"Binabalaan ko kayo ha… WAG NYO KO TATARANTADUHIN! WAG KAYONG PAPAHULI SAKIN AT MAGKAKASUBUKAN TAYO!!"Madalas sumagi sa isip ni Diane ang mga linyang iyon na binitiwan noon ni Dennis. Kahit na nabigkas iyon dati ng asawa sa tauhan na kausap sa telepono, ramdam niyang may iba pang laman ang mga salitang iyon na patungkol sa natutunugan nitong namamagitan sa kanila ni Greg doon pa lang sa Batangas.
Sising-sisi si Diane. Mali talaga na ipinagpatuloy pa rin nila ng kumpare ang kanilang ugnayan sa kabila ng pagdududa na ng kanyang mister. Dapat ay pinutol na niya ang lahat nung makaluwas na silang mag-anak pabalik ng Maynila.
Ngunit kahit magkalayo ay tuloy pa din ang kanilang laro ni Greg kahit sa pamamagitan lang ng mga messages at tawag. Hanggang sa makakuha pa ito ng condo unit sa malapit kung saan sila nagtatagpo kapag lumuluwas si Greg nang walang kaalam-alam si Dennis.
Masarap at masaya makipaglaro. Hanggang sa dumating ang puntong ayawan na. Lalo na kung ayaw pumayag ng kalaro mo.
Hindi niya akalaing magagawa ni Greg na magkaroon ng ebidensiyang makakasukol sa kanya. Kaya naman kahit desidido na siyang hiwalayan ang kumpare ay mas lalo pang naging kumplikado ang sitwasyon dahil sa mga pananakot nito.
At ngayon nga ay hindi niya maiwasang maparanoid sa mga ikinikilos ni Dennis nitong mga nagdaang araw. Kapansin-pansin ang pagiging tahimik nito na parang laging may malalim na iniisip. Nadadalas din ang pag-inom nito na kapag tinatanong niya naman kung may problema ay wala lang itong imik.
Posible kayang may ipinadala nang kopya ang kumpare ng kinatatakutan niyang ebidensya ng kanilang kataksilan?
Malabo, sa hinuha ni Diane. Kahit sinong asawa ay hindi kakayaning manahimik lang kapag napanood ang video na iyon ng mga pinaggagawa nila ni Greg.
Ngunit kung hindi iyon ang sanhi, bakit bigla itong nagbago? Bakit ganoon na lang ang panlalamig sa kanya ni Dennis? Bakit ito umiiwas maging sa kanyang mga paglalambing na para ba siyang pinaparusahan.
Ipinalagay na lang ni Diane na masama pa rin ang loob nito sa kanya dahil sa aksidenteng sinapit ni JR na montik na nitong ikapahamak. Maging siya man kasi ay di pa din lubusang mapatawad ang sarili dahil sa nangyari.
Baka yun nga. Sana nga ay yun lang.
Abala si Diane sa tuktok ng hagdan habang ipinupulupot ang mga kawad ng LED lights sa mga sanga ng kanilang Christmas tree. Dahil sa inip at tutal ay Ber months naman na ay naisipan niyang agahan ang pagdedecorate ng kanilang bahay.
"Hon, pakiabot naman yung box ng poinsettias please." pakisuyo nito sa mister.
Ngunit ni hindi natinag si Dennis. Napalingon si Diane sa asawa na tila hindi nadinig ang kanyang sinabi. Naka-de cuatro ito sa sofa at nakakunot ang noo habang nanonood ng telebisyon.
"Hon…" ulit nito, ngunit nanatiling nasa TV ang atensyon ng asawa.
"Ay wait lang ninang…" sagot naman ni Pam na abala sa pagpoporma ng garlands sa may balustre ng hagdanan.
"No ako na Pam…. tuloy mo na lang yan."
Ipinagkibit-balikat na lang niya ang di pagpansin ni Dennis at bumaba na siya sa tinutuntungang hagdan. Hinaplos ang ulo ni JR na nakasalampak sa carpet at wiling-wiling nilalaro ang mga Christmas balls at isinasabit ang mga iyon sa bandang ibaba ng puno.
"Where's the red ball nga JR?" tanong ng ina upang review-hin ang mga itinuro nila ni Pam sa anak.
Dumampot ang paslit ng pulang pansabit at ibinato iyon sa kanyang mommy saka bumungisngis ng tawa. Mabuti na lamang at nasalo iyon ni Diane.