Aguinaldo 37

2.5K 4 0
                                    


Undas. Madaling araw pa lamang ay ginising na sila ng ulan at malakas na ugong ng hangin na humahampas sa dingding ng bahay at mga capiz na bintana nito.

Dinig ang langitngit ng mga yerong pumapagpag sa bubong ng mga kabahayan na ang ilan ay tuluyan nang natuklap at nilipad sa may kalsada. Hindi man gaanong naramdaman sa Kamaynilaan ang inaasahang lakas ng bagyo ay nanalanta naman ito sa Bicol at ibang bahagi ng Calabarzon.

Wala halos maaninag sa kadiliman ng paligid dahil sa pagkaputol ng linya ng kuryente. Ilang araw ding nagbabala ang mga kinauukulan sa pagdating ng pinakamalakas na bagyo ng taon sa buong mundo at talaga namang ipinaramdam ng Bagyong Rolly ang lakas ng hagupit nito.

Pagsapit ng umaga ay bumungad sa lahat ang pinsalang idinulot ng bagyo. Kay raming mga nabuwal at nabunot na puno. Ang mga naiwan naman na nakatayo ay halos makalbo na ang mga dahon.

Malakas pa din ang hangin at ulan sa maghapon ngunit mabuti na lamang at hindi binabaha sa kanilang lugar. Gayon pa man ay kita sa paligid ang pinsalang hatid ng bagyo.

Sa halip na inaalala ng mga tao ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay ay abala ang lahat sa kanilang mga nasirang kabahayan at ari-arian. Bukod sa sarado ang lahat ng sementeryo dahil sa pandemya ay hinagupit pa sila ng malakas na bagyo.

Hindi rin nakaligtas sa pinsala ang ancestral house ng mga Aguinaldo. Nawasak ang isang bahagi ng kahoy na dingding sa may harapan ng bahay dahil sa paghilig doon ng nabuwal na puno sa may tapat nito. Ang bubong na kagagawa lamang matapos tumulo sa pagdaan ng bagyong Quinta ay nakitaan ulit ng mga tagas sa ibang bahagi maging sa kwarto ng mag-anak.

"Doon na muna tayo kila Ate tumuloy habang inaasikaso ko pagpapagawa dito." kunot-noong sambit ni Dennis habang pinagmamasdan ang mga sanga ng nabuwal na puno na nakausli sa loob ng bahay mula sa nabutas na dingding.

"Papalitan na din siguro buong bubong para isahang gawa na lang. May paparating na naman daw bagyo. Sakit na sa ulo pag ganitong maya't maya may pagawain!" dagdag pa nito.

"Pwede din naman sa baba na lang tayo Hon. Linisan na lang namin ni Romy yung isang side ng bodega, malawak naman yun." mungkahi naman ni Diane.

Ramdam na agad niya na hindi na niya iyon dapat sinabi sa itsura pa lang ng tingin ni Dennis nang pumihit ito upang lingunin siya.

"Talagang titiisin mong matulog sa bodega wag lang mapalayo ha?" sambit nito ng may mapaklang ngiti at nanunuyang tingin.

Nasa kabilang barangay ang bahay ng ate ni Dennis. Malapit din si Diane sa mga hipag nito at wala naman siyang problema kung doon sila makikituloy. Ngunit kaysa makaabala pa sila at para hindi na paroo't parito ang asawa kaya nito naisip na doon na lang sana sila manatili sa unang palapag.

Hindi na lang kumibo si Diane at pumasok na ng silid kaysa saan pa humantong ang usapan. Kagabi lamang ay napagbintangan siya nito na pupunta kila Greg nang masalubong siyang palabas upang sundan sa burol ng kanilang kamag-anak.

Gusto sana ni Diane na tapatin na ang asawa tungkol sa lahat-lahat ng namagitan sa kanila ni Greg at ng maayos na nila ang problema. Ngunit sadyang pinangungunahan siya ng hiya at takot. Wala siyang lakas ng loob upang harapin ang magiging tugon ng mister kung sakali.

Sadyang hindi na maalis ni Dennis ang magduda sa misis matapos ang mga nalaman nito. Wala naman kasi itong ideya na si Diane na mismo ang tumapos sa namamagitan sa kanila ng kumpare. Ang alam lamang niya ay nagtaksil sa kanya ang asawa at tinraydor siya ng kanyang kaibigan.

Ilang araw ngang nakituloy muna ang mag-anak sa bahay ng kapatid ni Dennis habang abala siya sa ipinapaayos na bahay-bakasyunan. Sa araw ay bumabalik siya doon upang pangasiwaan ang mga kinuhang karpintero sa paggawa doon.

Aguinaldo Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon