Simula nang pahintulutan na ako ni Nanay na pwede na akong pumunta sa bahay ni Skevon kahit kailan ko gusto ay hindi na talaga ako nag-atubili pa. Araw-araw na akong dumadaan, sa umaga papunta ng tindahan sa Sentro at sa hapon pag-uwi ko ng bahay. Walang mintis iyon. Kaya naman araw-araw din akong excited pag-gising ko pa lang sa umaga.
"Skev?" Nagulat ako nang dumating siya sa tindahan bandang alas nuebe ng umaga.
Dumaan na ako kanina at nag-kausap na kami. Sinabi niyang aalis siya ngayon papuntang Spain. May importante siyang aasikasuhin doon kasama ang isang art collector na siyang client din niya.
Mabilis ang paglapit niya sa akin sa loob ng kusina kung saan ako kasalukuyang naka-upo sa harap ng mesa at naglilista ng bagong deliver na mangga.
Napatayo ako. "Akala ko umalis ka na?" nagtataka kong tanong sa kanya.
Mabilis niya akong hinapit sa baywang at pinagdikit ang aming mga noo. "After a few minutes, aalis na ako."
"Ah, okay," tanging nasabi ko.
"But before I go, I badly want to this."
Iyon lang ang sinabi niya at pagkatapos ay marahan na niya akong hinalikan sa labi. Uminit ang pakiramdam ko sa buong katawan at lumakas na ang tibok ng aking puso.
Napangiti ako at kaagad ko ding pinulupot ang magkabilang braso ko sa batok niya. Napapikit ako at walang pagdadalawang-isip na tumugon sa bawat halik niya. At sa bawat halik naming dalawa ay naramdaman ko ang paglapat ng salamin na suot niya sa nakapikit kong mga mata. Hindi ako nagreklamo dahil hindi naman masakit.
Napangiti pa ako ng husto nang maisip na parang hindi pa siya kuntento sa naging halikan namin kanina sa loob ng gate niya. Kulang pa ata iyon sa kanya dahil heto siya ngayon at ginagawaran na naman ako ng matatamis na halik.
Naramdaman ko na ang malamig na semento ng lababo sa aking likuran dahil naisandal na niya ako doon. Naging mas mahigpit na rin ang pagpulupot ng mga braso niya sa baywang ko.
Naging malalim ang naging halikan naming dalawa. Natigil lang nang pareho na naming hinahabol ang aming mga hininga. Kagaya ng kadalasang nangyayari.
Pinagdikit niyang muli ang aming mga noo. "I'll be back after two days, Okay?" bulong niya.
Tumango ako.
"Maybe one or two in the afternoon ako makakauwi sa bahay," dagdag niya.
Tumango ulit ako.
Isang mabilis na dampi ulit sa aking labi. "Will you miss me, Nadj?" malambing niyang sabi.
Ako naman ngayon ang humalik sa kanya. "Hindi mo na kailangang itanong dahil alam mo na ang sagot."
Mahina siyang tumawa na parang kinikilig. Humagikhik naman ako.
"Mag-ingat ka, Skev," paalala ko.
Tumango siya.
Naghalikan ulit kami ng ilang sandali bago pa siya nagdesisyon na umalis nang tuluyan.
Naging abala na ako pagkatapos nang may mga dumating na customers sa tindahan. Bago pa magtanghalian ay bumalik na si Nanay sa tindahan. Umalis siya kanina patungong Guati bago pa man dumaan si Skevon.
Nakasakay si Nanay sa isang multicab na may kargang watermelon. Isang matandang lalake ang nagmamaneho habang kasama nito ang isang matandang babae na siyang katabi ni Nanay sa harapang bahagi ng sasakyan. Ito ang mag-asawang kaibigan niya na nagdedeliver ng mga prutas sa amin. Matagal na niya itong suki.
Naunang lumabas si Nanay nang huminto na ang sasakyan sa harap ng tindahan. Diniskarga ng matandang lalake ang mga watermelon at inilagay niya ito sa isang kahon na bakante sa harapan ng tindahan. Nag-usap saglit si Nanay at ang matandang babae. Nang matapos na ang matandang lalake ay umalis na rin sila kaagad ng kanyang asawa. Pumasok na si Nanay sa loob ng tindahan at tinungo ang kusina. Nilagay niya sa ibabaw ng mesa ang binili niyang pananghalian namin.