Madaling araw kami pinapunta ni Aling Ernaja sa banquet hall ng mga Valdroa. Pagdating namin ni Nanay sa likuran kung saan may malaking kusina ay kaagad naming hiniwa ang mga gulay at ang iba pang kakailanganin. Alas diyes ng umaga gaganapin ang kasal at ang reception ceremony ay sa tanghali.
Ilang beses na akong nakapunta sa banquet hall nila, noong bata pa lamang ako. Wala pa rin namang pinagbago iyon. Puti pa rin ang kulay ng pintura at malalaking salamin pa rin ang mga bintana. Kahit ilang taon na itong naipatayo pero hindi makikita na luma na ito. Sigurado naman ako na pinapamaintain ito ni Madam Victoria para manatili ang modernong disenyo.
Alas sais ng umaga naluto na lahat ng pagkain at kumain na rin kami pagkatapos. Tumulong na rin ako kanina sa pagluluto at may isa ngang putahe akong iniluto. Bago ako umuwi ng bahay ay hinugasan ko ang lahat ng ginamit namin sa pagluto.
"Naku, Ria, ako na sana diyan," sabi sa akin ni Aling Eranja nang makita niya akong naghuhugas sa lababo.
"Okay lang po."
Nakita ko kasing naglilinis siya ng sahig sa hall mismo tsaka lilinisan pa niya dito sa kusina mamaya kaya ako na ang nag-initiate na maghugas para kahit papaano ay mabawasan ang gagawin niya. Ilang ulit na rin siyang pabalik-balik sa malaking bahay dahil nagdala siya doon ng pagkain para almusal ng mga Valdroa. Mabuti na lang at sumasakay siya ng e-bike na minamaneho rin ng asawa niya kasi medyo malayo kung lalakarin niya lang.
"Ang bait talaga ng anak mo, Seria," sabi niya kay Nanay na kasalukuyang nilalagay ang isang ulam sa magandang lalagyan.
Tipid lang na ngumiti si Nanay.
Nang matapos na ako ay kaagad akong umuwi ng bahay. Maliligo ako at magbibihis. Babalik rin naman ako sa banquet hall dahil tutulungan pa namin si Aling Eranja na ilagay ang mga pagkain sa hall mismo.
Nasa bakawan na ako nang masalubong ko ang sasakyan ni Skevon at nang makalapit na ito ay bumaba ang salamin sa pinto ng driver side.
Bumugad sa akin ang nakakunot na noo na si Skevon. "Where have you been?" Nagtataka siguro siya kasi maaga pa at nakikita na niya akong naglalakad sa pilapil.
Napansin kong bago siyang ligo dahil basa pa ng kaunte ang buhok niya at ang direksyon ng mga ito ay patungo sa likuran ng ulo niya. Halata na bago lang niya itong sinuklay. Mas lalo siyang gumagwapo kapag nalalantad ang noo niya. Hindi niya suot ang salamin niya kaya naman ang sungit tingnan ng mga mata niya. Napansin ko rin ang isang kamay niyang maugat na nakahawak sa steering wheel ng sasakyan niya.
Hindi ko mapigilan ang sarili na mamangha sa nakikita dahil bagay na bagay sa kanya ang magmaneho ng sasakyan at para siyang modelo kung titingnan.
"Galing ako sa banquet hall ninyo," tugon ko.
Tumaas ang dalawang kilay niya. Magsasalita ulit siya nang inunahan ko na siya.
"Nagpatulong kasi si Aling Eranja sa amin ni Nanay. Nagluto ng mga pagkain sa kasal..."
Napaawang ang labi niya.
"Kagaya ng dati, 'di ba?" dagdag ko.
Sa mga panahon na tumutulong si Nanay kay Aling Eranja noon, ay minsan na rin akong sinama ng aking ina. Unang beses akong nakapunta ay noong birthday ni Madam Victoria, pangalawa ay noong birthday ng isang apo niyang babae na si Hessari.
Hindi na nagsalita si Skevon at tinitigan lang ako.
"Doon ka na ba pupunta ngayon?" tanong ko sa kanya.
Tumango siya.
Tipid akong ngumiti. "Sige..." Akmang aalis na ako nang magsalita siya ulit.
"Are you tired?" tanong niya.