I was only twelve when I was taken away from home.
"Ayoko, Lola... Hindi ako sasama sa kanya."
I was clueless, confused, and terrified. Wala akong kaalam-alam kung bakit isang araw, pagkatapos ng elementary graduation ko, ay dumating ang isang pamilyar na babae na nakikita ko lang sa pictures at sinabing kukunin na niya ako... na para bang isa akong laruan na ipinahiram niya tapos babawiin na ulit.
"Sige na, Ishang... Mas masaya sa Maynila. Magaganda ang mga school doon. Maraming mall at pasyalan. Hindi ka maiinip, maniwala ka..." Hinawakan ni Lola ang mga kamay ko.
Umiling-iling ako, tumatagas ang luha mula sa mga mata. "Ayoko... ayoko tumira doon."
"'Di ba gusto mong maging nurse? Pag-aaralin ka ng mommy mo para maging nurse ka, apo." Pinahid niya ang luha sa pisngi ko, bagay na ikinadurog lalo ng puso ko.
Umiling ulit ako. Ayaw ko pa rin. Wala akong tiwala sa kanya. Natatakot ako. Natatakot ako sa mundong pwede kong kaharapin kapag sumama ako sa kanya.
"Oo nga, hija..." Nilapitan ako ng tita ko at hinaplos ang aking buhok. "Mas maraming opportunity doon. Tsaka... mayaman ang mommy mo. Hindi ka naman niya papabayaan."
Suminghap ako, hirap nang huminga kaka-iyak. Sa tuwing nagsasabi sila ng mga bagay para pilitin akong sumama roon ay hindi ko maiwasang isipin na pinagtutulakan nila ako palayo.
"Ayoko nga, T'yang Agnes... Ayoko. Dito lang ako."
"Ishang, makinig ka sa akin, ha... Ayoko ring mapalayo ka sa amin. Pero para sa kinabukasan mo rin ito, apo."
Sobrang bigat sa dibdib. Hindi ko maiwasang maisip noon na ayaw na ba nila sa akin? Mas gusto ba nilang mawalay ako sa kanila? Pero... ang sabi nila mahal nila ako. Mahal nila ako kaya gusto nila ng magandang kinabukasan para sa 'kin.
Pero 'yong magandang kinabukasan na 'yon... Hindi ko nakikita ang nanay ko na parte noon. Sa loob ng labindalawang taon na wala siya sa tabi ko, kailanman ay hindi na siya naging parte ng buhay ko. She's merely a stranger to me.
Ni wala nga akong naramdaman noong makita ko siyang umiiyak habang kinakausap siya ni Lola. Hindi ko alam kung bakit siya umiiyak. Wala namang dahilan para malungkot siya. Ang sabi ng tiya ko, maganda na ang buhay niya sa Maynila. Nasa kanya na ang lahat. Kaya bakit ba kailangan pa niya akong kunin?
"Ava, alagaan mong mabuti ang anak mo. Sana... ibigay mo na sa kanya ang magandang buhay na hindi namin kayang ibigay."
Naguguluhan ako kung ano ang magandang buhay na tinutukoy nila. Para sa akin, maganda na ang buhay ko sa islang kinalakihan ko. I was happy and carefree and full of love. Payak lang ang pamumuhay namin pero kuntento ako roon.
Ano ba ang magandang buhay na gusto nila para sa akin? Kailangan ko ba silang iwan para doon? Kailangan ko bang isakripisyo ang pagiging masaya para makamit iyon? Kailangan ko ba talagang sumama sa tunay kong ina kahit iniwan at pinabayaan niya ako noon? Kasama ba sa pagtupad ng pangarap ang pag-iwan sa pamilya ko?
Hindi ko maintindihan ang lahat. Sinampal lang ako ng reyalidad nang makita ko ang lola kong lumuluha, nagmamakaawa sa mommy ko na kunin na ako. Hindi na raw niya alam kung saan siya kukuha ng pera para pag-aralin ako. Mahina na siya at hindi na makapag-hanapbuhay. May sakit din ang lolo ko.
Umiiyak pa rin ako habang nag-iimpake ng mga damit. Nangako naman si Mommy na iuuwi niya ako rito tuwing bakasyon. Bago magpaalam, lumapit ako sa lolo kong nakaratay sa kama. Hindi ko alam kung maiintindihan niya kung bakit kailangan kong umalis, pero nangako ako sa kanya na kapag nga naging nurse ako, babalik ako rito at ako mismo ang mag-aalaga sa kanya.
BINABASA MO ANG
A Chance on Serendipity
RomantikLife hasn't always been easy on Patricia. Abandoned at birth, she left her hometown to pursue her dream course. Now 20, this fierce and independent Nursing student juggles classes and a part-time job, determined to achieve the future she was never p...