Nakaraan...
Bakit ganoon makatitig sa akin si Skevon? May problema ba siya sa akin? Ano ba ang maling ginawa ko?
Ang mga tanong na 'yon ay hindi ko mahanapan ng sagot.
"Okay, class! Please answer page twenty-eight," sabi ng aming guro sa Math kahit kakapasok niya pa lang sa loob ng aming room. Hindi pa nga nakakalapit sa lamesa niya iyon na kaagad ang bungad niya sa amin.
Marami ang umalma.
"Shhhhhh!" suway niya.
Natahimik kaming lahat.
"Na-discuss ko 'to kahapon. Sinisiguro ko lang kung nakinig ba kayo sa akin at kung may natutunan ba kayo. Sige na, uulitin ko sagutan ang page twenty-eight."
"Twenty-eight po ba, Maam?" tanong isang kaklase ko.
Napatawa kami.
"Susmaryosep, Lafuentera, bago ko lang sinabi, 'di ba? Dalawang beses ko pang inulit."
"Sorry, Maam."
Nagtawanan ulit kami.
Kadalasan ang mga pasaway ay ang mga pinsan ni Shawnie. Si Kuya Arhen ang leader nila.
"Quiet!" sigaw ng aming guro. "Ang ingay talaga ng section na 'to! Grabe talaga!"
"Maingay po kami, Maam?" tanong naman ng isa ko pang kaklase na Lafuentera din.
Napatingin ako kay Shawnie at nakayuko siya. Nahihiya siya sa mga kalokohang ginagawa ng mga pinsan niya.
Hindi na sumagot ang aming Math Teacher at bumuntong-hininga na lang. Umupo na siya sa upuan niya at gumamit ng pamaypay kahit hindi naman mainit.
Binuklat ko na ang libro at hinanap ang page na sinabi ni Maam. Kaagad akong napahawak sa aking ulo dahil ang hirap ng mga tanong.
Paano ko ba masasagutan ang mga 'to? Ang bobo ko pa naman sa Math.
Partida wala pa akong dalang calculator. Pero kahit may dala pa ako hindi ko rin alam kung ano tama ba ang gagawin ko.
"Show your formula and the solution sa isang whole paper," dagdag ng aming guro.
Napangiwi ako. Nagsimula na akong magsagot kahit na hindi ako sigurado.
Bahala na.
Napatingin rin akong sa katabi ko at nakita ko na marami na siyang kinuyom na mga papel dahil hindi rin siya sigurado sa mga sagot niya.
Napatingin siya sa akin at sumimangot.
Bahagya akong napatawa.
Pareho kami ni Hiraya na bobo, hindi lang sa Math at maging sa ibang subjects din.
Natapos na ako sa pagsagot pero lahat ng 'yon ay gawa-gawa ko lang ang solution.
Okay na siguro 'yon, si Maam lang din naman ang sasagot at tsaka ang importante may naisulat ako. Kaysa wala, di ba?
Bahala na kung mali man basta napuno ko ng mga numero ang papel ko. Parang matalino at tama na rin kung titingnan.
"Tapos na ba lahat?" tanong ni Maam nang napansin niyang umingay na kami.
"Tapos na po ba kami, Maam?"
Masamang tumingin si Maam sa aking kaklase na nagsabi no'n. "Gusto mo ibagsak kita sa subject na 'to?"
Hindi sumagot ang kaklase ko bagkus ay tinakpan niya ang mukha niya ng papel. Nakita ko namang tumawa ito. Malakas siyang hinampas ng nasa likuran niya nakaupo na pinsan ni Shawnie.