Chapter Twenty-Six

127 5 2
                                    

Maulan pa rin sa mga sumunod na araw. Ayon sa weather forecast, wala naman daw bagyo. Buti nalang at hindi na gaano kalakas ang ulan. Baha pa rin sa mga mabababang lugar kaya wala pa ring pasok.

Galing akong banyo dahil katatapos ko lang maligo. Tahimik ang bahay kaya tumingin ako sa baba para hanapin si Bea. Hindi ko siya nakita kaya dumiretso nalang ako sa kwarto.

Hindi ko naman aakalaing magugulat ako sa biglaang pagsulpot ni Bea mula sa kwarto ko. Napahawak ako sa dibdib.

"Ano ba naman 'yan, nakakagulat ka naman!"

Nakahawak rin siya sa dibdib niya dahil maski siya ay nagulat din sa biglaang pagsigaw ko. "Ikaw kaya nanggugulat diyan!"

"Anong ginagawa mo sa kwarto ko?" tanong ko sa kaniya.

"Hihiram sana ng stapler, nawawala 'yong akin eh," sagot niya saka itinaas ang kamay niyang may hawak na stapler.

Napatango nalang ako, "Sa susunod magsabi ka nang hindi ako nagugulat."

Umismid lang siya saka na umalis para bumalik sa kwarto niya. Naiiling akong pumasok sa kwarto ko. Dumiretso agad ako sa harap ng salamin saka naglagay ng mga kung ano ano sa mukha. Mayamaya'y may kung anong pumasok sa isip ko para lingunin ang cellphone kong nasa ibabaw lang ng study table ko. Umiilaw ang screen.

Sinubukan kong hindi ngumiti at saka lumapit sa desk para kunin ang phone. Humiga ako sa kama pagkatapos kunin 'yon.

Nakadalawang missed calls na siya. Ang clingy niya talaga. Nang buksan ko ang screen ay bumungad agad sa'kin ang pangalan niya sa inbox ko. Naka-seen na lahat ng mga bagong mensahe niya bagay na kinakunot ng noo ko. Ang naalala ko ay nag-log out na ako bago pa ako maligo kanina. Pero bakit...?

Napabaling agad ako sa pintuan ng kwarto ko. Agad pumasok sa isip ko si Bea.

Hindi kaya... nakita niya?

Buong araw akong nabagabag na baka nakita ni Bea. Hindi imposible 'yon. Sino naman ang gagalaw sa cellphone ko kundi siya lang? Alam niya 'yong password ko kaya sino pa ang gagawa n'un? Multo?

Simula nu'n ay nahalata ko nang inoobserabahan na ako ni Bea sa bahay, bawat kilos ko, bawat pagtutok ko sa phone ko ay nadikit lang ang tingin sa'kin.

Nang humupa na ang baha ay nagkaroon agad ng brigada para sa paglilinis ng paaralan. Wala naman masyadong napinsala pero sa baba ang inabutan ng baha. Kinailangan naming tumulong.

Nang bumalik ang klase ay mag-isa akong pumunta sa Ukison. Si Bea ay sumabay kay Clark dahil may klase siya ngayong umaga. Kukupad-kupad akong kumilos ngayon dahil inaantok pa. Hindi kasi ako makatulog. Ramdam na ramdam ko talagang iniimbestigahan ako ni Bea.

Naisip ko kagabi... what if umamin ako sa kaniya? Bakit ba ako natatakot sa ideyang makilala niya si Kael as... you know... kalandian ko? 'Yon na nga rin ang problema... paano kung magtanong siya kung anong meron sa amin ni Kael? Sasabihin ko bang nililigawan ako nu'ng tao? Anong magiging reaksyon niya kung malaman niya ang agwat namin ni Kael? Hindi naman judgemental si Bea pero bakit natatakot akong mahusgahan niya?

Napailing ako at winaksi agad 'yon sa isip ko. Matamlay akong bumaba sa kotse nang makarating na ako sa school.

Mamaya pang 9:00 ang klase ko kaya ginugol ko ang bakante kong oras sa kaiisip kung paano ako aamin kay Bea. Ni hindi pa nga ako nakakausad sa mga masusuring tingin ng kaibigan ko ay dumagdag pa ang mga nang-oobserba ring tingin ni Elise.

Isa rin 'to sa bumabagabag sa isip ko. Pagkatapos kong bumisita kay Kael noong magkasakit siya ay parang nakita ko si Elise doon. Hindi ko nga lang alam kung siya ba 'yon o guni-guni ko lang. Baha pa ang daan nu'ng araw na 'yon, hindi naman siya siguro bumisita sa kuya niya? Gusto kong itanong kay Kael 'yon pero marami na akong iniisip kaya siguro sasabihin ko nalang kapag magkita na kami.

Favorite Mistake (Unraveled Hearts Series #1)Where stories live. Discover now