Kabanata 4

18 1 0
                                    

Nakaraan...

Inayos ko ng mabuti ang shoulder bag ko para hindi na mahulog ang mga laman nito. Ilang beses kasing nagpulot si Skevon, ang transferee, sa mga notebooks kong nahulog sa sahig kanina.

Sobrang nakakahiya.

Magpapabili na talaga ako kay Nanay ng bagong bag. Napatahi lang kasi si Lola nito kasi nasira na ang ginagamit kong packbag.

Nang makuntento na ako ay lumabas na ako ng room dahil hinihintay na ako nina Shawnie at Alex. Recess na kasi at pupunta na kami sa canteen. Nakakagutom ang long quiz na binigay sa amin ng aming Math Teacher. Feeling ko natuyo ang utak ko sa sobrang hirap.

Marami na ang estudiyante nang dumating kami. As usual maingay.  Pumila na kaagad kaming tatlo para makabili na at makakain na. 

"Manlibre ka naman, Alex," sabi ni Shawnie sabay kurot sa akin. Kinagat ko ang ibabang labi dahil natatawa ako. Nauna na kasi si Alex sa pagpila. Nasa likod niya kami.

Hindi ito umimik.

"Sige na, Alex. Burger sa akin at isang avocado shake." Bumaling sa akin si Shawnie. "Ikaw, Ria? Anong gusto mo?"

Umiling ako.

Hindi nga um-oo si Alex pinapapili na niya ako. Kinurot ulit ako ni Shawnie.

"Hmmm...isang cheese waffle at chocolate shake," sabi ko na may kasamang pag-aalinlangan.

Hindi pa rin kami pinansin ni Alex.

Kumindat sa akin si Shawnie. Hinampas ko siya sa braso at humagikhik siya.

Nang si Alex na ang nasa counter ay sinabi niya ang gusto niya sa tindera at habang ginagawa niya iyon ay mahigpit ang paghawak ni Shawnie sa aking braso. Napatigil na rin siya sa paghinga habang hinihintay na sabihin ni Alex ang gusto naming pagkain. 

Kumuha ng isang libo si Alex mula sa hello kitty niyang pitaka. Bahagya pang napatawa si Shawnie dahil do'n. 

"Naku, inday, wala ka bang mas maliit diyan? Hindi kasi mall itong binibilhan mo. Wala kaming panukli," masungit na sabi ng tindera na ang kilay ay kasing nipis ng sinulid. 

"May idadagdag na lang po ako," mahinang sabi ni Alex at sinabi niya ang mga gusto naming ipabili.

Narinig ko ang pagbuntong-hininga ni Shawnie na para bang nakahinga na siya sa wakas. Kinurot ko siya sa gilid at napatawa siya.

Alam naming maraming pera si Alex kasi negosyante ang mga magulang niya. Maraming isang libo na perang papel ang kanyang pitaka kaya naman hinuhuthutan namin siya. Pero si Shawnie naman talaga ang palaging nagpapalibre at hindi ako. Naghihintay lang ako kung kailan magsasabi si Alex na manlilibre siya. Si Shawnie ang demanding at palaging namimihasa.

Umirap ang tindera at kinuha ang pera ni Alex. Sinabi na rin nito ang mga order namin sa isang kasama niya.

"Ang sungit talaga ng tinderang 'yan. Parang walang kaligayahan sa buhay," bulong sa akin ni Shawnie.

"Hoy, huwag ka magsalita ng ganyan. Kamag-anak mo 'yan," natatawang sabi ko.

Halos lahat ng empleyado dito ay mga Lafuentera. Simula sa empleyado sa canteen, mga janitors, ang cashier, ang mga guards at pati na ang ibang mga guro ay kamag-anak nila. Sa angkan din kasi ng mga Lafuentera galing ang lupang pinagtayuan ng paaralan namin. Galing ito sa mga ninuno nila Shawnie kaya nabibigyan ng opportunidad ang mga kamag-anak nila na magtrabaho dito.

Umirap siya dahil sa sinabi ko. "Hindi ko siya tinatanggap na kamag-anak."

Napatawa ako. "Wala kang choice."

Miseria Anadja Del Minrio (Siaon Series #3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon