Charlie
Free day namin ngayon matapos ang community service kahapon. Bumalik na rin ang mga kasama ko sa mansion kung saan kami tumutuloy. Pero, nanatili ako dito sa barangay namin para dalawin sina mama at papa.
Bungalow lang ang bahay namin. Walang pintura sa labas at loob ng bahay dahil kulang sa budget. Halos lahat ng pera namin ay napupunta rin sa gamot ni papa.
Hindi naman ako nagrereklamo. Minsan lang ay nahihirapan na ako, pero wala akong magagawa dahil ako lang ang inaasahan ng pamilya namin ngayong wala na si kuya.
"Ano pong ulam?" Nilapitan ko si mama na busy sa pagluluto ng umagahan sa kusina.
"Ano pa? Eh di tinapa at itlog na maalat. 'Yan lang naman ang mabibili ng pera natin," sagot naman niya habang nilalagay na ang ulam sa mesa. "Kailan mo pala mabibigay 'yong bayad ng kuryente dito sa bahay?"
Napatigil ako. Kakapadala ko lang ng pera noong isang linggo. Kasama na rin doon 'yong pambayad ng kuryente nila. "Ah, ma, di ba po kakabigay ko lang noong nakaraan?"
"Aba, sa tingin mo kasya 'yong pambili ng gamot ng papa mo doon pati na pagkain namin dito? Kulang pa nga 'yon eh," sagot naman ni mama habang umuupo sa harap ko.
"Ah, sige po. Magpapadala nalang ulit ako next week," usal ko. Hindi ko rin naman siya kayang sumbatan dahil siya na ang tumayong nanay ko simula pagkabata. Nawala raw ang totoo naming nanay ni kuya noong niluwal niya ako.
"Next week pa? Paano kung maputulan kami? Paano pa makakatulog ang papa mo kapag walang aircon? Alam mo namang mabilis 'yong mairita."
"Kumusta na po pala si papa?" tanong ko para ibaling ang pag-uusap namin.
"Siyempre ganun pa rin. Nanghihina pa rin ang katawan at madalas natutulog sa umaga."
Napatigil ako sa pagkain habang inaalala ang kondisyon ni papa. Nasa kwarto pa rin siya ngayon at mahimbing ang tulog.
Ilang taon na siyang may Myasthenia Gravis. Noong una, akala namin na-stroke siya dahil sa biglang pagbagsak ng kanyang katawan. Nahihirapan rin siyang magsalita minsan.
Isa ring sintomas ng sakit niya ay ang sobrang antok lalo na sa umaga. Kaya naman napilitan siyang tumigil sa pagtatrabaho dahil sa kondisyon niya.
Mahal ang maintenance na gamot ni papa, kaya minsan hindi siya umiinom nito.
May maliit na tindahan naman kami sa tapat ng aming bahay, pero madalas ay umuutang naman ang mga bumibili sa amin.
Ang lupa na sinasaka noon nina papa ay biglang tinangay ng isang mayamang angkan. Ang perang ibinayad nila sa amin ay napunta rin sa mga gamot ni papa. Wala kaming ibang aasahan kaya kinailangan kong magtrabaho habang nag-aaral sa Maynila... lalo na noong nawala si Kuya Chester.
"Good morning sa aking reyna at prinsesa," isang boses ang nakapukaw ng aking atensiyon.
Paglingon ko sa likod ay nakita ko si papa na nakasakay ng wheelchair na papunta sa aking direksiyon. "Pa? Gising na kayo?"
"Aba siyempre. Ngayon ka lang uuwi kaya kailangan kong magising," sabi pa niya habang ginugulo ang aking buhok. "Kelan ba tutubo ang buhok mo, anak?"
"Kapag tumubo na ulit ang iyo, pa," tumatawang sagot ko.
Napahawak si papa sa kanyang ulo na may kakaunting hibla ng buhok. "It's a tie nga pala," tumawa na rin siya.

BINABASA MO ANG
The Elixir Project [Gen L Society #4]
Teen Fiction[Gen L Society Series #4] Charlemaigne Sandos pretends to be a guy to enter the Omega Phi fraternity ran by the playboy commander... *** Disclaimer: This story is written in Filipino-English Cover illustration by: Jhay Art