Nakaraan...
Nahiya ako sa ginawa ko.
Sana pala hindi ko na lang pinansin ang ginawang pang-aapi ni Angelo kay Skevon. Nagalit tuloy siya sa akin. Pero hindi ko lang kasi napigilan. Ayokong may nakikita na inaapi at hindi lumalaban.
Lalo na si Skevon na alam kong hindi naging maganda ang nangyari sa kanya at sa kapatid niya sa bahay nila sa Guati. Inilipat na nga sila dito para mailayo sa nanakit sa kanila tapos hanggang dito pala ay may gagawa na naman ng masama.
Ayokong makita siya na nasasaktan at hindi ko kayang tumingin man lang habang hinahayaan niya si Angelo na saktan siya. Pero hindi niya gustong mangialam ako. Ayaw niyang sumasali ako sa problema niya.
Sa labis na hiyang naramdaman ay hindi na ako lumingon sa banda niya. Hindi ko na siya tiningnan at kung madadatnan ko siyang nakatingin sa akin ay umiiwas ako kaagad baka kapag tumitig pa ako ay magalit pa siya ng husto. Hindi ko rin kayang humingi ng sorry sa kanya dahil baka kapag kinausap ko pa siya ay maalibadbaran lang siya sa akin.
Kaya mas mabuti pang iwasan ko na muna siya at maghihintay na lang ako kung kailan niya ako kakausapin. O kung kailan na ako handang kausapin siya.
Naging mayabang lang siguro ako kasi inisip ko na close na kami kasi nag-uusap na kami at ngumiti na siya sa akin. Tumawa na nga siya sa harapan ko, 'di ba? Pero hindi pala 'yon basehan para magawa ko na ang kahit ano lalo na ang manghimasok sa problema niya.
"Huwag ka nang magluto ng ulam kasi sabi ng Tiyo Samuel mo sa akin kaninang umaga ay bibili siya ng masarap na ulam sa Guati pag-uwi niya," sabi sa akin ni Nanay nang dumaan ako sa tindahan namin sa Sentro.
"Ah, sige po. Kanin na lang po ang lulutuin ko, Nay."
Tumango siya. "Siya, sige, umuwi ka na. Dalhin mo 'to at susunod din ako mayamaya."
"Opo."
Kinuha ko ang isang supot na may laman na watermelon na inilahad sa akin ni Nanay at pagkatapos ay tumulak na ako.
Umihip ang malakas na hangin nang naglalakad na ako sa malapad na pilapil. Napatingin ako sa kalangitaan nang may dumaan na maraming ibon. Kagaya ko ay baka uuwi na rin sila.
Napangiti ako dahil sa kaweirduhan na naisip.
Napahinto ako nang biglang lumabas si Skevon mula sa bakawan ng Lola Victoria niya. Diyan rin siya dumaan noong nakaraan habang hinahabol siya ng pinsan niyang si Kiyu.
Napatingin siya sa akin. Kaagad akong umiwas ng tingin. Lumipat ako sa kaliwang banda ng pilapil at naglakad ulit. Wala naman siyang sinabi sa akin at alam ko naman na wala din siyang balak na kausapin ako kaya diretso lang ang lakad ko.
Nahihiya pa rin ako dahil sa ginawa ko at hindi ko pa kayang makipag-usap sa kanya sa ngayon. At alam kong ganoon din siya, galit pa rin siya at hindi niya pa ako gustong makausap.
Kung hindi na niya talaga ako kakausapin sa buong taon na 'to, okay lang naman sa akin at naiintindihan ko naman. Tsaka hindi naman talaga kami close sa isa't isa kaya walang epekto 'yon sa akin.
Ganoon ang nangyari sa mga sumunod na araw. Hindi na kami nagkausap pa ulit. Hindi ko na siya pinapansin. Kapag nagkakasalubong kami ay yumuyuko kaagad ako at umiiwas ng tingin. Hindi ko na rin siya nakita ulit sa pilapil. Sa tingin ko iniiwasan niya rin ako.
"Sige na, Chris, sagutan mo na lahat at kami na ni Ria ang bahalang magsusulat sa papel," sabi ni Shawnie sa aming leader.
May activity kasi kami sa Filipino. Lima kami sa isang grupo at pabilog kaming nakupo sa isa't isa.