Pag-uwi namin ni Nanay sa bahay bandang hapon ay nasa isipan ko pa rin ang paghalik sa akin ni Skevon.
Dalawang beses niya akong hinalikan sa pisngi.
Bakit niya ginawa 'yon?
Bakit, Skev?
Ayokong pangunahan at hindi ako pwedeng mag-assume dahil sa ginawa niya. Wala lang naman ata 'yon sa kanya tsaka halata namang wala siya sa sarili nang ginawa niya iyon dahil nakita ko naman na lasing siya. Kakalimutan ko na lang siguro 'yon.
Pero kahit anong pilit ko sa sarili na ipagwalang bahala na lang pero hindi ko mapigilan. Kinikilig ako sa ginawa niya.
"Hindi ba't sinabi ko na sa 'yo, Seria, na huwag mo na tulungan iyang si Eranja," narinig kong sabi ni Lola kay Nanay mula sa labas ng aking kwarto.
Walang naging tugon ang aking ina.
"At sinama mo pa talaga si Ria? Ilang ulit ko bang sasabihin sa iyo na huwag na kayong pumunta diyan sa bahay ni Victoria Valdroa!" tumaas na ng kaunte ang boses ni Lola.
Napabuntong-hininga ako.
Humiga ako sa kama at tinakpan ang magkabilang taenga gamit ang unan. Ayoko nang marinig pa ang mga sasabihin ni Lola. Ganyan na siya palagi at paulit-ulit na lang.
Muli kong inalala ang ginawang paghalik ni Skevon sa aking pisngi at napangiti ulit ako.
Maaga akong nagising kinabukasan. Nauna na rin ako sa tindahan kaysa kay Nanay kasi tanghali na siya nagising. Hindi pa humuhupa ang pagod niya mula sa kasal kahapon tsaka matagal din siyang nakatulog kagabi dahil maraming sinabi si Lola sa kanya. Nagluto ako ng agahan bago ako umalis ng bahay.
Habang naglalakad ako sa pilapil ay napatingin ako sa bahay ni Skevon at naalala na naman ang ginawa niya. Uminit tuloy ang buong mukha dahil do'n.
Nauna akong nagbukas ng tindahan at medyo wala pa masyadong tao sa Sentro tsaka hindi pa man din dumadating sina Aling Sinta at Aling Rita. Nagwalis muna ako sa harapan ng tindahan at naglinis din sa loob.
Kumuha ako ng basahan sa loob ng maliit na cabinet na nasa ibabaw ng lababo. Pagbalik ko sa harapan ay nagulat ako nang makita ko si Skevon na nakatayo na doon.
Halatang bagong gising pa lang siya dahil medyo magulo pa ang buhok niya. Hindi niya suot ang salamin niya ngayon. Nakasuot rin siya ng puti at maluwang na tshirt at itim na jogger pants.
Ang gwapo niya kahit bagong gising pa lang.
"Skev?"
"You are so early today. Hindi ka ba nakatulog ng maayos?" nag-aalalang tanong niya.
"Ahmm...maayos naman akong nakatulog..."
"Hindi ka ba napagod kahapon?"
"Okay...lang naman..."
Hindi ko alam sa sarili ko kung bakit hindi ako makapagsalita ng diretso.
Pumasok siya sa loob ng tindahan. Napakurap-kurap ako.
Anong gagawin niya sa loob? May plano na naman ba siyang tumambay dito? Eh, ang aga-aga pa?
"I want to buy some fruits, iyong nasa loob ng basket," sabi niya.
"Ah...okay..." Hilaw akong napangiti. "Ahmm...umupo ka na muna...doon sa kusina..."
Mabilis din naman niyang sinunod ang sinabi ko.
Nakagat ko ang ibabang labi ko habang kumukuha ng assorted fruits.
May kailangan naman pala siya kaya maaga siyang pumunta dito.Akala ko...