Tuloy-tuloy ang pag-agos ng luha habang napako na ang tingin ni Diane sa dalawang linyang iyon. Sa halip na mga luha ng kaligayan dahil muling mabibiyayaan ng supling, ay luha ng pangamba ang dumaloy sa kanyang mga mata lalo't hindi nya tiyak kung sino ang ama ng kanyang dinadala.Pinilit nyang alalahanin ang petsa ng kanyang huling dalaw, maging ang mga araw na may nangyari sa kanila ng asawa at kumpare, ngunit sadyang walang kasiguraduhan. Hindi nya magawang maghinala dahil kahit sino sa dalawa ang maaring nakabuntis sa kanya.
Kung si Dennis ang ama, walang kaso dahil kahit wala pa sa kanilang plano na magbuntis sya ay alam nyang matutuwa ito ng husto na malaman ang tungkol sa kanyang pagdadalang-tao dahil masusundan na ang kanilang panganay.
Pero paano kung si Greg? Malaking kasalanan na nga ang kanilang ginagawang kataksilan, sukdulang nagpabuntis pa sya sa kumpare. Makakayanan ba ng kanyang kunsensya na ipaako sa asawa ang anak ng kumpare? Paano kung malaman ni Dennis, matatanggap ba nito ang anak nya sa pagkakasala? O yun na ang magiging hudyat ng pagkasira ng kanilang masayang pamilya.
Kinuha nya ang strip, napasandal sa pinto ng banyo, di malaman ang gagawin. Napatingala sya, pikit-mata habang mabagal na umiiling ang ulo. Dismayado sa sarili, sising-sisi sa kanyang kapabayaan na naglagay ngayon sa kanya sa alanganing sitwasyon. Paano na?
"Hon... Hon gising..."
Bahagyang niyugyog ni Dennis ang braso ng asawa at marahang tinapik-tapik ang pisngi nito. Pasado alas dos nang maalimpungatan sya sa balisang pag-ungol ni Diane habang natutulog, nagsasalita iyo ngunit di maintindihan.
Nagmulat ng mga mata si Diane at napasapo ang kamay sa kanyang dibdib. Abot-abot ang kanyang hingal at nanginginig ang kalamnan. Tuliro nyang inaninag ang paligid sa dilim.
Nakahiga sya sa kanilang kama, sa gitna ay nakadapa si JR at mahimbing na natutulog, si Dennis ay nakatagilid paharap sa kanya at mukhang balisa habang nakakapit sa kanyang braso.
Bumangon si Dennis at inalalayan si Diane paupo, na napayakap sa kanyang mga tuhod habang nakasapo ang kamay sa ulo. Daling lumabas si Dennis upang kumuha ng baso ng tubig at saka iniabot yon sa asawa.
"Inom ka muna Hon oh..." sambit nito habang hinahagod ang likod ng asawa.
"Parang ang sama ng panaginip mo Hon ah. Ano ba napanaginipan mo?" usisa ni Dennis.
Nanginginig pa din ang dibdib ni Diane, halos makalahati nya ang baso saka nahimasmasan. Panaginip lamang pala, pagkauwi pala nilang mag-anak kagabi, maging sya ay nakatulog na agad.
"H-Ha? E-Ewan ko Hon, hindi ko na maalala eh." pagsisinungaling nya.
Mabuti at panaginip lamang iyon, hindi pa pala sya nakakapagtest. Ngunit ang panaginip kayang iyon ay isa nang pangitain sa resulta, o kabaligtaran naman ang kalalabasan.
Hindi na rin sya muling nakatulog pa nang madaling-araw na iyon. Kahit ipikit nya ang mga mata, ang test strip na may dalawang linya ang panay na pumapasok sa kanyang isip. Ilang oras din syang pabiling-biling sa higaan at di mapalagay, nalilingon paminsan-minsan sa mag-ama nyang mahimbing na natutulog.
Hindi na nya kinaya, sumasakit na ang kanyang ulo sa kaiisip. Bumangon na sya at hindi na rin naman sya makatulog ng maayos. Kinuha nya ang pregnancy test sa closet at pumunta sa banyo. Kahit takot na takot syang malaman ang talagang resulta, alam nyang kailangan na nyang malaman at harapin ang katotohanan.
Bago pa magtest ay napansin na nya ang bahid ng spotting sa kanyang panty ngunit itinuloy lang nya ang pagkuha ng sample at ipinatak iyon sa device.
Makalipas ang tatlong minuto, napasandal na lang si Diane sa pinto habang hawak ang strip. Negative.