Atrenta ng Oktubre. Hapon na sila nakabyahe pauwi ng Batangas. Sumaglit muna si Dennis sa auto shop upang pagbilinan ang mga tauhan dahil mahigit isang linggo din silang mamamalagi doon.Dumaan din sila sa bahay ng mga magulang ni Diane upang ihabilin ang kanilang aso at makapagpaalam bago sila bumiyahe.
"Oh DJ mag-iingat kayo ha. Dennis magmessage kayo kapag nakarating na kayo." bilin ng papa ni Diane sa kanilang mag-asawa.
"Anak, kung ano man yan… I hope you and Dennis could patch things up habang andon kayo ha…" pabulong na habilin naman ng kanyang mama nang bumeso siya rito.
"Yes Ma." tipid nitong sagot. "Sige po tuloy na kami para wag kami gabihin sa daan."
Pagdating sa toll plaza ay bumungad sa kanila ang mahabang pila ng mga sasakyang nagpapakabit ng RFID sticker. Balita kasi na sa Nobyembre ay ipapatupad na ang cashless collection ng toll fees sa lahat ng mga expressway. Mabuti na lamang at matagal na silang nakapagpalagay kaya't hindi na sila naabala.
Kapansin-pansin na hindi ganoon karami ang bumabiyaheng sasakyan kumpara noong mga nakaraang taon. Marahil dahil sa ilang araw din kasing sarado ang mga sementeryo upang maiwasan ang dagsa ng mga tao ngayong Undas.
Sadyang nakakapanibago ang Todos los Santos sa taong ito. Dahil sa pandemya ay wala na ang nakasanayang reunion ng magkakamag-anak sa pagdalaw sa kanilang mga namayapa sa sementeryo. Kung saan ang mga kabataa'y nagpapalipad ng saranggola o nagbibilog ng tunaw na kandila.
Sa new normal ay maiiba na ang pamamaraan ng pag-alala ng tao sa mga pumanaw.
Dati ay abala ang matatanda sa paggawa ng sinukmani at iba pang mga kakanin. Ipinamimigay ang mga iyon sa mga kabataang umaawit sa bahay-bahay sa Pangangaluluwa.
Nang lumaon ay unti-unting napalitan ng pagsusuot ng samu't saring nakakatakot na costumes para sa Trick or Treat tuwing Halloween. Ngayon ay wala muna ang lahat ng iyon.
Dahil sa pandemya ay mas mahirap na bumiyahe at hindi basta makakauwi ang mga tao sa kani-kanilang probinsiya. May mga LGU kasi na nagrerequire ng mga tests at kung ano-anong dokumento bago ka makapasok.
Kaya naman sa taong ito, tiyak na marami sa mga Pilipino ang mananatili na lang muna sa kani-kanilang tahanan sa Undas at magtitirik ng kandila para sa mga yumaong mahal sa buhay.
"At-te! Oh?! Oh!"
Manghang-mangha si JR sa mga nakikitang nakahilig na poste ng kuryente. Itinuturo din ng paslit sa kanyang kinakapatid ang mga nabuwal na puno at mga nasirang istruktura na kanilang nadadaanan.
Bakas pa din sa paligid ang hagupit ng nagdaang bagyong Quinta sa kanilang bayan. Mabuti na lamang at naibalik na ang serbisyo ng kuryente bago pa sila umuwi. Maaliwalas na ang panahon ngunit nagbabadya pa din ang ulan sa gabi lalo't paparating na naman ang isa pang mas malakas na bagyo.
"Sure kayo ninong… di na kayo bababa?"
Halata ni Pam ang tensiyon sa pagitan ng mag-asawa. Buong biyahe ay wala halos imikan ang mga ito. Sabagay, kahit sa bahay ay ilang linggo na niyang napapansing hindi halos nag-uusap ang dalawa.
Di niya tuloy maiwasang kabahan na baka may nalaman si Diane tungkol sa nakaraan nila ng kanyang ninong. Ngunit wala namang nababanggit sa kanya si Dennis kaya't pinilit na lang niya na isantabi iyon.
"Hindi na Pam. Sige na at gabi na rin, gusto na naming magpahinga. Pasok ka na."
Sumunod na lang si Pam at binitbit na ang kanyang mga gamit. Sinalubong siya ni Kyle at pumasok na silang mag-ate sa loob. Nagtataka pa din si Pam dahil ngayon lang ata sila umuwi na hindi man lang nagpakita muna ang ninong niya sa kanyang papa na dati rati'y sabik laging makita ang isa't isa.