"Bakit pa eh tenant ako dito… kasama naman niya ko." katwiran ni Greg sa kausap na building security."Kahit na Sir, SOP po eh. Lalo na ngayon mahigpit talaga sa guests at kailangan din yan sa contact tracing. Ma'am pakisuyo na lang, log na lang po kayo sa Reception." wika ng guwardiya sabay turo sa Information counter.
Wala nang nagawa si Diane kundi magrehistro. Alumpihit niyang isinulat ang kanyang pangalan sa logbook at nag-iwan ng ID sa receptionist upang mabigyan ng visitor's pass.
Di pa rin mawala sa kanyang isip ang nangyari nang nakaraang araw kung saan montik na silang magpang-abot ni Dennis habang kasama niya si Greg. Kung nagkataon, malaking gulo. Magkakalamat ang kanilang relasyon at masasayang ang lahat ng pagsusumikap niya na makabawi sa mister para sa lahat ng mga pagkakataong naglihim at nagtaksil siya dito.
Habang nasa sasakyan sila ni Greg kanina ay walang imikan ang dalawa. Halo-halo na ang nararamdaman ni Diane. Balisa, muhi, kunsensya, at matinding pagsisisi. Kundi lang sana siya bumigay sa tukso nung araw pa mismo ng wedding anniversary nilang mag-asawa, hindi na siguro hahantong ang lahat sa kinalalagyan niya ngayon.
Ngunit bukod pa doon ay may iba pa siyang nararamdaman. Hindi maipaliwanag na kaba na nag-uudyok sa kanya na umuwi. Ito ay sa kabila ng banta ng kalaguyo na ipapadala ang hawak na ebidensiya ng kanilang kataksilan sa kanyang mister.
Kumakabog ang kanyang dibdib at may kung anong nag-uudyok sa kanya na umuwi. Kaya naman nang makababa na sila sa 4th floor ay akmang hahabol si Diane na muling makasakay ng elevator bago pa tuluyang magsara ang pinto niyon.
"Oh teka… saan ka??!"
Nalingon ni Greg ang kasama at agad sinunggaban ang braso nito nang makitang muli itong sasakay ng elevator. Tapos ay sinenyasan na niya ang operator na sumandaling nag-abang kung sasakay ba sila ulit.
"Greg ano ba, nasasaktan ako!" daing ni Diane.
"Oh eh bat ka aalis? Halika na…" at hinatak nito ang kumare papunta sa kanyang unit.
Nang mabuksan ang pinto ay patulak siyang iginiya ni Greg papasok. Himas-himas ni Diane ang braso na nakabakat pa ang mahigpit na pagkakahawak doon ng kumpare kanina.
"Ano ba greg, bat dinala mo pa ko dito? Wala naman na tayong dapat pag-usapan. Tapos na tayo!"
Napalingon sa kanya si Greg habang isinasara ang pinto.
"Anong tapos pinagsasasabi mo?!"
Nagpanting ang tainga ni Greg sa nadinig kaya't nakapagtaas siya ng tono. Akmang lalapitan niya sana si Diane ngunit napaatras ito. Bakas sa mga mata ng kumare ang takot at pagkasuklam kaya't pinilit niyang magpakahinahon.
"Diane naman… Ano, ganon-ganon na lang yon? Kailangan kita eh… Paano naman ako?" sagot niya ng pagsusumamo sa kumare.
Walang hindi gagawin si Greg wag lang mawala sa kanya ang babaeng tinatangi. Kung hindi niya ito makuha sa paninindak, baka sakaling kapag nakiusap siya ay pakinggan siya nito. Kahit pa dahil lang sa awa, ay ayos lang sa kanya. Ang importante ay nasa kanya pa din si Diane.
"Tapos na Greg. Tama na…"
"Pero hindi ko kayang mawala ka Diane… Please naman oh…" pakiusap nito at pilit na hinawakan ang isang kamay ng kumare na agad naman nitong binawi.
"Ayoko na nga! Ano ba ang hindi mo maintindihan don? AYOKO NA!!"
Bigo si Greg. Walang pagbabago sa tono ni Diane. Mukhang ni hindi man lang ito naapektuhan sa kanyang pagsusumamo. Tila desidido na talaga ito na wakasan na ang namamagitan sa kanilang dalawa.