Isang linggo na ang lumipas simula nang umuwi ako dito sa bayan namin at ngayong araw na 'to pa lang ako lalabas ng bahay.
Ngayon pa lang ako nagkusang loob at ngayon pa lang din ako nagkaroon ng lakas ng loob.
Naramdaman ko ang malamig na simoy ng hangin sa umaga. Mabagal akong naglalakad sa pilapil at habang ginagawa ko iyon pinagmamasdan ko ang mga palaisdaan. Matagal ko din itong hindi nakita.
I missed this.
Napangiti ako nang makita ko ang maraming puting ibon na lumilipad. Nakikita ko ang mga repleksyon nila sa tubig ng palaisdaan. Ang tubig na parang salamin na sahig dahil wala akong nakikitang paggalaw nito kahit kaunte.
I smiled but it's a sad kind of smile.
Kung sana pwedeng humiga sa tubig at magpalutang-lutang. Gusto kong humiga at titigan ang mga ulap. Gusto kong pumikit at pakinggan ang huni ng mga ibon. Gusto kong magpahinga at ikalma ang sarili.
Hindi kasi naging madali para sa akin ang nagdaang tatlong buwan. Sa loob ng mga araw na 'yon tila ba nasa dilim ako at hindi makalabas. Hindi sa ayaw kong lumabas, ginusto ko talagang manatili sa kadiliman.
Kung hindi lang kami nagkita ni Nanay sa Guati ay hindi talaga ako uuwi. Isang tingin pa lang niya sa akin kaagad niyang nalaman na hindi ako okay.
That I am lost.
Matagal na akong nagtatrabaho sa Guati at madalang lang kung umuwi dito sa Siaon. Sa siyudad kasi ako nagtatrabaho at nagpapadala lang ako ng pera kay Nanay tuwing sweldo ko. Palagi naman kaming nag-uusap kasi tumatawag ako sa kanya tuwing linggo kaya alam niya ang nangyayari sa akin.
Pero may isang bagay lang akong nilihim sa kanya at iyon ang naging dahilan kung bakit ako napunta sa dilim.
Vocal ako kay Nanay at halos lahat ng sekreto ko alam niya. Iyon lang talaga ang hindi ko sinabi kasi hindi ko kaya at natatakot ako na kapag malaman niya ay magalit siya sa akin.
Pero hindi siya nagalit nang malaman niya iyon bagkus ay niyakap niya ako ng mahigpit at sinabi niyang naging matapang ako.
Nagsimulang humapdi ang mga mata ko. Hindi ko mapigilan ang sarili na hindi maiyak kapag naaalala ko ang mga nangyari.
Malawak ang palaisdaan na pag-mamay-ari ng Lola Ana ko. Ito na lang ang naiwan naming ari-arian. Maraming naibenta na lupa si Lola noong nagkasakit si Lolo limang taon na ang nakakalipas. Maraming utang ang binayaran at maraming naisangla na kalaunan ay hindi na nabawi.
Ang mga pilapil ng palaisdaan namin ay may tanim na mga niyog, kalamansi at apatot. Kaya hindi masyadong mainit maglakad dahil lumililim ang daanan dahil sa mga puno at mga tanim. Kaya rin kumukipot ang daan dahil doon at idagdag pa ang mga mariscus na tanim na nakakasugat. Kung hindi ka mag-iingat sa iyong nilalakaran panigurado marami kang matatamong sugat.
Namiss ko talaga ang maglakad dito. Dito kasi ako ipinanganak, lumaki at nagdalaga. Umalis lang ako dito nang nagtrabaho na ako.
Iba ang pakiramdam ko kapag nasa Guati ako kasi kahit na marami akong nakikitang tao pero sa kaibuturan ng puso ko ay malungkot ako. Pakiramdam ko ay nag-iisa ako.
Samantalang kung nandito ako sa Siaon at kahit nakatitig lang ako sa mga palaisdaan pero pakiramdam ko hindi ako nag-iisa. Tahimik man pero hindi ako malungkot. Dito nakakaramdam ako ng kaginhawaan.
Kahit na kadalasan hindi ko gusto ang mga ugali ng mga tao dito pero ewan ko ba may kapayapaan akong nararamdaman sa tuwing napapatingin ako sa magandang tanawin sa kapaligiran.
Scenery of Siaon is therapeutic minus the people.
Ang mga tao kasi ang toxic dito kaya naman mas pipiliin ko minsan na huwag nang lumabas. Mabuti na rin lang at ang bahay namin ay malayo sa mga kabahayan. Malayo ang distansiya namin sa ibang bahay.