na talaga sakin."
Kaya't ganon na lang ang tuwa ni Greg nang malaman sa resulta ng ultrasound na lalaki ang dinadala ni Elsa. Wala sa plano nilang mag-asawa ang muling pagbubuntis ng misis lalo't magkukwarenta na ito. Masaya na sila sa dalawang anak ngunit ang bawat supling ay biyaya, kaya naman lubos ang kanilang pasasalamat nang malamang nagdadalang-tao muli si Elsa.
Pakiramdam ni Greg ay nakajackpot sya na lalake ang magiging bunso, at sa wakas ay magkakaroon na sya ng junior. Sa ikalawang anak kasi, bagaman lalaki, ay hindi na nakatanggi si Greg na si Elsa naman ang pumili ng pangalan dahil sya na ang nagpangalan nuon kay Pam nang isilang ito.
"Eh ipangalan mo ba naman yung panganay nyo kay Pamela Anderson eh! Tanda mo pre nung pinagpupunit kamo ni mare yung mga Baywatch posters mo nun sa boarding house hahaha"
Nangingiti rin si Greg habang inaalala ang mga panahong magnobyo pa lang sila ni Elsa. May pagkaselosa kasi ito na ultimo mga kalendaryo at posters ng mga seksing babae sa kanyang kwarto ay pinapatanggal. Nang minsang nalimutan nyang baklasin ang mga iyon at nadatnan ni Elsa ay walang alinlangan nitong pinagpupunit lahat ng mga nakapaskil.
Highschool pa lamang sila ay kursonada na ni Greg si Elsa. Simple lamang ang ganda nito ngunit matangkad at athletic gaya nya. Kabilang ito sa volleyball varsity team habang sila naman ni Dennis ay sa basketball.
"Ligawan mo na kasi Greg! Malay mo gusto ka rin, wag kang tsope at baka maunahan ka pa ng ibang kaklase natin nyan!"
"Bomalabs. Nakakahiya eh, baka mabasted lang ako."
"Tanga neto, eh pano natin malalaman?! Nag-ipit ka pa ng love letter dati di mo naman nilagay kung sino ka? Hay ang hina ng manok ko!"
Sinarili lamang ni Greg ang pagtingin nuon kay Elsa. Pagkagraduate nila ng highschool ay sa Manila na nagkolehiyo si Dennis, habang si Greg ay sinundan si Elsa sa Batangas City at doon nag-enroll sa parehas na university kung saan ito mag-aaral.
Nang lumaon ay nakapagtapat din si Greg subalit makailang-ulit syang tinanggihan ng sinisinta. Gusto kasi magfocus ni Elsa sa pag-aaral gaya ng bilin ng mga magulang.
"Oy wag mo ko pinaglololoko Gregorio ha, pinagtitripan mo ko, hindi nakakatawa!"
"Eto naman. Oo nga Elsa, ginawan pa kita ng sulat dati. Magdamag ko kaya sinulat yun." nahihiyang tugon ni Greg habang nakayuko.
"Ohh, seryoso? Sayo pala galing yon?! Sabi ko na nga ba may crush ka sakin eh! Kaso Greg, wala naman sa plano ko pa yang pakikipag-boypren na yan. Maging magkaibigan na lang muna tayo ha?"
Muna. Napangiti at tila nabuhayan ng loob si Greg sa nadinig. Muna. Maaaring hindi man ngayon, pero may posibilidad na sa hinaharap ay tanggapin din nito ang kanyang pag-ibig.
"Walang bawian yan Elsa ha! Sige magkaibigan MUNA tayo ngayon. Pero bukas, tayo na ha?" kantyaw ni Greg sabay pabirong siko kay Elsa.
"Sira ka talaga! Hahaha… Baliw!"
"Oo baliw ako Elsa. Baliw sayo. Ayiiiee!" at napailing na lang si Elsa sa kalokohan ni Greg.
Hindi basta-basta sumuko si Greg at ipinagpatuloy pa din ang panunuyo kay Elsa. Sinasabayan kumain, inaabangan matapos ang klase upang ihatid sa boarding house, inaaya lumabas kapag may libreng oras. Lagi din nya itong pinapatawa, sa tip kasi ni Dennis ay yun daw ang kahinaan ng mga babae, ang sense of humor.