Abala kami ni Nanay buong araw dahil maraming customers sa tindahan pero kahit na gano'n hindi pa rin mawala sa aking isipan ang sinabi ni Skevon sa akin kaninang umaga.
Na hindi na niya ako gustong makita ulit na takot na takot at umiiyak. Na ayaw na niyang maulit ang nangyari.
Hindi na talaga 'yon mangyayari dahil sa ginawa niyang pag-request sa mga tanod na mag-checkpoint. Hindi na mauulit iyon dahil sa tulong niya.
Kaya naman may mga araw na hindi na talaga ako takot na mag-isa sa tindahan at ang maglakad sa pilapil pauwi kapag hapon.
I feel safe.
Araw ulit ng sabado kaya wala masyadong bumibili at simula kaninang umaga ay wala si Nanay dahil pumunta siya ng Voada kasama si Aling Sinta. May importante silang lakad.
"Naku, bagay na bagay sa 'yo maging model, iha," sabi ng isang ginang sa akin. Halatang hindi siya taga Siaon kasi hindi pamilyar ang mukha niya.
Hilaw akong ngumiti.
"Matangkad ka kasi tapos maganda pa ang hubog ng katawan mo," puri niya sa akin sabay tingin sa akin mula ulo hanggang paa.
Mayaman ang dating niya. Puti ang balat at halatang mamahalin ang suot na damit. Marami rin siyang suot na alahas sa katawan.
"Huwag mong isipan na scammer ako, iha, kasi hindi ako ganyan," natatawang sabi pa niya.
"Hindi naman po."
Bumili siya ng isang kilo ng mansanas. Hindi pa nag-iisang oras simula nang pagdating niya pero marami na siyang naikwento. Namamasyal lang daw siya dito ngayon sa Siaon kasi may kaibigan siya dito. Mga Vasquez ang apilyedo. Sa katunayan kilala ko ang nabanggit niya kaya naman hindi ko naisip na nagsisinungaling siya o ano. May negosyo daw kasi ang anak niya at may kinukuha daw itong mga modelo para sa mga produkto na damit at alahas.
"May i-n-issue kasi siyang brochures and catalogs every quarter of the year at may hinahire siyang mga models. Feeling ko pwede ka do'n."
Hilaw akong ngumiti.
Hindi ko pa kasi naisip na gawin ang ganoong bagay, ang pagmomodelo.
"Tapos ang ganda mo pa. Perfect ka talaga. For sure masisiyahan ang anak ko kapag nalaman niyang may nakita ako na pwedeng magmodel."
Bumuntong-hininga ako. "Sorry po, Maam, ha? Pero kasi hindi ako komportable sa mga ganyan. Hindi po kasi ako sanay."
Naging malungkot ang mukha niya. "Ay, talaga ba?"
Mahina akong tumango.
Oo at nakasali ako noon ng Mutya ng Siaon pero kasi hindi ko rin naman iyon kagustuhan, desisyon iyon ni Lola kasi malaki ang papremyo no'n. Tsaka sa mga panahong 'yon kahit papaano ay confident pa ako sa katawan ko hindi katulad ngayon na hindi na...
Naging masigla ulit ang mukha niya. "Pero tuturuan ka naman, iha, kung paano mag pose and everything."
Malugkot akong ngumiti.
"Hindi ka naman pababayaan do'n. Ang ganda mo kasi, eh. Bet na bet kita. Panigurado kapag na-feauture ka, ay, maraming clients ang magkakainteres sa products ng anak ko."
Hindi pa rin siya sumusuko.
"Pasensiya na po talaga."
"Hindi na ba talaga kita mapipilit?" malungkot niyang sabi.
"Sorry po."
Bumuntong-hininga siya. "Sige, okay lang. Baka hindi mo talaga gusto."
Mabuti naman at naintindihan din niya kalaunan.