Nakaraan...
Hinalikan ako ni Skevon sa pisngi.
Hindi ko namalayan at nakatulala lang akong nakatayo doon ng ilang sandali. Napakurap-kurap at napalunok.
Unang beses kong mahalikan sa pisngi ng isang lalake at si Skevon pa talaga?
Nagpakawala ako ng isang malalim na hininga.
Ria, kalma ka lang, kalma.
Tumalikod na ako at nagsimulang maglakad pauwi ng bahay. Paulit-ulit na bumalik sa aking isipan ang tungkol sa halik at kapag nangyayari 'yon ay nag-iinit ang buong mukha ko.
Nang papaliko na ako sa aming pilapil ay doon ko lang napagtanto. Napahinto ako sa paglalakad at napatingin ako sa dala kong paper bag.
Paano ko pala sasabihin kay Nanay na binigay ito ni Skevon sa akin? Kung magtatanong siya, ano ang isasagot ko? Kung sasabihin ko naman na kay Skevon nga galing, alam kong magtatanong siya kung bakit ako binigyan?
Hindi ko kasi nasabi kay Nanay na naging kaklase ko si Skevon noong Grade 10. Hindi ko alam kung may alam ba ang aking ina tungkol doon o wala. Pero minsan naiisip ko na baka may alam na siya, hindi niya lang tinanong sa akin. Malaking posibilidad iyon lalo na at palaging pinag-uusapan ng mga taga dito ang mga Valdroa. Kahit na Trivajo ang apilyedo ni Skevon at ng kapatid niya pero hindi ibig sabihin na hindi malalaman ng mga tao na apo sila ni Madam Victoria Valdroa.
Anong gagawin ko? Hindi ko naman maitatago itong dala ko. Anong plano, Ria?
Ilang sandali akong nag-isip. Hindi ko na naisip ito kanina kasi ukupado ang buong utak ko sa ibang bagay.
Nakagat ko ang ibabang labi ko.
Bakit ba kasi ako hinalikan ni Skevon sa pisngi? Para saan? Birthday gift? Hindi pa ba sapat ang cake?
Muli akong nag-isip ng idadahilan ko. Naisip ko rin kalaunan na baka kung magtagal pa ako dito sa pilapil ay sigurado akong maabutan ako ni Tiyo Samuel. Mas lalo akong namroblema dahil sa kaisipang iyon.
Lumingon ako sa likuran at tiningnan ang dulo ng pilapil kung nasaan ang sementadong kalsada. Baka hindi ko lang alam na paparating na pala talaga si Tiyo.
Halos malagutan ako ng hininga nang makita ko sina Alex at Shawnie na halos isang metro na lang ang pagitan mula sa akin. Napahinto sila sa kanilang mahinang paraan ng paglalakad nang malingunan ko sila. Napahawak ako sa dibdib ko dahil akala ko si Tiyo Samuel na.
"Ano ba kayo?!" natatawa na may kasamang pagkagulat kong sabi sa kanilang dalawa.
"Sayang at lumingon ka pa talaga, Ria," natatawang sabi ni Alex.
"Malapit na sana," dagdag pa ni Shawnie na tumatawa na rin.
"Ano ba kasing balak ninyong dalawa?" tanong ko.
"Ang gulatin ka," si Alex.
"Birthday surprise!" si Shawnie na winawagayway ang mga kamay sa ibabaw ng ulo niya.
"Nagulat pa rin ako," sabi ko. Naramdaman ko ang malakas na pagkabog ng dibdib ko dahil sa ginawa nila.
Sabay ulit silang napatawa.
"Happy birthday, Ria," malambing na sabi ni Shawnie at pagkatapos ay hinila palapit sa akin ang dala ni Alex na box na may ribbon sa ibabaw na ngayon ko pa lang napansin. At dahil sa paghila ni Shawnie ay nadala rin si Alex.
Malungkot akong ngumiti na parang naiiyak pero hindi naman talaga. "Salamat...hindi na sana kayo nag-abala...nakakahiya tuloy..."
Umirap si Shawnie. "Ano ka ba! OA mo, ha!"