"Is she angry with me?" tanong sa akin ni Skevon habang sabay kaming naglalakad sa pilapil sa hapon ding iyon. Nakaabang na siya sa akin malapit sa bakawan ng Lola Victoria niya. Hinihintay niya ang pag-uwi ko.
Aaminin ko sarili ko na inaasahan ko na gagawin niya ito. Sa tindahan pa lang malakas na ang kutob ko na kakausapin niya ako.
"Hindi naman nagalit si Nanay sa 'yo. Nabigla lang siya nang madatnan ka niya do'n," tugon ko.
"I'm sorry..."
"Ano ka ba? Huwag kang magsorry tsaka wala ka namang ginawang masama. Sinamahan mo lang naman ako."
"Sa 'yo? Nagalit ba siya?" nag-aalalang tanong niya.
Umiling ako. "Hindi rin."
Narinig ko ang pagbuntong-hininga niya. Napatingin ako sa kanya at nakita kong nakayuko siyang naglalakad. Na para bang may malalim siyang iniisip. Mabagal ang paraan ng paglalakad naming dalawa ngayon.
"Okay lang 'yon, Skev."
Napatingin siya sa akin. "Hindi ba talaga siya nagalit?" Hindi pa rin siya kumbinsido.
Ako naman ngayon ang bumuntong-hininga.
"Hindi nga. Gusto nga niyang sabihin ko sa 'yo na nagpapasalamat siya sa tulong mo. Gusto niyang magpasalamat dahil sa ginawa mo hindi na ulit makakapasok dito sa Siaon si Drew."
"Talaga?" Hindi makapaniwala ang mukha niya.
Tumango ako. "Tsaka sabi rin ni Nanay na pwede ka raw pumunta sa tindahan..."
Napataas ang dalawang kilay niya. Hindi ulit makapaniwala sa narinig.
"Kahit na nandoon siya," dagdag ko.
Napatigil si Skevon sa paglalakad at napakurap-kurap ang mga mata. Napatigil din ako.
"Yon ang sinabi sa akin ni Nanay kanina pag-alis mo."
Bumuntong-hininga ulit siya. "I really thought magagalit siya sa akin."
Umiling ako.
Nakita ko namang nawala na ng kaunte ang pag-aalala sa mukha niya.
Mabuti na lang. Ayaw kong nag-aalala siya sa isang bagay na hindi naman dapat ipag-alala.
Naglakad na ulit kami at ilang sandaling binalot ng katahimikan. Hanggang sa narating na namin ang tapat ng gate niya.
May bigla akong naisip.
"Paano mo pala nalalaman na ako lang mag-isa sa tindahan at sa tuwing umaalis si Nanay?" tanong ko sa kanya.
Hindi siya sumagot bagkus ay tinalikuran na niya ako at mabilis na tinungo ang gate.
"Skev..." Sumunod ako sa kanya at hinila ang dulo ng tshirt niya kaya napatigil siya.
"Sagutin mo ang tanong ko. Paano mo nalalaman iyon? May contact ka ba sa Sentro?"
Hindi niya ako pinansin. Binuksan na niya ang gate niya kaya naman nabitawan ko na siya.
"Skev naman, eh. May espeya ka ba do'n?"
Tumawa siya sa sinabi ko. Nakapasok na ang kalahati ng katawan niya sa gate nang bumaling sa akin. "It's a secret," natatawa niyang sabi.
Pagkatapos ay isinara na niya ang gate at nakapasok na siya ng tuluyan.
Masama kong tiningnan ang nakasarado niyang gate. Kahit mataas ang gate niya at hindi ko nakikita ang nasa loob pero alam kong hindi pa siya lumalayo.
"May pa-secret ka pang nalalaman diyan, ah," sabi ko sa kanya kasi alam kong naririnig niya pa ako.
Tumawa ulit siya sa loob.