Nakaraan...
Kinuha lahat ni Lola ang premyong natanggap ko sa pageant. Hindi niya tinupad ang sinabi niya sa akin noong pinapakiusapan niya pa lang akong sumali.
Siya kasi ang kasama ko na pumunta ng bangko sa Guati para mapalitan ang cheke na ibinigay sa akin.
Sabi ni Nanay ay walong libo lang ang capital para sa palaisdaan. Hindi sana ako papayag kasi ang plano ko ibibigay ko sa kanila ni Lolo ang sampung libo at ang limang libo ay sa akin. Ibibigay ko sana iyon kay Nanay para pang-capital din niya sa tindahan. Gusto kasi ni Nanay na prutas na ang ibebenta niya at hindi na isda at gulay. Marami kasing naghahanap ng mga prutas at wala pang nagbebenta no'n sa Sentro.
Wala akong nagawa sa desisyon ni Lola. Sinubukan kong umalma pero nagalit din siya kaagad. Kaya naman pinakiusapan na lang din ako ni Nanay na hayaan na lang si Lola. Maski si Tiyo Samuel at Lolo ay nagalit rin kay Lola pero pareho silang dalawa na wala ring nagawa kalaunan.
Masakit para sa akin kasi pinaghirapan ko 'yon, eh. Ilang araw akong nagsikap para makuha ang prempyong 'yon tapos wala pang ititira kahit kaunte. Wala nga akong naibigay kay Harry para sana pasasalamat ko sa tulong niya sa akin. Nakakahiya kasi dumadayo pa talaga siya galing Corazon.
Kahit mabigat sa kalooban ko pero pinalampas ko na lang 'yon dahil ayaw ni Nanay na magalit si Lola. At para na rin sa ikakatahimik ng lahat.
"Pagkatapos mong magluto ng sabaw pakiprito na lang din nito, Ria, para hindi mabulok at para may iuulam na tayo bukas ng umaga," utos sa akin ni Nanay habang nilalagay niya sa cellophane ang lulutuin ko pag-uwi. Kakagaling ko pa sa paaralan at dumaan nga ako dito sa tindahan namin. Nakita kong marami pang isda na binibenta si Nanay at ang iba ay malapit nang mabulok. Matumal kasi ang bentahan dahil marami ang pumapasok dito sa Siaon na nagbebenta ng isda. Nakamotor kasi sila at nilalako nila ito hanggang sa pinakadulong bahagi ng bayan kaya naman ang mga tao ay hindi na pumupunta dito sa Sentro para bumili. Iyon ang dahilan ni Nanay kung bakit gusto sana niyang prutas na lang ang ibebenta.
Napabuntong-hininga ako.
Nagdala na rin ako ng mga gulay na malapit na ring mabulok. Tatanggalin ko lang ang parte na hindi na talaga pwede. Sayang at maaari pa namang lutuin ang iba.
Habang naglalakad na ako sa pilapil ay biglang lumabas ni Skevon mula sa bakawan na may dalang camera. Ito ang ginamit niya noong pageant.
Ngumiti siya sa akin at pagkatapos ay sinimulan na akong kuhanan ng litrato.
Napatawa ako.
"Skev naman, eh," pasigaw kong sabi sa kanya. Medyo malayo pa kasi ang distansiya naming dalawa.
Mas lalo pa akong napatawa nang bigla niyang binaba ang katawan niya para makuhanan ako ng ibang anggulo. Iba't ibang posisyon ang ginawa niya.
Hindi ko alam kung anong pumasok sa isipan ko at sinabayan ko na ang kalokohan niya.
Kaya naman rumampa na ako na kagaya ng ginawa ko sa pageant. Nagpose ako bigla at nagkunwaring tumatawa. Naglakad ulit ko habang ang magkabilang braso ko ay nakaangat sa ibabaw ng ulo. Sinadya ko iyon para bigyan ng impasis ang hawak kong cellophane sa magkabilang kamay na may laman na isda at gulay. Bigla akong umikot dahilan kong bakit lumabas mula sa cellphane ang kalabasa at gumulong ito sa pilapil.
"Hoy!" sigaw ko.
Mabilis kong pinulot ang nalaglag na gulay. Narinig ko ang malakas na pagtawa ni Skevon. Napatawa na rin ako habang binabalik ang kalabasa sa loob ng cellophane.
Lumapit na siya sa akin.
"Are you okay?" tumatawang tanong niya.
Hindi ako sumagot dahil tumatawa pa rin ako. Tumatawa siyang kinukuhanan ako ng litrato.