Stephen's Point of View
"I'll go ahead," paalam ni Jake nang matapos siyang mag-ayos. "I'll see you tomorrow evening."
"Ingat ka," tugon kohabang abalang tinatapos ang research homework ko. Nasimulan ko na sana 'to kung hindi lang dahil sa pangungulit ni Jake na manood kami kagabi.
Dala ng antok dahil sa pagpupuyat at dahil sa napanaginipan ko kagabi ay hindi ko maiwasang makaramdam ng antok. Ilang minuto kong linalabanan ang katawan ko ngunit hindi ko na namalayang nakaidlip na ako sa kinauupuan ko.
Asul ang kalangitan at ramdam ko ang init ng araw. Tumingin ako sa paligid. Nasa parke ako kung nasaan ang man-made lake na mindsan kong nakita sa isa sa mga panaginip ko. Katabi ko si James. IIsa ito sa mga memorya ni Miguel noong mga panahong hindi pa nakikipaghiwalay si James sa kanya.
"Ikaw at ako lang, sapat na," wika ni James habang nakatitig sa lawa. "Pangako ko, kapag nagtapos na tayo; pupunta tayo sa ibang bansa. Magkakaroon tayo ng masayang pamilya. Magtiwala ka sa akin."
Ngumiti ako at tumango. Nagtitiwala nga si Miguel sa kanya.
"Naalala ko 'yong naikwento mo sa akin," wika ko sabay tingin sa regalo niyang purselas. "Sa tingin mo ba... itinadhana tayong dalawa? Na tulad ng sinabi mo ay may pulang pising kumukunekta sa ating dalawa?"
"Oo naman," sagot niya. "At kung wala man, ngayon ay itinatali ko na ang mga tadhana natin para magkita tayo at muling magmahalan sa ating mga susunod na buhay. Kahit nasaan ka pa, pupuntahan kita. Hahanapin kita. Pangako."
"Pangako. Hahanapin din kita sa mga susunod nating mga buhay.."
Kadiliman...
Nasa loob ako ngayon ng aking kuwarto— hindi, kuwarto ito ni Miguel.
Nakipaghiwalay na si James sa akin, at napakasakit malaman na may iba. Napasandal ako sa pinto bago napaupo sa sahig. Kaagad na nagsilabasan ang mga luha ko. Para bang may kung anong humihila sa puso ko mula sa aking dibdib. Kasalanan kong kaagad akong nagtiwala sa mga matatamis niyang mga salita't mga pangako. Napatingin ako sa suot kong purselas, ang purselas na rinegalo niya. Dala ng matinding galit ay hinila ko 'yon mula sa aking pulso at itinapon palayo.
"Miguel... Miguel," pagtawag ni Mama ngunit ayokong kumausap ng kahit sino ngayon. Pagkalipas ng ilang minuto ay tumigil siya. Rinig ko ang mga yabag ng kanyang hakbang palayo. Napayakap ako sa aking mga tuhod habang impit pa ring lumuluha. Hindi ko namalayan na nagbukas ang pinto.
"M-Miguel!" pagtawag ni Mama nang makita ako.. "Anong nangyayari sa'yo?"
Hindi ako sumagot; pinagpatuloy ko lang ang pag-iyak. Naramdaman ko ang pagyakap ni Mama. Kaagad akong yumakap sa kanya. "Tungkol ba ito sa taong nagugustuhan mo?"
"Ma, may mahal na siyang iba," wika ko; hindi ko na napigilan ang aking paghagulgol.
"Anak, makinig ka," saad ni Mama. "Hindi nagtatapos ang iyong mundo sa paghihwalay niyo. Maniwala ka sa akin, makakahanap ka rin ng taong para sa'yo. Anak, ganito talaga kasakit ang unang pag-ibig. Dumaan din ako sa sitwasyong 'yan. Bata ka pa."
"Miguel!" malakas na pagtawag ng isang tinig. Humiwalay kami ni Mama bago napatingin sa isa't-sa. Si Papa 'yon. Hindi nagtagal ay pumasok siya sa aking silid.
"A-anong problema, mahal?" tanong ni Mama.
"'Yang anak mo!" sigaw ni Papa. Kapwa sila tumingin sa akin.
"Anong ibig mong sabihin? Kumalma ka."
" Paano ako kakalma? Alam mo ba na isang binabae 'yang anak mo?!"
Lumapit siya sa akin at pilit na hinila palayo mula kay Mama.
"Ano ba 'yang pinagsasabi mo?"
"Umamin ka, Miguel," galit pa ring wika ni Papa. "Bakla ka ba?"
