Nakaraan...
Iniyak ko lahat sa gabing iyon ang kalungkotan na nararamdaman ko at ipinangako ko sa sarili na hindi na ulit ako iiyak ni malulungkot tungkol sa paglipat ni Skevon. Kasi wala naman akong magagawa kung iyon na ang desisyon niya. Kahit ilang luha pa ang iiyak ko hindi na magbabago ang katotohanan na lilipat na nga siya ng paaralan.
Tsaka sino ba ako para pigilan siya, 'di ba?
Hindi ko siya tinanong tungkol doon, hihintayin ko siya kung kailan niya sasabihin sa akin o kung hindi man niya sabihin ay okay lang din, maiintindihan ko. Kung iisipin hindi naman talaga niya dapat sabihin 'yon sa akin. Wala akong mahanap na dahilan para ipagbigay alam niya sa akin ang tungkol sa desisyon niya.
Magkaano-ano ba kami? Kaklase lang naman kami.
Hindi ko na muna inisip kung ano ang mangyayari kapag hindi na siya dito mag-aaral. Ang mas pinagtuonan ko ng pinsan ay ang mga natitirang araw bago ang graduation namin. Susulitin ko na lang ang pagkakataon na nandito pa siya.
Kaya naman kapag may pagkakataon ako ay tinititigan ko siya ng matagal. Pinagmamasdan ko ang gwapo niyang mukha. Ang maarko niyang kilay. Ang masungit niyang mga mata. Ang matangos niyang ilong at ang mapupula niyang labi.
"What?" natatawa niyang tanong nang mahuli niya ako isang beses na nakatitig sa kanya.
Break time namin sa tanghali at ilang minuto na lang ay magsisimula na ang panghapong klase. Pagkadating ng alas tres ay pupunta na kami sa gym para magpractice para sa graduation.
Umiling ako.
Nakapangalumbaba ako habang nakatingin sa kanya. Ang mukha ko ay nakaharap na naman sa dingding. Ang mga mata ko ay nasa likuran, kung nasaan siya.
Ginaya niya ako at nilagay niya rin ang kamay niya sa ilalim ng baba niya at tinitigan ako.
Maingay ang buong section namin ngayon at may kanya-kanyang ginagawa ang lahat kaya naman hindi nila napapansin ang ginagawa namin ni Skevon dito sa aming banda. Kahit ang ingay-ingay na ay hindi pa ako pwede maglista ng noisy sa puntong ito kasi hindi pa naman nag-aaala -una. Pero kapag lagpas ala-una na at hindi pa dumadating ang aming guro, iyon na ang pagkakataon na maglilista na ako.
Inirapan ko siya dahil sa panggagaya niya sa akin. Tumawa naman siya ng malakas.
Pinagmasdan ko siya habang tumatawa. Malungkot akong napangiti.
Sigurado akong mamimiss ko 'to.
Natigil ako sa pagtitig sa kanya nang biglang nag-iba ang ekspresyon ng mukha niya. May bahid na itong pag-aalala.
"Hey, Nadj? Is there something wrong?" maingat niyang tanong at bahagyang inilapit ang mukha sa akin.
Mabilis akong umiling at umupo ng tuwid. Binaba ko na ang kamay ko sa aking desk. "Wala naman," tugon ko pagkatapos ay hilaw na tumawa.
Tinitigan niya ako at nakita ko sa mga mata niya na tila ba marami siyang katanungan sa akin.
"Ano ka ba?! Bakit? Ano bang mayroon sa mukha ko, ha?!" biro ko sa kanya.
Bumuntong-hininga siya. "Why it feels like...you are sad?" bulong niya.
"Ha? Anong sad? Hindi, no!" kaila ko. Umiwas na ako ng tingin sa kanya at umupo paharap.
Halata ba talaga sa mukha ko?
Ria naman, eh. Hindi ba't nangako ka na hindi ka na malulungkot? Anong nangyari?
Narinig ko ang pag-usog ng upuan niya at kalaunan ay naramdaman ko na siya malapit sa likuran ko.
"Nadj?" bulong niya.