"Birthday ni Joshua. Punta ka mamaya?"
Alam kong marami pa akong kailangang aralin, pero sa isang salita lamang ni Iggy ay sasama agad ako. At bilang demonyong kaibigan, hinila ko na rin si Jolene papunta sa party.
Sinabihan ko na rin si Dave na pupunta ako kila Iggy, at sabi niya'y susunduin niya ako. Nakaabang ako sa phone ko noong patapos na ang party, naghihintay ng text niya.
It was just a small celebration. Sa labas lang ng bahay ng tita ni Iggy ginanap, at nag-set up lang sila ng isang malaking tent at naghanay ng mga mesa. Nagkaroon ng games para sa mga bata bago kami pakainin. Ngiting-ngiti ako habang kinakantahan namin si Joshua.
"Nomi tayo? Iggy kasi, eh, hindi nagpainom," yaya agad ni Jolene pagkatapos kumain.
"Nasa children's party ka, huy," protesta naman ni Iggy na nakaupo sa tabi namin.
Hindi ko mabitawan ang phone ko. Nag-angat ako ng tingin sa kanila at agad na umiling. "Susunduin ako ni Dave."
Sabay silang napalingon sa akin at pinagtaasan pa ng kilay. Akala mo naman ay bago sa kanila 'yon! Alam naman nilang naglalandian kami ni Dave!
"Kayo na ba?" tanong ni Iggy.
"Hindi pa! Chill ka lang!"
"Eh ano pa'ng hinihintay mo?"
"Ayoko kasing magmadali. Kaya kayo nasasaktan kasi nagmamadali kayo eh," I said with a smug.
"Yumayabang ka na, ah!" ganti ni Iggy. Natawa na lang ako.
"Kaya nga eh! Alam mo ba, Iggy, minsan nag-si-sit in pa si Dave sa klase namin para lang samahan si Pat," panlalaglag naman ni Jolene.
"Weh? Hindi pa raw 'sila' sa lagay na 'yan?"
"Nako, huwag mo nang itanong. Minsan nga, doon pa natutulog si Pat sa apartment ni Dave."
"May nangyayari na ba?" gulat na tanong ni Iggy.
"Wala, gago! Natutulog lang talaga kami!" tanggi ko agad.
From: Dave
I'm here na, Dawn
Nagpaalam ako sa mga kasama at pumunta sa gilid ng kalsada. Sinabi ko ang exact location ko, at maya-maya, habang nagsisi-uwian na rin ang ibang mga bisita, nakita ko ang kotse ni Dave. Kumaway ako para makita niya ako.
Nilapitan ako ni Jolene at Iggy nang bumaba si Dave mula sa sasakyan. Nakasuot pa siya ng uniform ng Graciadas, tinanggal lang ang apron.
"Musta, p're?" bati ni Iggy at nakipag-apir. Feeling close talaga ang hinayupak na 'to! "Sayang, ipapakilala ko sana sa 'yo 'yung kapatid ko, kaso pumasok na sa loob."
"There's always a next time. Greet him a happy birthday for me." Ngumiti si Dave.
Kumaway ako kay Iggy mula sa bintana noong pinaandar na ni Dave ang sasakyan. Tahimik akong umupo sa shotgun seat at paminsan-minsan ay sumusulyap kay Dave. Si Jolene naman ay nakatulog na sa backseat. Pinasabay ko na rin siya sa amin dahil pareho lang naman kami ng uuwian.
"What?" tanong ni Dave habang nagmamaneho. "I feel like you want to say something. What is it?"
"Nagtataka lang ako sa 'yo," sagot ko. "Ni minsan ba, hindi ka nakaramdam ng selos kay Iggy?"
"Why would I be jealous?" Natawa siya saglit sa tanong ko. "Nauna kayong naging best friends bago pa tayo magkakilala."
Ngumuso ako. "Eh, ni minsan ba, hindi mo inisip na sana, mas maaga tayong nagkakilala? Halimbawa, sana nagkakilala na tayo noong senior high pa lang ako."
BINABASA MO ANG
A Chance on Serendipity
RomanceLife hasn't always been easy on Patricia. Abandoned at birth, she left her hometown to pursue her dream course. Now 20, this fierce and independent Nursing student juggles classes and a part-time job, determined to achieve the future she was never p...