"Hindi, Pa," nanginginig kong tugon sa takot.
"Kung ganun ay anong ibig sabihin nito?" tanong niya sabay pakita ng mga papel na hawak niya. NMga liham 'yon ni James na itinago ko sa silong ng kama.
"Nakita ko sa silong ng kama mo," paliwanag ni Papa. "Sa tingin mo talaga ay maitatago mo sa akin ang bagay na 'to?"
Biglaang isinampal sa akin ni Papa ang mga liham ni James sa aking mukha. Kwinelyuhan niya ako bago hinawakan ang aking panga. "Tingnan mo ako," ang utos niya.
"Tama na 'yan," umiiyak na saway ni Mama.
"Huwag kang makialam!" bulyaw ni Papa bago siya itinulak palayo. "Hinding-hindi ko 'to matatanggap. Hinding-hindi ko matatanggap na may salot at kahihiyan sa bahay na 'to."
Dumapo ang kamao ni Papa sa aking mukha kasunod ng malakas na paghiyaw ni Mama nang makita 'yon. Kaagad akong bumagsak sa sahig; nagmadaling lumapit sa Mama. Ramdam ko ang pagkahilo at ang pagpatak ng dugo mula sa aking labi.
"Hindi ba't sinabi kong huwag kang makialam!" bulyaw ni Papa bago siya pinalayo sa akin. "Hindi ka ba nahihiya? Paano na lang kung malaman ng iba ang tungkol dito?"
Ibinaling niya ang kanyang tingin kay Mama. "Kasalanan mo ang lahat ng ito! Sa susunod na semestro, ipapasok kita sa Philippine Military Academy sa Baguio nang matanggal 'yang kabaklaan mo."
"Ayoko!"
"Wala kang karapatang sumagot. Ako ang ama mo, at anak lang kita!" sigaw ni Papa Hinila niya ako papatayo bago ako kinaladkad palabas ng kuwarto. "Kailangan mong maturuan ng leksyon."
"Miguel!" lumuluhang pagtawag ni Mama habang sumusunod sa amin ni Papa.
"Mama!" pagtawag.
"Umayos ka! Kalalake mong tao!" galit na saway ni Papa habang kinakaladkad ako palabas ng bahay. Ramdam ko ang pagpatak ng ulan sa labas. Dinala niya ako sa hardin at itinapat ang katawan ko sa isang metal na drum na puno ng tubig.
"Wala akong anak na binabae!"
Hinawakan ni Papa ang aking ulo at pilit akong linublob sa tubig.
Pinilit kong manlaban. Humawak ako sa gilid ng drum para itulak ang aking sarili palabas ng tubig ngunit ramdam ko ang lakas ni Papa.
"Itigil mo 'yan!" protesta ni Mama nang hilain ako palabas ni Papa. Kaagad akong naubo at naghabol ng hininga. Hawak-hawak ni Mama ang braso ni Papa. Kaagad na dumapo ang paklad ni Papa sa pisngi ni Mama.
"Tama na, Papa," pakiusap ko.
"Hindi tayo titigil hangga't hindi ka umaayos," saad niya. "Papasok ka sa PMA sa ayaw at sa gusto mo."
"Papa, ayokong maging sundalo," muli kong pagtanggi na mas lalo niyang ikinagalit. Muli niya akong linublob sa tubig.
Sumagi sa aking isipan ang isang bagay.
Wala na si James.
Hindi ako tanggap ni Papa. May dahilan pa ba ako para magpatuloy?
"Tumigil ka na!" sigaw ng tinig ni Mama.
"A-anong ginagawa mo?" tanong ni Papa bago ako binitawan. Kaagad akong umahon mula sa tubig at tumingin Nakita kong may hawak na baril si Mama at nakatutok ito kay Papa.
"Minsan mo pang saktan ang anak ko, hinding-hindi ako magdadalawang-isip na hilain ang gatilyo," pagbabanta ni Mama.
"Sa tingin mo natatakot ako sa sa'yo? Kilala kita at hindi mo magagawa."
Napatingin ako sa bintana, nakadungaw si Makoy at pinapanood kami.
Napaupo ako nang makarinig ng isang malakas na pagputok.
Kadiliman...
BINABASA MO ANG
破碎的誓言 (The Broken Vow) A BL Romance
RomanceSa paglipat ni Stephen ng pinapasukan ay umaasa siyang isa itong panibagong simula para sa kanya. Sa na ay tahimik ang lahat ngunit magbabago ito sa pagdating ni Aldren. Isang hindi mapaliwanag na na galit an kaagd na naramdaman ni Stephen sa kany...