Sa sumunod na araw ay sabay kami ni Nanay na umalis ng bahay. Habang naglalakad na kami sa malapad na pilapil at no'ng nasa tapat na kami ng bahay ni Skevon ay napatingin ako sa gate. Pinipigilan ko ang sarili na mapatawa dahil nakikita ko siyang sumilip doon. Inaabangan niya ang pag-daan ko.
Gusto ko sanang dumaan muna para makapag-usap kami at...maghalikan.
Pero hindi pwede.
Kumaway na lang ako sa kanya nang malayo na kami ni Nanay.
At tila ba sinusubok kami ng pagkakataon dahil araw-araw na kaming sabay ni Nanay papunta ng tindahan at hindi na siya umaalis o pumupunta ng Guati. Pati pag pag-uwi ay sabay na rin kami, hindi na niya ako pinapauna. Kaya naman umabot ng dalawang linggo na hindi kami nagkakausap ni Skevon. Sumisilip lang talaga siya sa gate kapag dumadaan kami ni Nanay.
"Alam mo ba kaninong bahay ito, Ria?" tanong sa akin ni Nanay isang beses habang tinuturo niya ang bahay ni Skevon.
Hanggang ngayon ay hindi niya pa rin pala alam.
"Kay Skevon po, Nay," tugon ko. Tiningnan ko ang mukha niya para malaman ko kung ano ng magiging reaksyon niya.
Tumango si Nanay. "Tama nga talaga ang hinala ko."
Napataas ang dalawang kilay ko at medyo nagulat sa sinabi niya.
"May hinala na po kayo, Nay, na sa kanya?"
"Oo. Nakita ko kasi siya isang beses na papalabas ng gate. Matagal-tagal na 'yon."
Posible talagang mangyari iyon kasi araw-araw na dumadaan si Nanay dito.
"Nagtaka pa ako kasi nang makita niya ako ay kaagad siyang bumalik papasok."
"Po?"
Bahagyang napatawa si Nanay. "Nahihiya ba siya sa akin?"
Hindi kaagad ako nakapagsalita. "Siguro po...baka..."
"Naku, hindi na dapat siya nahihiya sa akin."
Hindi na ako nagsalita at ganoon na rin si Nanay.
Isang hapon habang naglalakad kami pauwi ay sumabay sa amin si Aling Dening. May seryoso silang pinag-uusapan ni Nanay at nauna silang naglalakad ilang metro mula sa akin. Nagpapahuli ako dahil pakiramdam ko hindi dapat ako nakikinig sa usapan nila. Panay din kasi ang lingon sa akin ni Aling Dening at tinitingnan niya kung nakikinig ba ako o hindi. Kaya naman noong medyo malayo na ako sa kanila ay hindi na siya lumingon sa akin. Nang nasa tapat na ako ng gate ni Skevon ay nakita kong nakasara iyon at wala siya doon na sumisilip. Naisip ko na baka umalis siya.
Nang lumagpas na ako ng kaunte ay laking gulat ko nang may humila sa aking braso at mabilis na hinapit ang baywang ko.
Napadilat ang mga mata ko nang makita kong si Skevon iyon.
Wala na siyang sinayang na pagkakataon at mabilis na akong hinalikan sa labi. Kaagad din naman akong tumugon. Ilang segundo lang nangyari iyon at binitawan na niya ako kaagad. Lumapit na siya sa gate at bago pa niya isinara iyon ay nakangiti siyang tumingin sa akin.
Nakagat ko ang ibabang labi ko nang lumakad na ulit ako.
Seryoso pa rin sina Nanay at Aling Dening sa kanilang pinag-uusapan kaya naman hindi nila nakita ang naging halikan namin ni Skevon.
Napahawak ako sa aking labi at malapad na ngumiti.
Shit. Kinikilig ako.
Kahit saglit lang ang halikan namin pero ang saya-saya ko na. Hindi na ata niya nakayanan at pinairal niya ang kapilyuhan niya. Natatawa ako na naiinis sa sitwasyon naming dalawa na para bang pinagkakaitan kami ng tadhana na makapiling ang isa't isa.