Nakaraan...
Napaawang ang labi ko habang tinitingnan si Shawnie na binubuklat ang sketchbook. Hindi ko na nagawang lumapit at kunin sa kanya iyon. Hinayaan ko na lang siya dahil wala rin naman akong magagawa. Kung susubukan ko pang kunin ay pipilitin pa rin niya ako na maibalik iyon sa kanya para matingnan niya.
Dumilat ang mga mata niya habang tinititigan ang nakaguhit sa unang pahina. Bumaling siya sa akin at itinuro ang sketchbook. "Binigay din ba 'to ni Skevon?"
Tumango ako. Iba ito sa sketchpad ni Skevon dati noong Grade 10 kami. Marami siyang iginuhit doon at sa huling pahina lang nakaguhit ang mukha ko. Ngayon, lahat ng pahina ay ako.
Nakagat ko ang ibabang labi at pinipigilan ang sarili na matawa dahil sa naging ekspresyon ng mukha ni Shawnie. Ang mukha niya na parang naiihi na natatae. "Kakainggit naman," sabi niya.
Bigla niyang hinampas si Alex sa tiyan. Napadaing ito sa sakit kasabay nang pagbitaw nito sa cellphone. Napabangon si Alex at hinawakan ang tiyan. "Ano ba, Shawnie?! Alam mo namang busog 'yong tao, eh. Gusto mo bang tumae ako dito sa higaan ni Ria?"
Tumawa si Shawnie. "Ay, sorry. Natatae ka nga pala."
Napatawa ako.
"Tingnan mo kasi 'tong tinitingnan ko, Alexandra. Dali!" nakangiting sabi ni Shawnie. Hindi lumapit si Alex at masama lang na tumingin habang hawak pa rin ang tiyan.
Pinandilatan siya ni Shawnie. "Sorry na. Ang dami mo kasing kinain kanina."
Kinuha ni Alex ang cellphone niya at muling naglaro. Nakita ko namang umirap si Shawnie.
Nagdesisyon akong lumapit kay Shawnie at tumabi ng upo sa higaan. Tinitigan niyang muli ang nakaguhit sa unang pahina at ganoon din ang ginawa ko.
Ang mukha ko na naka-side view. Nakalugay ang buhok ko at nakasuot ng uniporme. Halatang nasa loob ako ng classroom kasi naiguhit din ang pisara sa harapan. Kuhang-kuha ni Skevon ang mukha ko. Kung titingnan ang iginuhit niya ay parang litrato ito. Na parang totoong larawan talaga kasi kuhang-kuha niya ang bawat kulay at shadow. Hindi ako sigurado kung ano ang ginamit niya sa pag-guhit. Parang colored pencils or pens na may halong oil pastel colors.
"Ang ganda mo dito, Ria," puri sa akin ni Shawnie habang ang mukha niya ay kagaya na naman kanina. Parang naiihi na natatae.
Tipid akong ngumiti. Naramdaman ko na rin na uminit na ang mukha ko.
Nagbuklat ulit siya ng panibagong pahina.
Ang mukha ko na naman ay nakaharap ngayon. Nakangiti ako ng sobrang lapad at nakauniporme na naman. Walang background at tanging mukha ko lang. Ganoon pa rin at parang litrato dahil sa husay na pagkakakulay.
Biglang niyugyog ni Shawnie ang sketchbook at umiling-iling na bumaling sa akin. "Sobrang ganda mo dito. Nakaka-in love."
Malakas akong napatawa.
"Crush mo ba si Ria, Shawnie?" biglang singit ni Alex.
Umirap na naman si Shawnie. "Tumahimik ka nga diyan! Hindi ka kasali sa usapan."
Tumabi na sa akin si Alex at tumigil na siya sa kakalaro sa kanyang cellphone. Tiningnan niya ang sketchbook na hawak ni Shawnie. Nakita kong tumango-tango siya. "Ang galing ng pagkakaguhit," sabi niya na parang hindi na nagulat sa nakita.
"Huwag ka nga tumingin dito. Kanina nang tinawag kita hindi ka lumapit. Tapos ngayon nag-uusisa ka na," masungit na sabi ni Shawnie.
"Magaling talaga gumuhit si Skevon. Realism ang style niya," sabi ni Alex nang hindi pinapansin si Shawnie. Pagkatapos niyang sabihin iyon ay ibinalik na niya ang tingin sa kanyang cellphone.